Buhay Ko, Kapalit ng Pagtanggap Niyo
Pangatlong anak si Alex sa limang magkakapatid. Lumaki sila sa pangangalaga ng kanilang magulang na sina Aling Nina at Mang Kardo. Dahil siya ang pinaka may hitsura sa kanilang magkakapatid, madalas na masabihan siya na pinaka-paboritong anak ng kanyang mga magulang. Napakatalino din kasi niya. Kaya naman madalas siyang ipagmalaki ng mga ito.
Ngunit lahat yun ay nagbago nang nadiskubre ng pamilya niya na siya ay may pusong babae. Doon nagsimulang magbago ang turing sa kanya ng buong pamilya niya. Madalas na siyang murahin ng ama, pagtawanan at kutyain ng mga kapatid at balewalain naman ng ina.
“’W*langhiya ka talagang batang ka, nagawa mo pang lumandi at ginabi ka! T*rantado ka talaga!” Galit na galit na sigaw sa kanya ng kanyang ama isang gabi pagkauwi niya. Binugbog siya nito. Hindi man lang nagawa ng tatay niyang tanungin siya kung saan siya galing o kung kumain na ba siya. Anak ba siya talaga nito?
Pero ang mas masakit pa roon ay hindi man lang siya tinulungan ng nanay at mga kapatid niya habang binubugbog siya ng ama. Pinanood lang siya ng mga ito.
Hindi siya binibigyan ng baon ng kanyang mga magulang kaya naman kinakailangan niya pang dumiskarte para magkapera, pamasahe at pangkain ng pananghalian. Kaya ang ginagawa niya nalang ay tumutulong siya sa mga teachers niya sa mga proyekto at pagdidisenyo sa mga bullentin boards kapalit ang bente pesos para sa kanyang pamasahe at dalawang pirasong itlog para na kanyang pananghalian.
Dahil nga sa matalino, masipag at madiskarte, nakapagtapos si Alex ng kolehiyo. Tiniis niya talaga ang lahat hanggang sa makapagtapos siya. Balak niya kasing bumukod sa oras na makapagtapos na siya. Sa oras na makahanap na siya ng trabaho, pipilitin niyang ayusin ang buhay niya at hindi niya na kailangan pang tiinisin ang paghihirap na dinadanas niya mula sa sariling pamilya. Makakatakas na siya sa mala-bangungot niyang buhay.
Pero sa kasamaang palad, hindi iyon nangyari. Hindi pa pala siya makakatakas sa bangungot niyang buhay, dahil ilang araw lamang matapos ang kanyang graduation ay inatake sa puso ang kanyang ina at na-stroke. Halos hindi na ito makagalaw at nakaratay na lamang sa kama. Walang ibang gustong tumanggap na mag-alaga dito kundi si Alex lamang.
Naghanap siya ng trabaho at agad din namang natanggap. Araw-araw ay sinisigurado ni Alex na maaga siyang makakauwi pagkatapos ng trabaho, dahil siya pa ang tatapos ng mga gawaing bahay sa kanila at aalagaan pa niya ang nakaratay niyang ina. Pagkatapos niyang mapakain ang ina, dederetso na siya sa kwarto niya ihihiga ang pagod na pagod na katawan.
Hindi na hinihintay pa ni Alex na makauwi ang ama at pinipili nalang matulog agad. Wala din naman itong ibang ginawa kundi murahin siya at pagsabihan ng masasakit na salita. Hindi nga nito magawang tikman o kainin ang mga pagkaining si Alex mismo ang nagluto para sa kanya.
Lahat ng gutom, pagod sa trabaho at gawaing bahay, ay pinipili nalang itulog ni Alex. Nagbabakasakaling kinabukasan, magigising siya mula sa bangungot na ito.
Pati na ang kanyang sweldo ay hindi man lang mahawakan ni Alex. Paano, ang ATM Card niya ay hawak ng ama at magugulat na lang siyang isinangla na pala ito. Kaya kahit na nagtratrabaho at nagpapakahirap araw-araw ay wala pa ring nangyayari sa buhay niya. Nagtitiis nalang siyang maglakad at minsan lang siyang kumain sa trabaho.
Lumipas ang ilang buwan at nagulat na lamang sila ng biglang umuwi ang kanyang isang kapatid. Ang pinakapaboritong anak ni Aling Nina. Lasing ito at nagwawala. Pinagsisisira pa nito ang mga gamit sa kanilang bahay, kaya naman sinubukang awatin ni Alex ang kapatid ngunit ay ayaw nitong tumigil.
Binugbog siya ng kanyang kapatid at hinampas ng mahaba at purong kahoy na bangko. Hindi ito tumigil hanggang sa hindi nawawasak ang upuan. Biglang nagdilim ang paningin ni Alex at agad-agad siyang kumuha ng kutsilyo at akmang sasaksakin niya na ang kapatid niya ng biglang tumakbo ang ina patungo sa kapatid niya at niyakap ito.
“Wag mong saktan ang anak ko, h*yop ka!” pakiramdam ni Alex ay gumuho ang buong mundo niya. Mas masakit pa sa bugbog na natamo niya ang naramdaman niya nang marinig ang mga salitang iyon ng kanyang ina. Hindi siya makapaniwala sa kanyang mga narinig.
Maya-maya lang ay may mga barangay tanod na dumating sa bahay nila at nagulat nalang siya ng tinuro siya ng kanyang nanay.
“Ayan! Ayan po! Sinasaktan at sasaksakin niya ang anak ko! Ikulong niyo yan!” sigaw ng babae habang nakaturo sa kanya. Nagulat si Alex sa narinig mula sa ina. Siya pa talaga ang ikukulong?” Napatawa nalang siya ng mapakla. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari.
Inimbitahan si Alex sa baranggay at tinanong kung ano nga ba ang nangyari. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman sa baranggay nila ang sitwasyon ni Alex at ng kanyang pamilya. Pagkatapos niyang ilahad ang totoong nangyari ay tinanong siya,
“Gusto mo bang magsampa ng kaso laban sa kapatid mo?”
Pinilit nalang ngumiti ni Alex. “Hindi na po. Ayos lang naman po ako. Kaya ko pa naman po.”
“Sigurado ka ba anak? Sobra-sobra na ang paghihirap na dinadanas mo sa pamilya mo,” nag-aalang tanong tanong at pagpapaalala sa kanya ng tanod na kaharap.
“Opo. Kaya ko pa naman po. Kawawa naman po kasi ang nanay ko. Walang ibang mag-aalaga sa kanya kundi ako lang,” naaawa man sa binata ay tumango nalang ang tanod bilang respeto sa naging desisyon ng lalaki.
Lumipas pa ang ilang araw, mas lumala pa ang pang-aabuso kay Alex. Hindi na nga siya makapasok dahil sa dami ng pasa at sugat sa katawan. Hanggang sa isang araw, hindi na nakayanan ni Alex ang hirap na dinadanas niya. Tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa.
Nakatayo siya ngayon sa tuktok ng building kung saan siya nagtratrabaho. Sukong-suko na siya sa buhay niya. Puro paghihirap lang naman ang nararanasan niya. Paulit-ulit niyang tinatanong ang Diyos kung bakit ba siya nabuhay.
Nang mapansin ng guard ng building mula sa CCTV ang planong gawin ni Alex, agad siyang tumawag ng tulong. Dumating ang mga bumbero, pulis at ibang kasamahan sa trabaho upang pigilan siya.
Pero ang labis na kumalbit sa kanyang puso ay ang sigaw na kanyang ina. Tinawagan pala ito ng mga katrabaho ng lalaki. Baka sakaling makinig ito sa ina at hindi na ituloy pa ang plano.
“Alex! Anak, parang awa mo na wag kang tatalon!” sigaw ng babae habang akay-akay ng isa pa niyang anak. Ngunit wala ng maramdaman si Alex. Tinitigan niya lang ang ina ng may blangkong ekspresyon. Dahan-dahang lumapit ang matanda kay Alex.
“Dyan lang kayo. Wag kayong lalapit!” akmang tatalon na si Alex kaya naman napatigil ang ina at kapatid sa paglapit sa kanya. Napatingin siya sa likod ng mga ito at nakita niya ang matalik na kaibigan na umiiyak. Ito pala ang tumawag sa mga ito.
“Anak pakiusap, patawarin mo ako. Patawarin mo ako kung naging napakasama kong ina sayo. Pangako, magbabago na ako. Magbabago na kaming lahat para sayo. Itigil mo lang ito. Wag ka lang tatalon, anak,” humahagulhol na pagmamakaawa ng ina kay Alex.
Para bang nadurog ang puso ni Alex nang makitang umiiyak ang ina. Kahit na napakasama ng turing nito sa kanya, hindi niya maipagkakaila na mas nananaig pa rin ang pagmamahal sa kanyang puso.
Pumatak ang mga luha ni Alex at dahan-dahan siyang bumaba at yumakap sa ina. “Patawad po, nay,” lumuluhang sabi ng lalaki. “Patawarin niyo rin po ako nay kung naisipan ko mang sukuan ang buhay ko.
Yumakap ang ina ni Alex sa kanya at umiyak din. Ramdam na ramdam ni Alex ang mainit na yakap ng kanyang nanay, yung mga yakap na nagsasabing ‘mahal kita, anak.’ Kay tagal na panahon na din ang lumipas simula nung huli siyang yakapin nito.
“Ako ang patawarin mo anak. Akala ko kasi mababago namin ang sekswalidad mo kapag iniba namin ang trato namin sa’yo. Hindi namin alam na nasasaktan ka na pala talaga. Pero mahal na mahal kita anak. Patawarin mo sana ako,” umiiyak na pahayag ng ginang.
Pagkauwi nila sa bahay, agad namang napatakbo ang ama ni Alex. Lumuhod ito sa harapan at humingi ng tawad sa lahat ng nagawa niya sa anak. naging malupit man sila dito noon, pero hindi nila kayang mawala ang mahal na anak nila.
Simula noon ay unti-unting nagbago ang pamilya ni Alex. Hindi na siya binubugbog ng kanyang kapatid at ama. Madalas na din siyang kumustahin at kahit papaano ay naipadama sa kanya ang pagmamahal na noon pa man ay inaasam-asam na niya.
Hindi man perpekto ang pamilya ni Alex, pero nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos na binigyan siya nito ng pamilya. Puro pasakit at pighati man ang naging dulot nito sa kanya noon, pero nagkaroon ang puso niya ng pagpapatawad, at nagbukas pa ito upang mas mahalin pa ang mga taong nanakit sa kanya.
Nang naging maayos ang lahat, na-promote si Alex sa bagong trabaho na kanyang pinasukan. at sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, muli niyang narinig galing sa bibig ng kanyang mga magulang at kapatid ang salitang: “proud na proud ako sa’yo.”
Image courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!