Bata pa lamang ay alam na ni Ponce na may kakaiba sa kanya. Alam niyang lalaki siya, pero nakakahiligan niya ang patagong paglalaro ng barbie at pagdadamit nito.
Nang magbinata ay doon mas lalong naging maliwanag ang lahat kay Ponce. Isa siyang lalaki na nagkakagusto sa kapwa lalaki din, pero humahanga pa rin naman siya sa mga magagandang babae.
Naranasan niyang makipagrelasyon sa kapwa lalaki, subalit nabigo siya. Niloko lamang siya nito at ipinagpalit sa iba. Kaya mas pinili niyang umibig at mag-asawa na lamang ng babae. Pero gaya nung una, iniwan lamang din sila.
“Ayoko na sa ganitong buhay. Hindi ako masaya!” sigaw ng babae.
“Pero Grace, paano ang anak natin? Paano ang pamilya natin?” tanong naman ni Ponce.
“Sa’yo na ang bata. Hindi ko na kayang makasama pa ang tulad mo. Hindi ang mahirap na buhay na ito ang pinangarap ko para sa akin,” pahayag naman ni Grace.
Noong araw na iyon ay nakipaghiwalay sa kanya ang kinakasama at iniwan sa kanya ang nag-iisa nilang anak na lalaki.
Naging mahirap ang mga unang taon para kay Ponce. Siya ang tumayong ama at ina ng bata, pero lahat naman ay ginawa niya upang maitaguyod ng mag-isa ang anak.
Naging regular siya sa isang parlor at kung minsan ay may sideline din na home service para sa mga nais magpaayos ng buhok sa kani-kanilang mga tahanan.
Mag-isa niyang pinalaki at itinaguyod ang anak. At aaminin niya, hirap na hirap siya sa pagiging single dad, dahil high school lamang ang kanyang natapos. Pero lahat ay gagawin niya masuportahan lang ang nag-iisang anak niya.
Lumipas ang mga taon, nagkaroon na ng sariling isip ang bata. Tulad ng ibang kabataan, napapabarkada at natututunan na ng kanyang anak ang magbisyo. Hanggang isang araw nabalitaan na lamang niyang nasa presinto ito.
“Patrick, anak, bakit ka naman nakipagbugbugan? Alam mo naman na mali ang manakit ng iba, hindi ba? Pero bakit sinisira mo ang buhay mo?” wika ni Ponce sa kanyang anak.
“Eh bakit ba kasi pinapakialaman ninyo ako? Magkulot ka na lang ng buhok ng iba. Doon ka naman magaling. Bakit ba kasi ikaw pa ang naging tatay ko?” pabalang na sagot naman ng binatilyo.
“Ikinakahiya mo ba ako, anak? Ikinakahiya mo ba ang pagiging binabae ko?” nangingilid na luhang tanong ni Ponce.
Hindi naman kumibo si Patrick na halatang nagpipiit na ng luha.
“Binabae man ako, pero lahat ay ginawa ko upang magampanan ang pagiging mabuting ama. Lahat ay ginawa ko para sa’yo. Hindi pa ba sapat iyon?” umiiyak na saad na lamang ng ama.
Tumalikod lamang ang binatilyo at saka nagkulong sa kwarto. Simula nang magbinata ang kanyang anak, unti-unting lumayo ang loob nito sa kanya.
Hanggang isang araw, umuwi ang dating asawa ni Ponce. Bihis na bihis ito at mukhang nakaahon na sa buhay. Mayroon palang matinding dahilan ang biglaan niyang pagbabalik sa buhay ng mag-ama.
“Iginapang ko ang anak ko. Binuhay at itinaguyod ko siyang mag-isa ng wala ka, tapos babalik ka dito para ano? Kunin sa akin ng ganun-ganun na lang ang anak ko?” galit na saad ni Ponce sa dating asawa.
“Anak ko rin siya, Ponce. May karapatan din ako sa kanya. Doon sa Australia, kaya kong ibigay ang buhay na mas higit pa sa kaya mong ibigay sa kanya,” matigas na tugon naman ng babae.
“Labing pitong taon kong kinalinga ang anak ko, hindi ako makapapayag. Iniwan mo kami ng ganoon na lamang tapos babalik ka para kunin ang nag-iisa kong kayamanan? Hindi, hindi maaari!”
“Bakit hindi kaya natin siya tanungin, hindi ba? Nasa tamang edad naman na si Patrick para mag desisyon. Ngayon, kung anong magiging desisyon niya, iyon ang masusunod,” puno ng kumpiyansang sagot ni Grace.
Nag-usap ang tatlo ng puso sa puso. Lahat naman ay ginawa ni Grace upang makuha ang loob ng anak at maisama sa kanya.
“Anak, lahat ay kakayanin kong gawin para lamang makasigurong maayos ang magiging hinaharap mo. Kahit na sa parlor lang ako nagtratrabaho, pangako igagapang ko ang pag-aaral at mga pangangailangan mo,” naluluhang saad ni Ponce sa anak.
“Doon sa akin sa Australia, mas maganda ang magiging buhay mo. Lahat ng kailangan mo ay maibibigay ko, pera, gadgets, at edukasyon, ibibigay ko sa’yo. Kaya mamili ka ng mabuti, anak.
Magtitiis ka ba sa maliit na bahay at mahirap na buhay na ito? Kahit na kaya kong ibigay naman sa’yo ang buhay na mas higit pa dito? Mamili kang mabuti, Patrick,” sulsol naman ni Grace habang ngingiti-ngiti dahil alam niyang hindi matatanggihan ng binatilyo ang alok niya.
“S-sige po nay, sasama ako sa inyo,” matigas na tugon ni Patrick.
“Ano? Patrick, bakit? Matapos ng lahat ng sakripisyo ko para sa’yo, iiwan mo na lamang ako basta? Anak naman,” nanginginig na boses na pagpigil ng ama.
“Nakapagdesisyon na ang bata. Kaya pasensyahan tayo Ponce,” nakangising sabi ng babae.
“Patrick, anak. Wag mo namang iwan si tatay dito. Ikaw ang buhay ko, anak. Parang awa mo na. Wag mo akong iwan. Pangako, bibigyan kita ng magandang buhay. Mag dodoble kayod ako para mabili lahat ng gusto mo. Wag mo lang iwan si tatay, anak,” lumuluhang saad ni Ponce.
“Nakapagdesisyon na ako, tay. Sasama na ako kay nanay,” malamig na tugon lang ng binatilyo.
Hindi naman makapaniwala si Ponce sa mga naririnig niya. Matapos ang labing pitong taong pagsasakripisyo, iiwanan lamang siya ng kanyang anak ng ganun-ganun na lamang. Ang lungkot at sakit na nararamdaman ay naipon at bigla na lamang naging galit.
“Sige! Umalis ka! Lahat naman kayo ganyan. Lahat kayo umaalis, lahat kayo nang-iiwan! Wag na wag ka nang babalik dito! Wag na kayong magpapakita dito!” sigaw ni Ponce habang itinatapon ang mga damit ng anak.
At nang araw na iyon, tuluyan na nga siyang iniwan ng anak. Sumama na ito sa kanyang ina. Makalipas ang halos dalawang linggo, nabalitaan niyang lumipad na ito papuntang Australia.
Alam niyang bugso lang ng damdamin ang mga nasabi niya sa anak, pero labis ang sakit na nadarama niya. Si Patrick ang buhay niya, kaya nang mawala ito, para na rin siyang nawalan ng gana na ipagpatuloy pa ang buhay.
Gabi-gabi siyang umiiyak. Humihiling sa Diyos na sana bumalik na ang nag-iisang niyang anak. Hindi niya makayanan ang sakit na nadarama ngayong mag-isa na lamang siya sa buhay.
“Lahat ba ay iiwanan na lamang ako?” tanong ni Ponce habang pumapatak ang mga luha sa mata.
Sa paglipas ng panahon, ang segundo ay naging minuto at ang bawat minuto ay naging oras. Ang mga araw ay naging linggo, mga linggo’y naging buwan at mga buwan ay naging taon. Halos limang taon na rin pala ang nakalipas simula ng iwanan siya anak.
Naging mahirap man, pero pinilit ni Ponce na maging malakas at matatag para sa anak. Determinado siyang makaipon upang masundan ang anak kahit saang lupalop man ito ng mundo naroroon.
Ang lahat ng lungkot at sakit na naramdaman niya, ang ginawa niyang motibasyon para mas maging matatag pa. Hindi siya titigil hangga’t hindi muling nakakasama ang anak. Ibinuhos niya lahat ng panahon sa trabaho at pag-iipon. Pinilit niyang ayusin ang sarili upang hindi siya ikahiya ng anak sa muli nilang pagkikita.
“Kaunting panahon na lang anak, magkikita din tayo. Pangako, babawiin kita,” determinadong bulong ng binabae sa kanyang sarili.
Isang abalang araw noon sa maliit na parlor ni Ponce nang makatanggap siya ng imbitasyon para sa isang pagdiriwang. Hindi naman niya kilala ang nagpadala pero nakalakip doon ang lugar at oras ng pagdiriwang.
“Hoy mga baks! Lahat daw tayo invited. Nakalagay dito oh!” maingay na sigaw ni Ponce sa mga binabaeng kasama niya sa parlor.
“Ang bongga! Kailangan ko ba ng gown para diyan?” biro naman ng isang binabaeng kaibigan ni Ponce.
Kinabukasan, sama-sama silang nagtungo sa lugar na nakasaad sa imbitasyon. May kalayuan pero pinilit pa rin nilang magtungo dahil ito lamang ang unang pagkakataon na naimbitahan sila sa ganitong pagdiriwang.
“Ay ang bongga. Grand opening naman pala ito!” namamanghang sabi ng isang binabae.
“Eh teka, bakit naman imbitado tayo sa opening ng bagong salon na ‘to? Anung gagawin natin dito?” tanong naman ni Ponce.
“Malay mo naman baks kukunin tayo na worker. Nagandahan sila sa beauty natin kaya kailangan nila ng trabahador na kasing ganda ni Marian Rivera, di ba?” biro pa ng isang kaibigan.
Maya-maya pa ang may lumabas ang isang nakangiting babae. “Welcome po! Pasok po kayo sa loob. Nag-iintay na po yung boss namin. May mga pagkain na rin po na nakahanda para sa inyo,” saad nito.
Pagpasok nila, bumungad agad ang napakaraming pagkain na nakahanda. Iba’t ibang putahe at ang lahat ay mukhang masarap.
“Bongga, may pa-catering. Big time naman pala!” muling biro ng isa sa kaibigan ni Ponce.
“Welcome po sa grand opening ng salon na ito. Happy birthday po pala Sir Ponce!” pagbati ng babae.
“A-anong sabi mo?” naguguluhang tanong ni Ponce.
Nakalimutan ata ni Ponce na kaarawan niya ngayon. Masyado siyang naging abala sa pagtratrabaho, nakalimutan niyang kaarawan pala niya.
“Happy Birthday to you! Happy Birthday to you!” awit naman ng isang matangkad na lalaki na may dalang cake habang papalit sa kanila.
Napatakip naman ng bibig si Ponce kasunod ng pagbagsak ng mga luha niya sa mata. Kinurot-kurot niya ang sarili upang makasiguro na hindi siya nananaginip.
“Happy birthday, tay,” nakangiting bati ng lalaki.
“P-Patrick? Totoo ba ito? Nananaginip ba ako?” lumuluhang tanong ni Ponce.
“Pasensya na tay kung natagalan ako, pero nandito na ako ulit. Lahat ng ito ay para sa’yo, tay. Ipinatayo ko itong Ponce’s Salon para sayo. Matagal kong pinag-ipunan ito para mairegalo sa’yo,” naiiyak na saad ng anak ni Ponce.
“A-akala ko ikinakahiya mo ang pagiging binabae ko? Akala ko noon hindi mo ako matanggap kaya iniwan mo ako, anak,” umiiyak na sabi ng ama.
“Kahit kailan hindi kita ikinahiya, tay. Hinding-hindi ko ikakahiya ang taong bumuhay sa akin at nagmahal ng totoo. Ikaw lang ang nag-iisang tatay ko at kahit na sino o ano ka pa, mahal na mahal kita , tay. Tanggap kita maging sino ka man tatay. Mapatawad mo sana ako sa pang-iiwan ko sa inyo noon,” humahagulgol na pahayag ni Patrick.
Ipinatong ni Patrick ang cake sa isang lamesa at saka yumakap ng mahigpit sa kanyang ama habang umiiyak.
“I’m sorry, tay. Walang araw ang lumipas na hindi ko kayo naisip. Miss na miss kita tatay, pero kailangan kong magtiis para masuklian lahat ng sakripisyo ninyo sa akin noon. Sorry sa choice na pinili ko noon, pero para sa atin din iyon.
Kaya lahat ginawa ko tay. Nag double job ako habang nag-aaral para makaipon ng ipagpapatayo ng bahay at malaking salon niyo. Ito ang regalo ko sa inyo, tay.”
“Ang pinakamaganda regalong natanggap ko sa buhay kong ito ay ikaw, anak. Salamat sa lahat anak ko. Hindi mapapantayang tuwa ang nadarama ko ngayon. Ang tagal kong ipinagdasal sa Diyos ang pagkakataong ito. Ang tagal kong inintay na mayakap kang muli,” saad ni Ponce.
Lahat ng tao na imbitado ay nag-iyakan din sa madamdaming tagpo ng mag-ama. Sa mismong kaarawan ni Ponce, binuksan nila ang isang maganda at malaking salon na pinagawa mismo ni Patrick para sa kanyang mahal na ama.
Binabae man si Ponce, pero hindi ito naging hadlang para maging mabuting ama siya sa kanyang anak. Naging isang magandang ehemplo ang pagmamahal niya sa anak upang lumaki itong may umaapaw na pagmamahal sa kanyang puso.
Sa ngayon, patok na patok ang salon ni Ponce. Nakapagsimula na silang magbukas ng ilan pang branch ng Ponce’s salon sa maraming lugar. Pero kahit anong layo ng tagumpay man ang narating niya, wala pa ring papalit sa tagumpay na nakamit niya sa pagiging isang mabuting ama.