Inday TrendingInday Trending
Umasenso ang Isang Binata na Galing sa Hirap; Dahil sa Pagtrato Niya sa Kaniyang Mga Tauhan ay Ganito ang Kaniyang Sinapit

Umasenso ang Isang Binata na Galing sa Hirap; Dahil sa Pagtrato Niya sa Kaniyang Mga Tauhan ay Ganito ang Kaniyang Sinapit

“Sa tingin n’yo po ba, ‘nay, matutupad ko pa po ang pangarap kong makapagtapos ng pag-aaral? Maibibigay ko pa kaya sa inyo ang pangarap nating maginhawang buhay?” malungkot na tanong ni George sa kaniyang ina habang binibilang niya ang perang kinita niya mula sa pagka-car wash.

“Walang imposible sa Panginoon, ‘nak. Mahirap man ang nararanasan natin ngayon ay hindi ‘yon dahilan para bumitaw tayo. Ika nga, habang may buhay, may pag-asa,” nakangiting tugon ni Aling Helen sa anak.

Hindi nakapagtapos ng hayskul man lamang si George at kinailangan na niyang tumigil sa pag-aaral upang makatulong na agad sa kaniyang ina. Matapos kasing sumama ng kaniyang ama sa ibang babae ay siya na ang gumanap na haligi ng tahanan at napaarall sa dalawa pa niyang kapatid na halos hindi na rin nakatungtong ng kolehiyo.

Sa hirap ng kanilang buhay ay kung anu-anong trabaho ang pinasok ng binata upang sa gayon ay hindi na mahirapan pa ang ina sa pagtitinda nito sa palengke.

Hanggang isang araw ay napagdesisyunan niyang hindi sapat ang kaniyang kinikita at kailangan may gawin siya upang makapagbigay pa sa kaniyang pamilya.

“‘Nay, may ibabalita po ako sa inyo!” masayang salubong ni George sa ina.

“May offer po kasi sa amin ang boss ko. P’wede daw kaming mag-aral ng bokasyunal tuwing gabi at nakapasa ako!” dagdag pa niya.

Laking tuwa nilang mag-ina sapagkat alam nilang maaaring maging ito na ang kasagutan sa matagal na maginhawang buhay na kanilang hinihiling.

Nagtiyaga si George upang makapag-aral na maging isang bartender. Kahit na patang-pata na ang katawan sa pagtatrabaho buong umaga ay hindi siya sumuko o tinamad man lamang upang pumasok sa paaralan tuwing gabi. Nang makatapos ay nakukuha siya ng sertipiko.

“Gusto kong mangibang bansa, ‘nay. Sa tingin ko po ay doon ang swerte ko. Kung magtatrabaho po ako sa ibang bansa ay mas mabilis tayong makakaipon ng pera. Maipapagawa ko na ang bahay natin, makakapag-aral na ang dalawa kong kapatid at mabibili na natin ang lahat ng ating gustuhin,” sambit ng binata.

“Sa tingin ko, ‘nak, mas kailangan mong mag-ipon upang makapagtayo ng negosyo nang sa gayon ay hindi ka maging alipin sa ibang bansa sa loob ng matagal na panahon. Ma-enjoy mo ang kinikita mo at ang oras mo sa pamilya. Lalo na ang edad mo ay pangbuo na ng sarili mong pamilya,” saad ng ina.

“Naku, ‘nay! Wala pa po sa isip ko ang pag-aasawa,” natatawang wika ni George. “Basta ang prayoridad ko po ngayon ay kayo. Gagawin ko pong lahat ng ito dahil sa inyo!” pagtatapos ng binata.

Hindi nagtagal ay nagtrabaho na nga ang binatang si George sa ibang bansa. Naging matagumpay siya doon at sa loob lamang ng limang taong pananatili ay nakaipon na siya ng sapat na pera upang magtayo ng negosyo dito sa Pilipinas.

Sa kaniyang pag-uwi ay baon niya ang pag-asa na maging matagumpay din ang kaniyang negosyo rito. At hindi nga siya nagkamali.

“Binabati kita, ‘nak. Matagumpay ang negosyo mo. Nakabili ka na ng bagong sasakyan. Napag-aral mo na ang mga kapatid mo, nabigyan mo na kami ng bahay at maging ikaw ay may sarili na ring bahay. Ano pa ba ang mahihiling mo? Ipagpasalamat mo sa Diyos ang lahat ng iyan,” sambit ng ina.

Ngunit sa pagyabong ng negosyo at pag-angat ng antas ng buhay ni George ay kasabay din ang pagbabago ng kaniyang ugali. Hindi siya naging makatao sa kaniyang mga empleyado. Hindi niya pinapasahod ang mga ito ng tama at tanging iniisip lamang niya ay kung paano siya lalo pang kikita.

Nakita siya ng dati niyang boss sa carwash. At laking tuwa nito sapagkat nakita niya ang pag-asenso ni George sa kaniyang buhay. Ngunit hindi rin niya maiwasan na itanong sa binata ang katotohanan sa umiikot na balita tungkol sa pagtrato niya sa kaniyang negosyo.

“Pagtuunan mo ng pansin ang mga tao mo, George. Mahalaga sila sapagkat sila ang bumubuo ng negosyo mo. Sila ang matibay mong pundasyon. Kung mamahalin mo sila at bibigyan ng sapat na kalinga ay hinding-hindi ka rin nila pababayaan,” payo nito.

Ngunit hindi ito pinakinggan ni George at nananatili ang kaniyang pagtrato sa kaniyang mga tauhan. Mabibigat pa rin ang mga trabahong kaniyang iniaatang sa mga ito ngunit mga hindi napapasahod nang tama.

Hanggang sa isang araw ay nangyariang hindi niya inaasahan. Unti-unting umalis ang mga magagaling niyang tauhan at dahil dito ay hindi na rin niya alam kung paano patatakbuhin ang kaniyang negosyo ng mag-isa. Nakakuha man siya ng ibang tao ay hindi rin nagtatagal. Dahil sa pagputok ng balita ay wala na ring gustong makipagnegosyasyon pa sa kaniya at tuluyang bumagsak ang kaniyang negosyo.

Muli ay bumalik siya sa dati niyang boss nang may pagsisisi.

“Tama ho kayo. Sana ay noon palang ay nakinig na ako sa inyo nang hindi sana napunta sa wala ang lahat ng pinaghirapan ko,” saad ni George.

“Galing ka sa hirap, George. Sa lahat ng tao ay dapat ikaw ang nakakaunawa sa kanila. Sana ay ibinalik mo ang pagtrato na nakuha mo mula sa akin. Sa takot mong magbalik sa hirap ay nakalimutan mo na ring ituring ang mga empleyado mo bilang tao,” sambit ng dati niyang amo.

“Sa tingin mo, George, bakit ko hinayaan na makapag-aral ka noon at makaalis dito sa carwash?” tanong ng matandang lalaki.

Tahimik lamang ang binata.

“Dahil ayoko na dito lamang matapos ang lahat ng pangarap mo. Dahil nakita ko ang potensyal mo. At ang nais ko, higit pa sa matagumpay na negosyo ay ang pagtatagumpay sa buhay ng mga tao ko,” pagpapatuloy pa ng dating amo.

Dito ay natauhan na si George. Mabuti na lamang ang buhay na ito ay binibigyan ng pagkakataon ang mga taong nais magbago. Mula noon ay pinilit niyang maging isang mahusay na boss. Bumangon siyang muli sa kaniyang pagkakadapa at dahil doon ay nakabangon din ang kaniyang negosyo. Naging aral sa kaniya ang lahat ng kaniyang pinagdaanan.

Advertisement