Nagulat ang Lahat nang Malamang Pakakasalan ng Babae ang Nakatatandang Kapatid; Iyon Pala ang Kahilingan Nito
“Ano’ng kalokohan ito?!” reaksyon ni Cesar nang mabasa ang imbitasyon sa kasal ng pamangking si Vicky.
Ikinagulat ng lalaki nang malaman kung sino ang pakakasalan ng babae, kaya agad nitong tinawagan sa telepono ang pamangkin at kinausap.
“Hello, Vicky, ano itong ipinadala mong imbitasyon sa amin ng auntie mo? Ano’ng ibig sabihin nito?!”
“S-saka na lamang po kami magpapaliwanag sa mismong araw ng aming kasal, uncle. Sana po ay makadalo kayo,” wika ng babae.
“Alam mo ba ang sinasabi mo, hija? Kasalanan sa Diyos ang gusto niyong mangyari!”
“Buo na po ang desisyon namin, uncle. May basbas na rin po nina mama at papa ang kasal namin.”
Mas lalong uminit ang ulo ni Cesar sa sinabi ng pamangkin.
“Nababaliw na kayo! Ang mabuti pa ay hintayin niyo kami riyan. Hindi kami papayag na matuloy ang kasal na ‘yan. Nakakahiya!” anas pa ng lalaki.
“Sorry, uncle, pero nakahanda na po ang lahat. Hindi na namin maaaring ikansela ang kasal,” hirit ni Vicky.
Namomroblema ang mag-asawang Cesar at Nita sa nalalapit na kasal ng kanilang pamangkin. Kasalukuyan silang nasa Amerika at inaasikaso na nila ang ticket pauwi sa Pilipinas. Dahil naipamahagi na ang mga imbitasyon ay samu’t sari na ang mga reaksyon ng mga kamag-anak, kakilala at malalapit nilang kaibigan.
“Tito, totoo po ba na ikakasal si Vicky sa kapatid niyang si Nelson?! Gulat na gulat na tanong ng isa sa mga kamag-anak nila na nasa probinsya.
“Magkapatid sila, kasalanan ang gusto nilang mangyari. Bakit kinukunsinti ng mga magulang nila ang kalokohan nila?!” sabad naman ng malapit nilang kakilala.
Kahit ang mga kaibigan ni Vicky ay gulat na gulat din at ‘di makapaniwala sa nalalapit niyang pagpapakasal sa nakatatandang kapatid. Bumuhos ang iba pang negatibong reaksyon mula sa mga ito.
“Ano’ng nakain mo besh at nagawa mo ‘yan? Wala na bang ibang lalaki sa mundo at ganyan ka na kadesperada na magpakasal sa sarili mong kapatid na sarili mong dugo’t laman?” sabi ng matalik niyang kaibigan.
“Matalino ka pa naman at may pinag-aralan, tapos mababalitaan namin na ikakasal ka sa kapatid mo? Ang ta*nga-ta*nga mo, friend?” gatol pa ng isa niyang malapit na kaibigan.
Kahit ano pang pagkontra at sabihin ng mga ito ay walang pakialam si Vicky. Itutuloy pa rin niya ang kasal dahil mahal na mahal niya ang kaniyang Kuya Nelson at gusto niyang maging masaya ito.
Sumapit ang araw ng kasal ng magkapatid. Kahit labag sa loob ng mga kamag-anak at kaibigan nila ang pag-iisang dibdib nina Vicky at Nelson ay dumalo pa rin ang mga ito. Ang ibang hindi sumipot ay mas piniling hindi na lamang pumunta dahil sa sobrang pagkadismaya. Nang dumating ang mag-asawang Cesar at Nita at iba pang mga bisita ay nagtaka ang mga ito. Umiiyak ang mga magulang ng magkapatid lalo na ang bride na si Vicky.
“O, akala ko ba ito ang kasal ng taon? Bakit kayo umiiyak? Natauhan na ba kayo sa kalokohang ginagawa ninyo?” inis na sabi ni Cesar.
Pinahid ni Vicky ang mga luha sa pisngi at hinarap ang mga bisita.
“Alam ko na lahat kayo ay ‘di pa rin makapaniwala kung bakit nangyayari ang kasalang ito. Alam ko rin na ang karamihan sa inyo lalo na ang mga mahal namin sa buhay na naririto ay ikinahihiya kami, galit na galit sa amin at itinatakwil kami. Ang totoo’y ako ang may gustong matuloy ang kasal na ito. May malubhang sakit ang aking kapatid na si Kuya Nelson, mayroon siyang kans*r sa buto at may taning na ang buhay niya. Ang tangi niyang pangarap ay ang maikasal bago man siya pumanaw. Gusto kong pagbigyan ang kaniyang kahilingan kaya ako ang tatayong bride at magpapakasal sa kaniya. Kahit kunwa-kunwarian lang ang kasal na ito, ang mahalaga ay naging masaya si kuya bago siya lumisan,” hayag ng babae na ‘di na napigilang muling maiyak.
Nang makita ng mga bisita si Nelson ay labis ang naramdamang awa ng mga ito. Payat na payat na ang lalaki na nakaupo sa wheelchair at halos hindi na makapagsalita.
Lubos na naunawaan ng lahat ang dahilan ng kasalang iyon, kaya imbes na malungkot at umiyak ay nagawa nilang magsaya para sa importanteng okasyon sa buhay ni Nelson. Kahit kasal-kasalan lang iyon ay napakasaya ng lalaki dahil nakagawa ng paraan ang kapatid niyang si Vicky upang matupad ang kaniyang kahilingan. Napatunayan niya na handang gawin ng kapatid ang lahat, maiparamdam lamang sa kaniya ang pagmamahal nito kahit sa mga huling sandali ng kaniyang buhay.