Dumi ng Aso Mo, Dakot Mo!

Umaga pa lamang ay maririnig mo na ang alingawngaw ng bunganga ng kapitbahay nila Mila na si Aling Eva. Palagi itong nagsusumigaw dahil kada gigising siya sa umaga laging may mga dumi nang aso sa kanilang pintuan.

Minsan pa nga’y dala nang kaantukan, natapakan ito ni Aling Eva kaya naman galit na galit siya sa mga kapitbahay niyang may aso gaya nila Mila.

“Hoy Mila labandera! Iyang aso niyo ginawa nanamang palikuran ang tapat ng bahay ko! Hindi mo ba maitali-tali yan?” pagtataray ni Aling Eva habang dinuduro-duro si Mila gamit ang kaniyang walis tingting.

“Aling Eva, kita niyo naman pong nakatali ang aso namin. Paanong siya ang may gawa niyan?” pagdepensa naman ni Mila.

“Aba malay mo sa gabi nakakawala yan! Saka huwag kana magdahilan at linisin mo na lamang ito! Mga perwisyo talaga kayo! Mag-aalaga-alaga kayo nang aso, ayaw niyo namang siguraduhing dumudumi sa tamang lugar yang mga iyan!” pagbubunganga ni Aling Eva habang nakataas ang isang kilay.

Wala namang magawa si Mila kundi sumunod pagkat kakalipat lamang nila sa barangay na ito. Isa pa, mas nakakatanda ni Aling Eva sa kaniya, kaya bilang paggalang na lang rin, dinampot niya na ang mga duming hindi naman niya alam kung aso niya nga ang may sala.

Halos uma-umaga ganoon ang eksena sa pagitan nila ni Aling Eva. Kada may dumi, siya ang pag-iinitan. Kung minsan pa ay tsini-tsismis pa siya sa buong barangay. Baboy raw siya, kabago-bago eh walang modo.

Dahil nga bago pa lang at wala pang gaanong kapalagayan ng loob si Mila, umisip siya nang paraan kung paano niya malilinis ang kaniyang pangalan at kung paano niya malalaman kung kaninong aso ba yung dumudumi sa harap nila Aling Mila. Dahil malabo naman talagang aso niya ito pagkat nakatali ito sa likod bahay nila.

Advertisement

Maagang nagising si Mila kinabukasan. Alas singko pa lang ay nasa harapan na siya nang kaniyang bahay, nagkakape at naghihintay kung may asong darating.

Bandang alas singko y media nang tumahol ang aso ni Mila, doon niya nasaksihan ang pagdumi nang isang aso at kinuhanan niya ito ng video para ipakita kay Aling Eva. Makalipas ang ilang sandali, umalis na ito at sinundan ito ni Mila.

Natuklasan niyang ang aso palang ito ay pagmamay-ari ng isa sa mga amiga nitong si Aling Eva. Kalapit bahay lang rin nila! Kaya bago pa magbunganga itong si Aling Eva, kinatok na niya ito at pinanuod ang video.

“Walanghiyang aso ni Karmen yan! Aba makakatikim sakin talaga yan!” inis na sabi ni Aling Eva.

“Maghunos dili po kayo, bakit hindi niyo na lang po sabihin kay Aling Karmen na itali ang aso niya para wala na akong lilinisin tuwing umaga, diba po?” pakamot ulong sabi ni Mila.

“Ay oo nga, pasensya kana ineng ha. Ikaw pa ang napagbintangan ko. Halika, pumunta tayo kila Karmen at nang maitali na ang perwisyong aso nila!” galit na sabi pa rin ni Aling Eva.

Pumunta nga sila kila Aling Karmen, kahit tulog pa ito ay kinatok ito ni Aling Eva. Noong una ay tinatanggi ito ni Aling Karmen pagkat nasa loob dawn ang bahay ang kanilang alaga.

“Aba sige nga Karmen, panuorin mo ito! O, aso mo yan diba? Aba dalawang linggo na niyang ginagawang palikuran ang harap nang bahay ko! Ang matindi pa, itong si Mila ang pinagdadakot ko! Buti na lang mabait na dalaga itong si Mila.” ika ni Aling Eva.

Advertisement

“Aba eh kasalanan mo yan Eva. Masyado kang bungangera at bintangera! Kawawa naman itong si Mila. Pasensya kana Mila ha, itatali ko na itong aso ko para hindi kana magdakot ng dumi. Imbis kasi na tinapay ang una mong hawakan sa umaga, dumi muna ng aso para lang hindi mabungangaan nitong si Eva, ano?” pabirong sabi ni Aling Karmen.

Nagtawanan at nagkakwentuhan pa ang tatlo. Niyaya na rin ni Aling Eva si Mila na doon na mag-almusal sa bahay nito, pero syempre pinadakot muna ni Aling Eva ang huling duming mayroon sa tapat ng pintuan niya. Pailing-iling itong dinampot ni Mila habang tawa nang tawa itong si Aling Karmen.

Lumipas ang mga araw na wala nang umaalingaw-ngaw na bunganga ang gumigising kay Mila, kung minsan na lang ay pagkatok ni Aling Eva para yayain siya magkape sa harapan ng bahay nito.

Sa buhay nang tao, madalas may susubok sa kabaitan at pasensya na mayroon tayo. Marapat lamang na kahit anong mangyari ay panatilihin natin ang kabaitang naninirahan sa ating puso.