Paalam na, Nanay
“Ano ba Nay?!” sigaw ni Bea sa inang si Aling Rosa. Nakabasag na naman kasi ito ng pinggan ng magtangkang maghugas ng mga pinagkainan nila. Matanda na si Aling Rosa at uugod-ugod na ngunit nagpupumilit pa rin itong tumulong sa mga gawaing bagay.
“P-pasensya na anak, hindi ko s-sinasaddya,” pautal-utal at para bang natatakot sa anak na saad ng matanda.
“Sinabi ko naman po sa inyo na wag na kayong mag-abalang tumulong pa. Hayaan niyo na ang mga bata sa mga gawaing bahay. Ang kulit niyo kasi eh,” medyo inis na tugon ni Bea sa ina. Inalalayan niya ang ina papunta sa kama nito.
“Mahiga nalang po kayo dyan. Ako na po ang bahalang magligpit ng mga nabasag niyo,” hindi nalang umimik ang matanda. Tahimik na tumulo ang mga luha ni Aling Rosa sa kanyang mga mata.
Tiningnan niya ang anak habang nililigpit nito ang pinggan na nabasag niya at saka nito pinagpatuloy ang naiwan niyang mga hugasin. Gusto niya lang naman makatulong.
Awang-awa na kasi siya sa kanyang anak. Araw-araw ay pagod ito sa trabaho tapos pagkauwi ay aasikasuhin pa nito ang mga anak pati na rin siya. Pakiramdam niya ay isa lamang siyang pabigat sa anak. Isang matandang wala ng kwenta.
Hindi sinasadya ni Bea na masigawan ang ina nang makabasag ito ng pinggan. Pagod lamang siya kaya naman madali siyang mairita. Kasi naman, ayaw niya ding mapagod pa ang ina. Matanda na ito kaya dapat ay nagpapahinga na lamang. Pero sadyang makulit ang ina at parati pa ring pinipilit na tumulong sa mga gawaing bahay.
Pagkatapos niya sa mga gawaing bahay ay tiningnan niya ang inang mahimbing na natutulog. Hinaplos niya ang pisngi nito at hindi niya mapigilang maluha. Naalala niya na naman ang sabi ng doctor noong nakaraang pagpunta nila sa hospital.
“I’m sorry po ma’am, pero hindi na po talaga magtatagal ang inyong ina. Hindi natin masasabi kung kailan mismo o kung gaano pa katagal, pero siguradong bilang na ang araw niya. I suggest ihanda niyo na po ang sarili niyo,” hindi niya na nagawang sagutin ang doctor at umiyak nalang siya ng umiyak. Hinawakan niya ang kamay ng ina at tahimik na umiyak.
“Ma, sorry po ha? Kung nasigawan kita kanina. Pagod lang talaga ako. Tsaka ang kulit niyo po kasi eh. Alam niyo naman na ayokong napapagod ka, ayokong sumugal. Ma, please naman oh, makinig ka naman sana sakin,” pagsusumamo niya sa inang natutulog.
Mag-isang anak lang si Bea ni Aling Rosa. Hindi niya kilala kung sino ang kanyang ama. Mag-isa lamang siyang pinalaki ng kanyang ina. Pero kahit kailan ay hindi ito nagkulang sa kanya. Hindi sila mayaman, isang guro sa pampublikong paaralan noon ang kanyang ina, gayunpaman ay binibigay nito ang lahat ng kanyang pangangailangan. Madalas ay sobra pa nga sa hinihiling niya.
Buong buhay nilang dalawa, sila na ang magkasama, kaya naman hindi niya kakayanin kung sakaling may mangyaring masama sa ina. Gagawin niya ang lahat para mas mapahaba pa ang oras na ilalagi nito sa mundo.
Bumalik na si Bea sa sarili niyang kwarto at iniwan ang ina sa silid nito. Nagbalik sa kanyang alaala ang napakadaming memorya kasama ang ina. Hindi niya maiwasang maluha na naman. Gabi-gabi na lang siyang palihim na umiiyak. Gabi-gabi ay nagmamakaawa din siya sa Diyos na wag munang kunin ang ina hangga’t sa hindi pa siya handa.
Kinabukasan ay naalimpungatan si Bea sa sigaw ng kanyang anak. “Mama! Mama! Dali! Si lola ayaw dumilat!” agad na napabalikwas at napabangon si Bea.
Tumakbo siya papunta sa kwarto ng kanyang ina at tinignan ito. Habang papalapit siya sa ina ay pabilis ng pabilis ang tibok ng puso niya. Nakapikit nga ito! Hindi siya agad nakagalaw, natatakot siya. Wag naman po sana. Hindi pa siya handa. Hindi niya pa kayang mawala ang kanyang ina.
Dahan-dahan siyang lumapit sa ina at tiningnan ang pulso nito. Laking pasasalamat niya ng makapang may pulso pa ito. Pero agad ding napalitan ng kaba ang kanyang nararamdaman ng biglang bumilis ang paghinga nito. Tumataas-baba pa ang dibdib nito, inaatake ang ina niya!
Mabilis naman silang kumilos at isinugod sa ospital si Aling Rosa. Pagkarating nila sa ospital ay agad-agad ding kinabitan ng napakaraming mga gamit at aparatus ang matanda.
“Ma’am, ito na po ‘yun. Hindi na po kaya ng inyong ina. Bumibigay na po talaga ang kanyang katawan,” paliwanag ng doktor sa kay Bea. “Sa katunayan po ay lumampas na po siya sa kanyang palugit. Alam ko pong mahirap, dahil ina ninyo siya,” tinignan siya ng doktor sa mismong mga mata at hinawakan ang kanyang kamay.
“Pero sobra na pong nahihirapan ang iyong ina, hindi niyo po ba napapansin iyon ma’am?” iyak nalang ang naging sagot ni Bea sa tanong ng doktor sa kanya.
Dahan-dahang lumapit si Bea sa inang nakaratay sa kama. Tinignan niya ito ng mabuti na para pang sinasaulo niya ang itsura ng matanda. Hinawakan niya ang kamay ng ina. Hinawakan niya ito ng napakahigpit, na para bang ayaw niya na itong bitawan pa. Gusto niyang humagulhol sa iyak pero pinipigilan niya ang sarili niya.
“Ma?” tawag niya sa ina.
“Ma, naririnig mo naman ako diba? Sabi mo sakin dati, kahit malayo ako sayo, kahit na hindi ka na makarinig pag tumanda ka, maririnig mo parin ako,” huminga ng malalim si Bea at pinilit pakalmahin ang kanyang sarili bago magpatuloy.
“Ma, maraming salamat po sa lahat. Maraming salamat po sa pag-aalaga sa’kin sa tuwing may sakit ako, sa pagluluto ng paborito kong mga pagkain sa tuwing nagugutom ako, sa pagtitiis sa ugali ko, sa mga sakripisyo niyo para sakin, sa paulit-ulit na pagtanggap sa’kin sa tuwing magkakamali ako.
Ma, maraming salamat sa walang sawang pag-intindi niyo at sa walang kapantayang pagmamahal. Lubos po akong nagpapasalamat sa Diyos dahil ikaw ang naging ina ko. Mahal na mahal po kita,
Patawarin niyo po sana ako nung mga oras na hindi ko kayo sinunod at pinilit ko ang gusto ko. Patawarin niyo po sana ako kung naging sakit ako ng ulo niyo, sorry po kung naging pasaway man ako.
Patawarin niyo po sana ako kung madalas kayong madamay sa init ng ulo ko tuwing uuwi akong pagod galing sa trabaho. Ma, patawarin niyo po sana ako kung hindi ko lubos na naiparamdam kung gaano kita kamahal,” lumuluhang pahayag ni Bea ng damdamin.
“Ma,” pinisil ni Bea ang kamay ng ina.
“Ma!” muli niyang pagtawag kay Aling Rosa. Parang rumaragasang ilog ang mga luha niya habang pinipigilan niyang humikbi ng malakas.
“Ma, okay na ako. Wag kanang mag-alala. Okay na ako. Masakit man, sobrang sakit man, handa na po ako. Handa na po akong pakawalan ka. Pwede ka nang bumitaw, ma. Maraming salamat po. Mahal na mahal kita,” hinalikan ni Bea si Aling Rosa sa noo nito.
“Paalam po. Hanggang sa muli po nating pagkikita,” tuluyan ng napahagulhol sa iyak si Bea habang hawak-hawak pa rin ang kamay ng ina. Kasabay ng malakas na hagulhol ni Bea ay ang malakas na pagtunog din ng monitor na nakakabit kay Aling Rosa.
Agad-agad namang nagsidatingan ang doctor at mga nars. Tumingin ang doctor sa relo nito, “oras ng pagkawala 5:56pm,” rinig na rinig sa buong kwarto ang malakas na iyak ni Bea at ng kanyang mga anak.
Pagkatapos ng ilang araw matapos maihatid sa huling hantungan si Aling Rosa, nagsimula nang magligpit si Bea ng mga gamit ng ina. Habang inaayos niya ang mga gamit nito ay may napansin siyang isang kahon. Kinuha niya ito at binuksan. Puro larawan nila ng ina at mga larawan niya mula pagkabata ang laman noon. May napansin din siyang isang papel na agad din naman niyang kinuha at binuksan.
Sa Aking Pinakamamahal na Anak,
Gusto ko mang magtagal pa para samahan ka, para gabayan ka, at para mahalin, ay nararamdaman ko nang malapit na ang oras ko. Gusto kong humingi ng paumahin kung sa mga nakaraang taon ay naging pabigat man ako sayo.
Pasensya na anak ha? Pero higit sa lahat ay gusto kong malaman mo na tuluyan ko mang lisanin na ang mundong ito ay hindi pa rin mawawala ang pagmamahal ko sayo. Kapag nalulungkot ka o nahihirapan sa buhay, palagi mo lang isipin na nasa tabi mo lang ako parati. Hinding-hindi kita iiwan anak. Nandito lang ako sa puso mo. Wag mong papabayaan ang sarili mo at ang mga anak mo. Hanggang sa muli nating pagkikita.
Namamahal,
Nanay
Pagkatapos basahin ang liham na galing sa ina ay lumuluhang niyakap ni Bea ang kahon na naglalaman ng kanilang mga larawan at ng liham. Pakiramdam niya ay niyayakap niya na din ang mahal na ina.
Gaya nga ng sabi ng ina sa kanyang liham, kahit na ba wala na siya sa ating mundo ay hindi na dapat masyadong nagluluksa sa pagkawala ng niya. Alam kasi ni Bea na kahit hindi niya man ito nakikita ay palagi niya naman itong kasama, dahil habangbuhay itong nasa puso niya.
Image courtesy of www.google.com
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.