Inday TrendingInday Trending
Hindi Sumuko ang Dalaga sa Paghahanap sa Nawawalang Ama, Nakatanggap Siya ng Magandang Balita nang Ipagpasa-Diyos ang Problema

Hindi Sumuko ang Dalaga sa Paghahanap sa Nawawalang Ama, Nakatanggap Siya ng Magandang Balita nang Ipagpasa-Diyos ang Problema

“Mama, halina po kayo, kailangan pa nating ipamigay itong mga litrato ni papa, baka sakaling ngayong araw natin siya makita!” yakag ni Sandy sa kaniyang inang tulalang nagkakape.

“Anak, halos isang taon na tayong araw-araw umaasang matatagpuan natin siya, hindi ka ba napapagod?” nakatulalang tanong nito saka bahagyang humigop ng kape.

“Hindi, mama, kahit bang*kay ko siyang makita ayos lang, basta makita ko siya, at handa akong gawin ang lahat para matagpuan siya. Handa rin akong ikansela ang kasal ko sa isang buwan” sagot niya habang inaayos ang mga litratong kaniyang pinaprinta.

“Huwag mo namang idamay pati ang kasal mo, nawalan ka nga ng trabaho dahil sa palagian mong pagliban dahil d’yan sa paghahanap mo sa papa mo. Sabi naman sa’yo, magtiwala ka lang sa Diyos at ibigay mo lahat ng pag-aalala mo sa Kaniya,” pangaral ng kaniyang ina, napailing siya’t napatigil.

“Mama, kailangan pa kikilos ang Diyos? Kailangan ko pa bang hintayin ang mga gagawin Niya kung kaya ko namang hanapin mag-isa ang papa?” inis niyang sagot saka padabog na inilapag ang mga hawak niyang papel.

“Pero, anak…” hindi na natapos ng ina ang sasabihin dahil agad na niya itong sinagot. “Kung ayaw niyo po akong samahan, ako na lang po, alis na po ako,” paalam niya saka mabilis na lumisan ng kanilang bahay.

Malapit sa ama ang solong anak na si Sandy. Bata pa lamang siya palagi na siya nitong sinasama kung saan man ito magpunta. Hanggang sa pagtanda niya, palagi itong nasa kaniyang likuran upang suportahan siya sa lahat ng kaniyang mga pangarap.

Sa katunayan, noong magtapos siya sa kolehiyo, ito pa ang sumampa sa entablado upang sabitan siya ng medalya. Kitang-kita niya ang saya sa mga mata nitong maluha-luha.

Ngunit dalawang taon lamang simula noong makahanap siya ng trabaho, bigla na lamang nawala ang kaniyang ama. Bali-balitang may dumukot daw ditong mga kawatan at isinakay sa isang puting kotse.

Simula noon, hindi na tumigil ang dalaga sa paghahanap sa kaniyang ama. Araw-araw niyang sinusuyod ang kanilang probinsya upang magbigay ng litrato. Bahagya na ngang naiinis sa kaniyang pangungulit ang mga taong bayan dahil araw-araw niyang ginagawa ito sa loob ng isang taon.

Noong araw na ‘yon, habang abala sa pamimigay ng litrato ng kaniyang ama, bigla na lamang siyang nakaramdam ng pagkahilo’t bumagsak sa kalsada.

Nagising na lamang siyang nasa ospital na. Agad niyang pinilit tumayo ngunit hindi niya ito magawa dahilan upang tawagin niya ang kaniyang ina.

“Anak, magpahinga ka, hindi matutuwa ang iyong ama kapag nalaman niyang nagkaganyan ka dahil sa paghahanap sa kaniya,” pangaral ng kaniyang ina habang mariing hinawakan ang kaniyang kamay.

“Pero, mama, hindi naman po pwede…” hindi na niya natapos ang sasabihin at agad siyang pinaliwanagan ng ina.

“Sandy, siguro ginawa ito ng Diyos upang ibigay mo sa Kaniya ang lahat ng dinadala mo. Magtiwala ka, ayos na ‘yung ginawa mong pagpapamigay ng litrato ng iyong ama, hayaan mong Diyos na ang kumilos para sa’yo,” ‘ika nito habang hinihimas-himas ang kaniyang ulo. Wala na siyang nagawa kundi sundin ang ina at mataimtim na nanalangin sa unang pagkakataon simula noong mawala ang kaniyang ama.

Dumaan ang isang linggo na nasa ospital lamang siya’t nakahiga sa kaniyang kama. Pinalitan niya ng panalangin ang araw-araw niyang paglilibot sa kanilang bayan.

“Bakit kaya ganito ang nararamdaman ko? Wala man ang papa sa tabi ko, parang ang saya at ang gaan ng pakiramdam ko,” sambit niya, isang araw matapos manalangin kasama ang ina.

Kinabukasan, agad na siyang umuwi ng bahay at laking gulat niya kung sino ang kaniyang naabutan doon.

“Pa- papa?” mangiyakngiyak niyang sambit at agad na tumakbo patungo sa lalaking nakaupo’t nakatulala.

“Sino ka naman? Nandito ako para makita si Sandy, hindi ikaw. Pakihanap nga siya,” sambit nito na agad niyang pinagtaka. Agad namang may lumapit sa kaniyang lalaki at nagpakilalang ito ang nag-alaga sa ama.

Doon niya nalamang totoo palang may dumukot sa kaniyang ama at nais siyang kiti*lin. Ngunit nakatakas ito at inampon ng isang pamilya. Dahil sa takot na naramdaman at pagkanais na agad na makita ang pamilya, nabaliw raw ito at nawala ang ilang mga alaala.

Magkahalong awa at saya ang naramdaman niya. Muli niyang nilapitan ang ama at siya’y nagpakilala. Ngumiti lamang ito at saka siya niyakap.

“Sige na nga, ikaw na lang ang ituturing kong anak,” ika nito na labis niya namang ikinatuwa.

Simula noon, araw-araw niyang inalagaan ang ama. Palagi niyang kinukwento dito ang kanilang mga nakasanayan noon, umaasang maibabalik nito ang kaniyang alaala.

Ilang araw lamang ang dumaan, araw na ng kaniyang kasal. Nag-uumapaw ang kaniyang saya dahil sa wakas, natupad na ang kaniyang pangarap na maihatid siya ng ama sa altar.

Habang naglalakad papuntang altar, nakatingin lamang siya sa kalangitan at mataimtim na nagpasalamat sa Diyos na naging daan upang matagpuan niya ang kaniyang ama.

May mga bagay talagang kahit pilitin nating gawin kung hindi naman naaayon sa plano ng Diyos, hindi rin tayo magtatagumpay. Kaya imbes na ipilit ang mga bagay-bagay, matuto tayong isuko ang lahat sa Kaniya, siguradong hindi tayo mabibigo.

Advertisement