Ang Tatay Kong Karpintero
Tahimik na umuwi si Clarence matapos ang kanilang klase. Inihayag ng kanilang guro na PTA Meeting na naman. Kailangang dumalo ng kanilang mga magulang. Taon-taon itong ginagawa sa mga paaralan upang makausap ng mga guro ang mga magulang.
Sa buong pag aaral ni Clarence, laging ang nanay niya ang dumadalo sa mga ganitong gawain. Subalit nang sumakabilang-buhay ang kanilang Nanay, ang kanilang Ate Menchie na ang dumadalo rito.
Ayaw niyang dumadalo, o nakikita man lamang ng kanyang mga kaklase at kaibigan ang kanyang tatay, si Tatay Orlando. Nahihiya kasi siya sa hitsura nito. Hindi kasi nagsusuklay ang kanyang tatay. Madalang mag-ahit ng bigote at balbas. Hindi nag-aayos sa kanyang sarili. Isang karpintero si Tatay Orlando.
Malayo rin ang loob ni Clarence sa kanyang tatay. Aminado siyang “mama’s boy” siya kaya’t labis ang kanyang kalungkutan nang lumisan sa daigdig ang kanilang nanay. Nang mag-asawa ang kanilang Ate Menchie, nagmakaawa siya rito na kunin at isama na lamang siya dahil ayaw niyang makasama ang kanilang tatay. Sinuweto siya nito, wala raw mag-aalaga sa kanilang magulang.
Umaalis ng madaling-araw si Clarence, at sa tuwina’y ipinagluluto naman siya at inaasikaso ng kanyang tatay bago pumasok sa paaralan. Pinaplantsa nito ang kanyang uniporme. Pinakikintab ang sapatos. Binibigyan ng malaking baon, at pinaaalalahanang huwag magbubulakbol. Sa kabila nito, ayaw pa rin niya itong makita ng kanyang mga kaklase at guro.
Kaya pagdating sa bahay at pagkapasok sa kanyang kwarto, agad na tinawagan ni Clarence ang kanyang Ate Menchie, na matagal nang bumukod ng tirahan kasama ang sariling pamilya nito.
“Ate Menchie, PTA na naman bukas. Libre ka ba? Ikaw na ang umattend,” sabi ni Clarence kay Menchie.
“Naku Clarence, hindi pwede, walang mag-aalaga sa pamangkin mo. Isa pa, si tatay na lang ang papuntahin mo. Aabsent yun for sure,” sagot ng ate.
“Alam mo naman diba? Nakakahiya kasi si taty eh… ano na lang ang sasabihin ng mga kaklase ko kung makikita nila siya?”
“Clarence, tigilan mo na nga iyan! Huwag mo naman ikahiya si tatay. Siya ang dahilan kung bakit nakakapag-aral ka ngayon. Saka, magulang natin siya, kahit ano pa ang hitsura o trabaho niya, wala tayong karapatan para ikahiya siya,” pangaral ni Menchie sa kapatid.
“Oo na. Tama na ang sermon. Sige, ate. Pag-iisipan ko.”
Wala talagang balak si Clarence na papuntahin sa kanilang paaralan ang ama. Bahala na, sa isip niya.
Maya-maya, nagtext ang kanyang kaklase. Si Vergie.
Clarence, kailangan daw talagang umattend bukas ng parents natin. May plus two raw sa quiz sabi ni Ma’am.
Running for honors kasi si Clarence kaya mahalaga para sa kanya na masunod ang mga panuto ng kanyang mga guro. Nag-isip nang mabuti si Clarence. Kailangan niyang gumawa ng paraan.
Naisip niya ang kanilang kapitbahay na si Aling Bebeng. Pakikiusapan na lamang niya ang matanda na ito na lamang ang magpunta sa kanilang paaralan. Agad siyang lumabas ng bahay upang makausap ito, subalit namalengke raw ito.
Naisip niya naman si Manong Eddie na may-ari ng eatery. Matikas ang porma nito. Kaya lamang, nakakahiya namang humingi ng pabor mula rito.
Lulugo-lugong umuwi na lamang si Clarence sa kanilang bahay. Napansin niyang naroon na ang kanyang tatay, at may kasama itong kasamahan sa trabaho. May bisita pala sila.
Narinig niya ang pag-uusap ng dalawa.
“Pare, swerte ka sa mga anak mo. Mukhang hindi ka binibigyan ng problema,” sabi ng kanilang bisita sa kanyang tatay.
“Oo pare. Wala akong naging problema sa mga anak ko. Ang panganay ko, bago mag-asawa, nagtapos muna at tumulong sa akin. Yung bunso ko naman na si Clarence, matalino. Pinagmamalaki ko ‘yun,” tugon ng kanyang tatay.
May kumurot sa puso ni Clarence nang marinig ang tinuran ng tatay.
“Buti ka pa pare, maayos ang mga anak mo. Yung sa akin… ayun, naging bulakbol. Yung isa, bastos, akala mo kung sinong mangatwiran. Swerte ka talaga.”
“Hindi pare. Ako ang swerte sa mga anak ko.”
Hindi napigilan ni Clarence na mangilid ang kanyang luha dahil sa sinabi ng kanyang tatay. Bigla siyang nakaramdam ng kurot sa kanyang konsensya. Ikinahihiya niya ang kanyang tatay na naging mabuting magulang sa kanila, subalit ang kanyang tatay naman ay labis silang ipinagmamalaki.
Sa araw ng PTA Meeting, nakangiting ipinakilala ni Clarence ang kanyang tatay sa kanyang mga kaklase at guro. Napagtanto niyang hindi niya dapat ikahiya ang kanyang tatay. Bagkus, marapat lamang itong ipagmalaki dahil sa mga ginawa nitong pagpupunyagi.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!