Iiyak Pero Di Susuko
“Nak, andyan na si Ninang Malou mo, sabihin mo wala ako ha. Wala pa tayo pangbayad sa tocino eh.” bilin ni Ella sa kaniyang pitong taong gulang na anak. Tumango lamang ito. Maya maya, kumatok na nga sa kanila si Malou.
“Mare! Ano na? Kahapon pa dapat bayad nung-ay o Princess, saan mama mo?” tanong ni Malou sa bata.
“Wala daw po siya sabi ni Mama eh. Wala pa daw po kasi kami pangbayad sa tocino.” walang kamuwang-muwang na sabi ni si Princess.
Narinig ito ni Ella at sabay silang napatawa ni Malou.
“Hoy Ella gumamela, lumabas ka dyan! Walanghiya ka tinuruan mo pa magsinungaling ang anak mo. O ngayon tatawa-tawa ka dyan.” natatawang ani Malou.
“Eh pahamak to eh. Imbis na makapagtago ako, binuking pako.” tawang-tawang ‘ika ni Ella.
“O saan na bayad mo? Dali at mamimili pa ako ng mga sangkap sa palengke baka mga bulok ang matira sakin at tanghali na!” pagmamadali ni Malou.
Wala nang nagawa si Ella kung hindi ibayad ang natitira niyang pera kay Malou. Balak niya sanang dalhin sa Jollibee itong si Princess dahil kaarawan ng bata ngayon.
“O dahil sa kadaldalan mo, hindi tayo makakapunta sa Jollibee. Ayan tama na sayo yang itlog at kamatis.” naiinis na ani Ella.
Ngunit nakaramdam pa rin naman siya ng awa, ika-pitong taon na kaarawan ng anak niya tapos wala man lang siyang maibigay kahit na cupcake. Kaya naman naisipan niyang mangutang sa isa niya pang kumara para mairaos na lamang ang kaarawan ng anak.
“O, sa katapusan bayad niyan ha. Bali magiging six hundred ha kasi five hundred yang kinuha mo.” anang kumare niya.
“Oo, darating na naman bago magkatapusan ang padala ng asawa ko eh. Gusto mo doblehin ko pa eh.” pagmamayabang ni Ella. Hindi naman sila kasal pero asawa na ang tawag niya sa ama ng kanyang anak, nasa ibang bansa ang lalaki.
Dinala nga ni Ella ang anak niya sa paborito nitong kainan—sa Jollibee. Kitang-kita niya ang saya nito sa paglalaro at pagkain nito ng paboritong spaghetti. Maya-maya, tumawag ang asawa ni Ella, buong sigla niya itong sinagot at nagulat siya sa kaniyang nakita. Video call kasi iyon.
KItang-kita ni Ella ang kababuyang ginagawa ng asawa niya kasama ang isang babae. Hindi niya nakayaan ang mga nasaksihan kaya naman pinatay na niya ang tawag saka nagtungo sa palikuran.
Doon, napaupo siya sa sahig, halos hindi makapaniwala, halos hindi makaiyak. Kaya naman pala dalawang buwan nang walang pinapadala ang mister niya. Kaya rin pala isang buwan na itong hindi tumatawag, iba naman pala ang inaatupag.
“Siguro hindi niya sinasadyang mapindot yon. Kamalian ko lang bakit sinagot ko agad. Kitang-kita ko pa kung paano sila maghubaran! Kaya naman pala wala nang sigla itong asawa ko kapag kausap ako.” tuluyan nang humagulgol si Ella.
Maya-maya naalala ni Ella ang anak niyang iniwan niya sa palaruan. Dali-dali siyang naghilamos at nag-ayos ng sarili. Nakita niyang tuwang-tuwa ang anak niya, napaluha muli siya.
Lumipas ang mga araw na wala pa ring tawag ang kanyang mister. Marahil hindi pa rin nito natutuklasan na alam na niya ang lahat ng kalokohang pinaggagawa nito.
Magkakatapusan na at namomroblema na ang babae kung saan kukuha ng panggastos nilang mag-ina. Naalala niya pa na may utang nga pala siya sa kumare niya, anim na raan rin yon. Halos mabaliw-baliw na si Ella bunsod nang masyadong pag-iisip at gutom.
Ibinilin muna niya si Princess sa Ninang Malou nito. Sabi niya, may aasikasuhin lamang siya pero ang totoo, napag-isipan niya nang kumapit sa patalim para may maipangbayad sa utang at may maipakain sa anak niya.
Pinuntahan niya ang kaniyang dating nakarelasyong pulis. Wala itong asawa ngunit sampung taon na mas matanda sa kaniya. Kinausap niya ito, at pinangakuan niyang papaligayahin basta bigyan siya ng magandang buhay.
“Cardo, alam mo sobrang walang wala na ako eh, katawan na lang talaga ang mayroon ako. Iyong-iyo na.” ani Ella nang may kaunting pang-aakit nang silang dalawa na lamang ang magkasama.
Hinawakan ng lalaki ang kamay niya at hinalikan iyon.
“Matagal kitang hinintay Ella, gusto kong maramdaman mo kung gaano kita kamahal dati pa.Pero hindi ito ang tamang paraan, hindi nararapat sa iyo na magpakababa. Kung..kung talagang may pagkakataon na ako ngayon ay hayaan mo sanang ligawan kita nang maayos.” masuyong sabi nito.
Natulala ang babae, hindi iyon ang inaasahan niya. Tahimik siyang umalis habang napapahiya.
Dahil sa mga salitang iyon, natauhan si Ella. Napagdesisyunan niyang magpadala ng mensahe sa asawa niya na naglalaman ng lahat ng sama ng loob niya. Dito inamin niya na alam niyang mayroon na itong iba at nais niya nang makipaghiwalay.
Ilang buwan ang nakalipas ay tuloy pa rin sa panliligaw ang pulis, isang taon lang ang hinintay nito at muli na namang binuksan ni Ella ang puso niya.
Dahil dito, nagsimulang bumangon ang babae sa pagkakadapa lalo na’t may umaalalay sa kanyang magsimula ulit.
Madalas sa buhay ay mabibigo tayo, masasaktan, masusugatan, pero kailangan nating bumangon at mapatuloy. Dahil ang mga pagsubok na ito ay mga hamon lamang upang lalo tayong tumibay.
Image courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!