Dating Kawatan
Dahil sa hirap nang buhay nila Janjan, kahit labag sa kaniyang kalooban ang magnakaw sa mga grocery store, kainan o kahit sa maliliit na tindahan, ay ginagawa niya pa rin para lang maibsan ang gutom na nararamdaman ng kanyang mag-ina.
Gustuhin man niyang magtrabaho kahit bilang isang kargador, ayaw siyang kunin pagkat wala siyang kahit isang maayos na damit, walang saplot sa paa at mayroon siyang masang-sang na amoy.
Minsan ay may nagtiwala kay Janjan. Kinuha siya nito bilang utusan sa isang karinderya sa divisoria. Naging maganda ang pakikitungo ng amo ni ng lalaki sa kanya. Binilhan siya ng dalawang pares ng damit, mga saplot sa paa at palagian siyang pinapaalalahang maligo sa likuran ng tindahan at magtawas.
Itinuring nito na parang anak si Janjan, kaya naman naging maalwan kahit papaano ang buhay ng pamilya niya. Nakakakain na sila nang tatlong beses sa isang araw na dati ay isang beses lamang o minsan wala pa.
“Bait talaga sakin ni Aling Mireng no? Akalain mo yon bukod sa sweldo ko meron pang diaper itong si Chloe! Ang saya saya ko, mahal! Hinding-hindi ko sisirain ang tiwala niya. Minsan lang may magtiwala sa isang tulad ko!” ani ni Janjan sa asawa habang u-talon sa tuwa.
Ngunit dahil nga sa kabaitang pinapakita ni Aling Mireng kay Janjan, marami sa mga tauhan nito ang naiinggit sa kanya. Minsan nilang itinago sa bag ng lalaki ang relong naiwan ng ale sa banyo.
“Aling Mireng, alam mong hindi ko magagawa sayo yan. Siguro may naglagay lang niyan, lalo na’t parang lahat sila may galit sakin.” pagpapaliwanag ni Janjan.
“Naku Janjan, nagbigay ako ng tiwala sayo sana huwag mo naman sirain. Maulit pa ito, hindi ako mag-aatubiling ipakulong ka para matuto ka naman!” panakot ni Aling Mireng habang naggagayat ng sayote.
Inosente man sa nangyari, walang magawa ang lalaki sa nasabing insidente. Alam niya sa sarili niya na wala siyang maling ginawa. Alam niyang may gusto lang sumira sa kaniya.
Makalipas lamang ang isang linggo, nawawala naman ang kaha kung saan nakalagay ang lahat ng benta ng karinderya ni Aling Mireng. Halos mabaliw ang ale kung nasaan na ito. Sigaw na siya nang sigaw. Nagpatawag na rin siya ng mga barangay tanod.
“Naku Aling Mireng, hinayaan mo kasing may makapasok na magnanakaw sa karinderiya natin eh. Dati naman nung tayo-tayo lang walang nawawala kahit isang kutsara.” sulsol nang isang tauhan ni Aling Mireng habang nginunguso itong si Janjan.
“Hoy ikaw Janjan, halika nga’t makapkapan ka. Dalhin mo yang bag mo!” sigaw ni Aling Mireng.
Laking gulat ni Aling Mireng na makita niya ang kahang naglalaman ng mga benta nila sa bag ng lalaki. Halos manlumo ito at mangiyak-ngiyak.
“Janjan, pinagbantaan na kita, anak. Bakit hindi mo ba maayos ang sarili mo ha. Akala ko ba magbabago kana? Ibinigay ko naman lahat ng pangangailangan mo ha? Sana naman huwag mo na pag-initan pa ang mga benta dito sa karinderya.” pag-iyak ni Aling Mireng.
“Aling Mireng, hindi ko po magagawa ito sa inyo. Alam nang Panginoon na hindi ako ang may gawa! Naset-up nanaman nila ako! Hindi ko nga po nahawakan yang bag ko buong araw dahil sa dami ng hinuhugasan ko sa likod bahay. Nandyan lang po yung bag ko nakasabit kasama ng mga bag nila!” maluha-luhang paliwanag ni Janjan.
“Alam mo Janjan, walang gamot para sa malikot mong kamay kung hindi ang kulungan. Siguro dati hindi ka nila nahuhuli, pero ngayon, bistong-bisto kana.” tukso ng isang katrabaho ni Janjan.
Dumating na nga ang mga tanod at dinampot ang lalaki. Inutos ni Aling Mireng na dalhin na ito sa kulungan kahit pa labag sa kaniyang kalooban.
Dahil sa pagkadismaya at dala na rin nang galit ni Janjan sa mga gumawa nito sa kanya, wala siyang kahit isang salitang nasabi sa mga pulis kaya naman dineretso na siya sa kulungan.
“Mahal, nagbago naman ako eh. Kahit naman nakakakita ako sa kaha ni Aling Mireng nang malaking pera, ni hindi sumagi sa isip ko na kunin yun. Bakit naman nila nagawa sakin ito, Mahal? Por que ba dati akong magnanakaw hindi na ako pwedeng magbago?” iyak ni Janjan sa kaniyang asawa.
“Hayaan mo at lulutang rin ang totoo, sa ngayon ay magdasal nalang muna tayo,” umiiyak ring sabi ng kanyang asawa.
Mabilis lumipas ang ilang araw, walang ibang ginawa ang lalaki kung hindi kausapin ang Diyos.
“Lord, kung ito na po ang kabayaran sa lahat ng kasalanan ko noon.. tatanggapin ko po. Pero sana, bigyan Nyo naman po ako ng pagkakataon na maitama ang lahat. Kasi ho sa panahong ito, saksi naman Kayo na wala talaga akong ninakaw.” taimtim na bulong niya.
Maya maya pa ay narinig niya ang rehas na bumubukas, “Jan Alvin Mangohig, laya kana.”
Gulat na napalingon siya, nasa likod nito ang umiiyak na si Aling Mireng.
“Jan, nakonsensya iyong isa sa mga tauhan at umamin, Patawarin mo ako kung naniwala ako agad ha?”
Sa sobrang tuwa niya ay nayakap niya ang ale.
Basta talaga lumapit sa Diyos, walang imposible. Ang nagsisisi ay taos puso Niyang pinapatawad.
Image courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!