Inday TrendingInday Trending
Hinindian ng Tiyahin ang Dalaga Noong Siya’y Nangutang, Ginawa Niya ang Kasalungat Nang Ito Naman ang Nangailangan

Hinindian ng Tiyahin ang Dalaga Noong Siya’y Nangutang, Ginawa Niya ang Kasalungat Nang Ito Naman ang Nangailangan

“Tita, kahit tatlong libo lang po, kailangang-kailangan ko lang po talaga mabilhan ng gamot si mama, hirap na hirap na po kasi siyang huminga,” daing ni Lidia sa kaniyang tiyahin, isang gabi nang sumpungin na naman ang kaniyang ina.

“Hay naku, Lidia! Gabi-gabi na lang andito ka para dumaing at mangutang! Baka nakakalimutan mo, may limang libo ka pang utang sa akin noong huling sugod d’yan sa nanay mo!” bulyaw nito sa kaniya, kitang-kita sa mukha nito ang pagkainis.

“Pasensiya na po, tita, hindi pa po kasi ako nakakadelihensya at nagsasanay pa lang po ako sa ospital kaya wala pong bayad,” nakatungong paliwanag niya, lalo namang nanggalaiti sa galit ang kaniyang tiya.

“Kailangan mo pala ako babayaran? Kapag doktor ka na? Diyos ko! Ang taas taas ng pangarap mo, eh, balita ko nga hindi ka makakuha ng blood pressure nang maayos! Tapos gusto mo pa mag-opera ng puso? Nakakatawa!” sigaw nito, panandalian itong tumigil kakasermon at humugot ng isang libo sa bulsa at inihagis ito sa kaniya, “O, ayan, sobra sobra na ‘yan sa hinihingi mo, huling pautang ko na ‘yan, ha? Masyado na kayong pabigat ng nanay mo!” sambit pa nito, dahan-dahan siyang lumuhod upang kuhanin ang pera sa lupa habang pigil-pigil ang kaniyang mga luha.

“Balang araw, ikaw naman ang magmamakaawa sa akin para gamutin ka,” bulong niya saka nagmadaling bumili ng gamot sa pinakamalapit na botika.

Nag-iisang anak ang dalagang si Lidia. May kaya ang ama’t ina ng dalaga dahilan upang maipasok siya ng mga ito sa pinapangarap niyang unibersidad at makatapos sa kursong pagdodoktor.

Ngunit tila biglang bumagsak ang kanilang negosyo nang mawala ang kaniyang ama dahil sa sakit sa puso. Labis itong dinamdam ng kaniyang ina dahilan upang humina ang pangangatawanan nito. Dahil dito, ninais niyang maging doktor sa puso at handa siyang gawin ang lahat upang matupad ito.

At dahil nga wala na silang mahugot na pera, sa tuwing susumpungin ang kaniyang ina, palagi siyang tumatakbo sa nag-iisang kapatid nito upang humingi ng tulong pinansyal ngunit palagi rin siya nitong minamaliit. Kaya ganoon na lamang siya nagtanim ng sama ng loob dito at nangakong kung magkakasakit ang tiyahin, hinding-hindi siya gagawa ng paraan upang lunasan ito.

Ginamit niya ang galit na nasa kaniyang puso upang maging isang matagumpay na doktor sa puso. Dahil doon, ilang taon lang ang nakalipas simula noong huling daing niya sa tiyahin, tuluyan na siyang nakaipon at nakapagtayo na ng sariling botika na pinamumunuan ng kaniyang ina.

Bumalik ang dating sigla ng kaniyang ina nang maging isa siyang doktor. Ika nito, “Hindi kami nagkamali ng papa mo sa pagpapadala sa’yo sa unibersidad na ‘yon. Walang halagang makakahigit dito,” dahilan upang yakapin niya ito at maiyak sa sayang nararamdaman.

Ngunit isang araw, bigla na lamang siyang binisita sa ospital ng kaniyang tiyahin at binalitang may sakit ito sa puso.

“O, ano naman po kung ganoon?” mataray niyang sagot.

“Gusto ko sanang humingi ng tulong sa’yo,” nakatungong ika nito saka siya hinawakan sa kamay. Agad niya itong tinanggal ang bahagyang tumawa.

“Nagpapatawa po ba kayo? Matapos niyo ako maliit-maliitin dati, papaopera kayo sa akin ngayon? Hindi po ba kayo natatakot na baka lalo kong butasin ang puso niyo?” sambit niya saka nagmadaling lumabas ng silid. Iniwan niyang nakatayo ang tiyahin doon, rinig na rinig niya ang mga hikbi nito sa labas ng kaniyang silid ngunit hindi niya ito binigyang pansin.

Ilang linggo ang lumipas, hindi niya matanggal sa isipan ang pangyayaring iyon.

“Galit ako sa tao, pero doktor ako, at responsibilidad kong maggamot ng may sakit. Ano bang gagawin ko?” ika niya sa sarili saka bahagyang inuntog ang ulo sa kaniyang lamesa.

“Gawin mo kung ano ang tama bilang isang doktor hindi bilang si Lidia. Tiyak, mapapangiti mo na naman ang tatay mo sa langit kapag ginawa mo ‘yon, anak,” gulat na gulat siya nang marinig ang mga katagang iyon mula sa kaniyang ina.

“Pero, mama,” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil bigla na siyang niyakap nito.

“Hindi mo kailangang gumanti para sa pangmamaliit niya noon sa’yo, hayaan mo ang Diyos ang mangaral sa kaniya,” nakangiting sambit nito.

Doon na siya nakumbinsi ng ina na gawin ang naturang operasyon sa kaniyang tiyahin. Katulad ng inaasahan, naging matagumpay ito sa kabila ng bigat na nararamdaman niya.

Ilang linggo lamang ang nakalipas, nakalabas na ng ospital ang kaniyang tiyahin. Masayang-masaya siyang niyakap nito at lumuhod sa harap niya upang humingi ng tawad sa lahat ng ginawa nito sa kanila ng kaniyang ina.

Agad naman niya itong tinayo at sinabing, “Kalimutan na lang natin ang lahat ng iyon, tita, tayo lang din naman ang magtutulungan, eh, dahil pamilya tayo,” wika niya habang pigil-pigil ang kaniyang luha bunsod sa sayang nararamdaman, “Ngayon ko na lang naramdaman ang sayang ito,” bulong niya sa sarili.

Mahirap maging mabait sa mga taong nandidiin sa atin pababa ngunit lagi nating isaisip, mas maigi nang maging mabait sa mga taong iyon kaysa maging katulad nila tayo dahil sa sakit na kanilang naiparamdam sa atin.

Advertisement