Kinutya Siya Dahil sa Pangingisda ang Ikinabubuhay Nila; Ito Pala ang Magdadala ng Malaking Swerte Sa Kanila
“Ano na naman ba ‘yung naaamoy kong malansa?” Nakasimangot na tanong ni Janice bago binato ng masamang tingin ang babaeng tahimik na nakaupo sa likurang bahagi ng klasrum. Si Mel.
“Tigil-tigilan mo nga ‘yang kakaarte mo, Janice, wala naman akong naaamoy!” Sikmat agad ni Rena sa kaklase.
Umingos lamang si Janice sa babae. “E sa may naamoy akong malansa eh, anong gustong gawin ko? Baka lang kasi may naiwang isda sa bag ni Mel, kaya may gano’ng amoy!” Natatawang sigaw nito, sinigurong malakas ang boses upang marinig ng marami.
Umugong ang tawanan ng klase.
Si Mel naman ay walang reaksyon. Sanay na sanay na siya kay Janice at sa mga kaklase.
Pangingisda kasi ang ikinabubuhay ng pamilya ni Mel.
Madalas siyang pagtawanan ng madami dahil mahirap lang ang pamilya niya, pero ni minsan ay hindi niya ikinahiya ang kanilang kabuhayan.
Napakasipag ng mga magulang niya. Sa kabila ng edad ng mga ito, hindi niya ito kailanman nakitaan ng pagod sa pagtataguyod sa kanilang tatlong magkakapatid.
Umulan o umaraw, tuloy ang mga ito sa pagpalaot upang masiguro na mayroon silang pera para sa pagkain at pag-aaral nilang magkakapatid.
Kaya naman pinangako niya sa sarili na gagalingan niya sa pag-aaral, para suklian ang hirap at sakripisyo ng kaniyang magulang.
Hindi naman nabigo si Mel na maabot ang kaniyang mithiin.
“Congrats, best friend! Napakagaling mo talaga! Akalain mo ‘yun sa dami ng estudyante, ikaw ang pinakamataas ang karangalan!” Kitang-kita sa mukha ni Rena ang pagmamalaki sa naabot na tagumpay ng matalik na kaibigan.
“Congrats sa atin! Salamat, Rena! Maraming salamat sa suporta mo sa akin.” Niyakap niya ang kaibigan.
“Ano, tatanggapin mo ba yung trabaho na in-offer sayo ng tatay ko?” Tanong nito.
Dahil graduate sila ng kursong Business Management, pareho silang kinuha ng tatay ni Rena na magtrabaho sa kompanya nito.
“Hindi, e.” Maikling sagot niya sa kaibigan.
“Sabagay, malamang madaming mag-aagawan sa’yo, ikaw ba naman ang top 1 ng batch natin!”
“Hindi, plano ko kasing magtayo ng maliit na negosyo.” Nahihiyang sabi niya sa kaibigan.
“Talaga? Naku! Nakaka-excite naman! Kung ano man ‘yan, susuportahan kita!” Natutuwang wika ng kaibigan.
“Ano namang negosyo ‘yan, Mel?” Sabad ng isang pamilyar na boses mula sa kanilang likuran. Si Janice.
“Isda?” Humalakhak pa ang babae bago sila tuluyang tinalikuran.
“Akmang sasagot pa si Rena ni Janice pero agad siyang napigilan ni Mel.
“’Yaan mo na. Wala ka namang mawawala sa pakikipag-away kay Janice.” Mahinahong saway ni Mel sa kaibigan.
“Grabe talaga ‘yang si Janice, wala nang ipinagbago!” Gigil na saad ni Rena sa kaibigan.
“Ang mabuti pa ay mag-celebrate na lang tayo! Punta muna tayo sa bahay, may inihandang salo-salo sila inay at itay para sa atin.” Aya niya sa kaibigan.
Agad na sinimulan ni Mel ang maliit na negosyo. Dahil mangingisda ang pamilya, naisip niya na gumawa ng sardinas mula sa mga isdang huli ng kaniyang mga magulang.
Hindi naging madali ang simula para kay Mel. Nahirapan siyang ipakilala ang kanyang produkto dahil madami nang naglalakihang kumpanya nagtitinda ng sardinas na katulad ng ibinebenta niya.
Ngunit hindi siya nagpatinag. Patuloy niyang pinag-aralan ang paggawa ng produkto na ibinebenta niya hanggang sa makakuha siya ng iilang suki.
Hindi nagtagal nakakuha ng karagdagang kustomer si Mel dahil bukod sa sinisiguro niyang sariwa ang mga isdang gamit niya sa produkto, likas na masarap siyang magluto, at naging dalubhasa na siya sa paggawa nito dahil sa patuloy niyang pag-eeksperimento.
Ang kaniyang kustomer na dati ay mabibilang lang sa daliri ay dumoble, tumriple, hanggang sa tuluyan na siyang nagkaroon ng mamimili kahit mula sa malalayong lugar dahil sa online selling.
Kung dati ay nangingisda ang kanyang mga magulang upang ibenta ang mga nahuli sa mga pwesto sa palengke, sa produkto niya na lamang napupunta ang huli ng mga ito.
Isang araw ay ginulat niya na lang ng magandang balita ang kaniyang mga magulang.
“‘Nay, ‘tay, hindi niyo na kailangan mangisda mula ngayon. Sapat na ang kinikita ng negosyo para sa mga gastusin natin sa bahay.”
“E saan ka kukuha ng isang gagamitin sa mga sardinas mo, anak?” Tanong ng tatay niya.
“May iba nang mangingisda para sa atin, ‘tay.” May kislap sa mata ni Mel nang sabihin niya ito, dahil pangarap niya na magkaroon ng maalwan na buhay ang kaniyang mga magulang.
Hindi pa rin makapaniwala si Mel sa tagumpay na tinatamasa ng kaniyang sinimulang negosyo. Mabuti na lang at hindi siya nagpatalo sa pangungutya ng mga tao dati, dahil ang malansang isda pala ang magsasalba sa kanila sa kahirapan.
Ilang taon pa ang nagdaan at lalo lamang lumawig ang negosyo ni Mel. Ang mga produkto na dating niluluto nila sa kanilang bahay ay ginagawa na sa isang malaking pabrika.
Ang sampung katao na katuwang niya noon sa paggawa ng sardinas at naging daan daan na.
At higit sa lahat, ang pamilya nila na salat na salat noon ay maginhawa na ngayon.
Isang araw, habang nag-iinterview ng mga bagong aplikante si Mel ay isang pamilyar na mukha ang muli niyang nakita.
“Ako po si Janice Alcaraz, at nasisiguro ko pong ako ang dapat niyong piliin dahil matiyaga ako at mabilis matuto.”
Nagtama ang kanilang paningin at tila nakakita ito ng multo nang makita siya nito.
“M-mel?”
“Kilala mo ba ang may-ari ng kompanya, Ms. Alcaraz?” Tanong ni Mr. Arevalo, isa sa mga nag-iinterview.
“M-may ari ng kumpanya?” Utal-utal nitong tanong, tila hindi makapaniwala sa naririnig.
Nang tumango si Mr. Arevalo ay lalo lamang namutla si Janice.
Nang matapos ang interview ay agad siyang nilapitan ni Janice.
“Hindi ko alam na ganito ka na pala ka-successful ngayon, Mel.”
Tipid niyang nginitian ang dating kaklase. “Salamat sa mga isda na nahuli ng magulang ko.”
Tila napahiya naman itong nagpaalam na aalis na. Yuko ang ulong lumabas ito ng opisina. Sigurado siyang hindi nito nakalimutan ang pangkukutya nito sa kabuhayan ng kanilang pamilya.
Minasdan ni Mel ang kabuuan ng malawak niyang opisina. Nagawi din ang kaniyang tingin sa mga empleyado na umaasa sa kaniyang kompanya.
Napangiti siya nang malawak. Kung nagpadaig siya sa mga kagaya ni Janice, malamang ay hindi siya nagtagumpay sa buhay.
Ang malansang isda na dahilan ng pagkutya sa kaniya noon ay siya ring naging dahilan ng pag-angat niya sa buhay ngayon!