Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap ang Ginang na May Sakit ang Kaniyang Anak Upang Makahingi sa Kapatid na OFW; Lubusan ang Kaniyang Pagsisisi nang Mangyari Ito sa Kaniya

Nagpanggap ang Ginang na May Sakit ang Kaniyang Anak Upang Makahingi sa Kapatid na OFW; Lubusan ang Kaniyang Pagsisisi nang Mangyari Ito sa Kaniya

“Ate, hindi muna ako makakapagpadala ng pera ngayong buwan. Naipadala ko na kasi sa inyo ‘yung dapat ay para ngayong buwan. Pasensiya na kayo. Kailangan ko pang mag-ipon ulit. Mahirap kasi ang sahuran ngayon dito sa Amerika. Natanggal pa ako sa isa kong trabaho kasi nalulugi na raw ang kumpanya at kailangang magbawas ng tao,” sambit ni Tonyo sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Marcel.

“Ganoon ba? O sige, ikaw ang bahala pero kapag may naitabi ka naman ay padalhan mo kami rito. Alam mo namang marami rin kaming gastusin. Saka ‘tong mga pamangkin mo, umaasa na lagi sa padala mo,” tugon ng ginang sa kaniyang bunsong kapatid.

‘Sige, ate. H’wag kayong mag-alala,” saad muli ng binata bago ibaba ang telepono.

Ilang taon na rin si Tonyo sa Amerika. Napilitan siyang mangibang bansa dahil na rin sa kakulangang pinansiyal ng kaniyang pamilya. Kahit na nasa tatlumpu’t limang taong gulang na ito ay hindi pa rin niya magawang makapag-asawa dahil na rin sa pangako niya sa mga magulang na susuportahan ang dalawa niyang nakatatandang kapatid na parehas iniwanan ng kanilang mga asawa.

Dahil dito ay lubusan nang nasanay ang dalawa, lalo na ang panganay na si Marcel na may tatlong anak na umasa sa kaniyang bunsong kapatid. Ngunit dumating nga ang pagkakataong ito na si Tonyo ay natanggal sa trabaho kaya nakikiusap siya sa mga kapatid na kung sana ay tipirin ang kaniyang mga ipinadadala upang sa ganoon ay makaipon din naman siya.

Mahirap man ang buhay sa Amerika ay pilit kinakaya ni Tonyo upang may pang sustento sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Sa kabila ng hirap na ito ay ganoon na lamang ang pagkaluwag sa pamumuhay ng kaniyang kapatid na si Marcel sapagkat nakaasa nga sa kaniyang ipinadadala.

“Tonyo, gusto kasi ng pamangkin mo ng bagong telepono. E, mataas naman ang marka niya ngayong taon! Naglalambing sa’yo ang bata baka puwedeng ibili mo s’ya,” paglalambing ni Marcel sa kaniyang kapatid.

“Pasensiya ka na talaga, ate. Hindi pa ako nakakahanap ng ibang trabaho. Ang natitira ko na lang kasing pera dito ay sapat para sa pambayad ko sa tinutuluyan ko. Mahirap na at baka mapalayas ako,” tugon ng binata.

“Ito naman, kahit ‘yung mumurahin lang. Mapagbigyan lang ang bata,” pakiusap muli ng kapatid.

“Pasensiya na talaga, ate. Hayaan nyo kapag nakahanap na ako ng isa pang trabaho ay magpapadala ako agad. Kahit hindi mumurahin ang bilhin nyo,” pangako ni Tonyo.

Ngunit ilang linggo na ay hindi pa rin nakakahanap si Tonyo ng dagdag trabaho. At marami nang naniningil kay Marcel sa kaniyang pagkakautang. Alam niyang hanggang hindi nakakahanap ang bunsong kapatid ng trabaho ay hindi ito magpapadala.

Isang araw ay tumawag ang ginang sa kaniyang kapatid.

“Tonyo, pasensiya ka na at wala talaga akong malapitan. Ang pamangkin mo kasi napakataas ng lagnat. Ubo nang ubo at parang nahihirapang huminga, e!” bungad agad ni Marcel sa bunsong kapatid.

“Hindi ko naman madala sa ospital kasi wala akong ipambabayad doon. Hirap na din akong mangutang dito!” natatarantang wika muli ng ginang.

“O sige, ate. Gagawa ako ng paraan. ‘Yung naitatabi ko rito ay ipapadala ko muna sa’yo. Dalhin mo na agad sa ospital ang anak mo at mag-iingat kayo!” pag-aalala ni Tonyo.

Agad na nagpadala ng pera si Tonyo sa kapatid. Lingid sa kaalaman ng binata ay wala talagang sakit ang kaniyang pamangkin at gawa-gawa lamang ito ng kaniyang ate. Kinabukasan ay kinamusta ni Tonyo ang pamangkin at ito ang isinagot sa kaniya ng nakatatandang kapatid.

“Bumuti na rin ang lagay niya kahit papaano. Pero may mga kailangan kasing gamot para hindi na raw magtuloy ang paninikip ng dibdib at lalamunan niya. Hika ata itong dumapo sa pamangkin mo, Tonyo. Alam mo naman kung gaano kahirap mag-alaga ng mga batang may hika. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa buhay na ito!” sambit ni Marcel.

“H’wag ka nang mag-alala, ate. Gagawin ko ang lahat para makatulong sa inyo,” tugon ni Tonyo.

Mula noon ay napadalas na ang pagtawag ni Marcel sa nakababatang kapatid upang humingi ng pampagamot sa kaniyang anak. Pinipilit ni Tonyo na gawan ng paraan na makapagpadala siya kahit na maging siya ay nagigipit din.

Ang mga hinihingi ni Marcel sa pera sa kaniyang kapatid ay napupunta lamang sa kaniyang mga kapritso. Tila hindi niya kaya mamuhay ng simple at palagi siyang namimili ng mga kagamitan.

“Hindi ka ba nakokonsensya sa ginagawa mo, ate? Pati ang anak mo ay dinadamay mo?” tanong ng isa pa nilang kapatid.

“Tumigil ka nga riyan at nakikinabang ka rin naman sa ginagawa kong ito. Kapag hindi ko ‘to ginawa ay pati ikaw ay mawawalan ng suporta galing d’yan kay Tonyo. Tingnan mong ayaw na nga magpadala kesyo nagigipit daw siya. Nasa Amerika, tapos nagigipit?” sambit ni Marcel.

“Saka tingnan mo ‘yang anak ko. Hindi dadapuan ng sakit ‘yan napakalusog at maganda ang pangangatawan. Hayaan mo isang araw sasabihin ko magaling na ‘yang anak ko kapag tuloy-tuloy na rin ng padala niya sa atin,” dagdag pa ng ginang.

Ngunit isang araw, hindi akalain ni Marcel ang nangyari. Bigla na lamang nanghihina ang kaniyang anak at nahihirapan daw itong huminga. Pabalik-balik sila sa ospital upang ipasuri ang bata. Nang lumabas ang resulta ay hindi niya alam ang nararamdaman sapagkat nalaman niyang kay k*nser daw sa baga ang anak nito.

“Sa tingin ko po ay nagkakamali kayo, dok. Baka puwede nyong ulitin ang mga pagsusuri?” hinagpis ng ina.

Ngunit hindi nagsisinungaling ang mga pagsusuri galing sa laboratoryo. Naisip agad ni Marcel ang ginawa niyang panloloko sa kapatid. Hindi niya akalain na sa mismong anak nga niya tatama ang matinding sakit na ginawa-gawa lamang niya upang hindi maputol ang pagpapadala sa kaniya ng kapatid.

Lubusan ang paghingi niya ng tawad sa kasalan. Nagsusumamo siya na sana ay hindi totoo ang mga nangyyaring ito. Ngayon ay kailangan niyang harapin ang sakit na maaaring tumapos sa buhay ng anak. At kahit ano pa man ang kaniyang nagawa ay si Tonyo pa rin ang tumulong sa kaniya upang makaligtas ang buhay ng anak.

Lubusan ang kaniyang pagsisisi sa lahat ng ginawa niya. Nagsilbing mabigat na aral ang pangyayaring ito para sa ginang. Dahil dito ay natuto si Marcel na magsumikap para sa buhay nilang mag-iina upang hindi na umasa sa kaawa-awang kapatid.

Advertisement