Sa mga Mata ng Bulag, Doon Ko Nasilayan ang Ganda ng Mundo
December 2002, noong unang beses na maranasan ni Chelsea ang masawi sa pag-ibig. Labis ang pagkalugmok at pagkainggit na namuo sa kanyang puso ng mga panahong iyon. Pitong taon na relasyon na muntik na sanang mauwi sa kasal, subalit natapos ng ganoon na lamang dahil sa isang pagkakamali.
Hindi niya inaasahang makita ang kasintahan noon na may kasamang ibang babae sa parehong parke kung saan sila parating tumatambay upang mag date. Ang masaklap pa noon, todo tanggi ang lalaki na magkakilala sila nang komprontahin niya ang mga ito.
Halos kamuhian na niya ang buong mundo sa labis na sakit na nadama noon. Parang lahat ng sakit at pait ng kamunduhan ay inilagay niya sa loob ng kanyang puso at doon hinayaang lumago. Ang masaklap pa dito, wala siyang kumpiyansa sa sarili, na lalong pinalala nang ipagpalit siya ng kasintahan sa mas maganda kaysa sa kanya.
Nasaktan man ng sobra, pero kailangan pa rin niyang ituloy ang buhay. Maraming taong umaasa sa kanya at marami pa siyang obligasyon na kailangan punan.
Dahil sa labis na pagkasawi noon, halos araw-araw na tumatambay sa parke si Chelsea at doon iniiyak ang lahat ng sakit na nadarama. Hindi na siya nag-aayos ng sarili at nagpabaya na lamang din sa kanyang hitsura. Sinisisi niya kasi ang sarili niya dahil ipinanganak siyang hindi sobrang ganda kaya nagawa siyang ipagpalit.
January 2003, isang buwan eksakto mula nang maghiwalay sila ng dating nobyo, muli siyang nagtungo sa parke. Napakaraming tao noon. Para bang naglakbay ang isang buong baranggay at doon sa parke nila napiling tumambay lahat.
Sa isang bakanteng upuan siya naupo at nagpahinga noon. Bigla naman agad siyang dinalaw ng matinding kalungkutan nang maalala ang masasaya nilang memorya ng dating nobyo.
Habang nakatambay ay hindi niya mapigilang mapatingin sa babaeng nakaupo sa kanyang harapan, kasama ang di kagwapuhang nobyo nito.
Mapapalingon ka talaga sa babae kapag nakasulubong mo ito sa daan. Sobrang ganda at napakakinis na para bang labanus ang mga balat.
Pinagmasdan niyang mabuti ang babaeng nasa tapat. Tumatawa ito habang kinakausap ng lalaking kasama. Napakaganda ng ngiti, magandang hugis ng labi, matangos na ilong, magagandang kuko sa kamay at mas lalo pang pinaganda ng kulay itim na bestida na suot nito.
“Lord, bakit naman kasi nung nagpasabog ka ng kagandahan, dito sa babaeng ninyo ibinigay lahat? Sana pinaanggihan ninyo man lang ako kahit konti di ba?” mahinang reklamo ni Chelsea, “tapos nag itim pang bestida. Nananadya ata talaga ito,” dagdag pa ng dalaga.
Naalala tuloy niya noong nagsuot siya ng bestidang itim din noon. Tinawanan lamang siya ng kanyang nobyo at pinagpalit ng ibang damit, dahil nagmumukhang “nunal na lumalakad” daw si Chelsea kapag nagsusuot ng itim.
Naramdaman ni Chelsea na lalong dumoble ang inggit na nararamdaman niya sa kanyang puso. Talagang parang kumikinang sa ganda ang babaeng kaharap niya sa parke.
“Siguro, kung kasing puti niya lang ako, kung kasing tangos ng ilong at kasing ganda ng babaeng ‘to, hindi siguro ako ipagpapalit ni Jeremy,” malungkot na bulong ng dalaga sa kanyang sarili.
“Lord, bakit ka ba kasi ganyan? Ang unfair!” hindi sinasadyang mapasigaw ni Chelsea ng malakas. Kaya naman karamihan ng tao ay napatingin sa kanyang direksyon, maliban na lamang sa babaeng nakabestidang itim sa kanyang harapan.
Hindi naman na napigilan pa ng dalaga na mapaluha sa bigat na nadarama. Galit siya sa mundo, galit siya sa kanyang sarili at galit siya na kailangan niyang masaktan at galit na galit siya dahil sa labis ng inggit na kanyang nadarama sa kaloob-looban.
Ilang minuto pa ang dumaan. Muli niyang ibinaling ang tingin sa magandang babae. Tumayo ito habang inaalalayan ng lalaking kasama. Agad namang iniabot ng lalaki ang isang magandang tungkod sa babae. Medyo naguluhan si Chelsea sa kanyang nakikita.
“May kapansanan ang babae?” tanong niya sa kanyang sarili.
Pilay pala ang babae at hindi pantay ang mga paa nito. Wala ding paningin ang babae kaya kailangan alalayan pa ito ng lalaking kasama.
Napatakip ng bibig si Chelsea at napaiyak sa ibang rason, “Lord, sorry. Ang dami kong hinihingi sa’yo, nakalimutan kong pahalagahan ang mga bagay na ipinagkaloob mo sa akin.
Salamat kasi malusog ako. Salamat Lord kasi gumagana lahat ng parte ng katawan ko. Patawad Lord kung hindi ko kaagad nabigyang halaga ang buhay na ipinagkaloob mo sa akin.”
Magmula noong araw na nakita ni Chelsea ang babaeng may kapansanan, nabuksan ang mga mata niya sa tunay na ganda ng mundo. Hindi naman pala kailangang lahat ng bagay sa atin ay perpekto, minsan ang kailangan lang natin ay makontento.
May mga bagay tayong nais na baguhin sa ating sarili. Mga bagay na hindi natin magawang tanggapin dahil mas gusto natin ng higit pa, pero pag binuksan natin ang ating mga mata, makikita natin na kung gaano kalaki ang pagpapala na ating natatanggap sa araw-araw.
Kung gumagana ang parte ng lahat ng katawan mo, kung nakakakain tayo ng tatlong beses sa isang araw, may unan at kutson na tinutulugan sa gabi, bubong at haligi na pumoprotekta sa atin sa araw-araw at mga taong tunay na nagmamahal sa atin, kaibigan, labis na biyaya ang mayroon ka!