Sobra Kung Maltratuhin ng Mag-Asawa ang Bata; Sa Huli’y Mas Pinili pa rin Nitong Manatili sa Kanila
“Aray, tatang! Maawa po kayo sa akin, tama na po!” hagulgol ni Roger habang pinapalo ng kawayang patpat ni Badong.
“Wala ka nang ibinigay sa akin kundi sakit ng ulo, dapat lang sa iyo ‘yan!” wika ng lalaki.
“Nakipaglaro lang po ako sa mga kaibigan ko sa labas, tatang!”
“Ilang beses kong sasabihin sa iyo na ayokong lumalabas ka para maglaro? Ang daming puwedeng gawin dito sa bahay. Maglinis ka rito o labhan mo ‘yung mga damit ng Ate Susana mo!”
Sa tuwing lumalabas siya ng bahay ay gulpi ang inaabot niya sa kaniyang tatang. Masipag naman siya sa loob ng bahay. Sa katunayan ay siya na ang gumagawa sa lahat ng gawain doon. Ang paglalaro lang sa labas kasama ang mga kaibigan ang tangi niyang libangan ngunit iyon ay mahigpit na ipinagbabawal ni Badong. Maging ang asawa nitong si Mercedita ay malupit din sa kaniya. Kapag nahuhuli siya nitong naglalaro sa labas ng bahay ay ikinakadena nito ang kaniyang mga paa at pinaluluhod siya sa asin.
“Siguro naman ay magtatanda ka nang bata ka? Kapag umulit ka pa, isang linggo kitang ikakadena at paluluhurin sa asin hanggang sa hindi ka na makalakad at makalabas!” sabi ng babae.
“Naglaro lang nman po ako kanina, nanang. Tapos ko na po ang lahat nang pinagagawa niyo sa akin. Pati po ang mga maruruming damit ni Kuya Romeo ay nilabhan ko na rin.”
“Hindi mo talaga naiintindihan? Ayaw namin ng tatang mo na lumalabas ka sa kalye. Dito ka lang sa loob ng bahay. Kung gusto mo’y dito ka maglaro sa loob, huwag lang sa labas!”
Kahit hindi niya maintindihan ang gusto ng mga ito ay wala siyang nagawa kundi ang sumunod ngunit minsan ay hindi niya mapigilan ang sarili na makipaglaro sa mga kapwa niya bata at sinusuway pa rin ang utos ng tatang at nanang niya. Isang araw ay nahuli na naman siya ng mga ito. Bilang parusa ay patiwarik siyang ibinitin ni Badong saka pinagpapalo ng kawayang patpat. Naging bingi ang mag-asawa sa mga iyak at hikbi niya.
Mabilis na umusad ang panahon, matanda na ang mag-asawang Badong at Mercedita. Hindi na makabangon sa higaan si Badong dahil na-stroke ang lalaki at baldado na ang kalahating katawan nito. Mahina na rin ang katawan ni Mercedita na mas lalo pang pinahina dahil sa rayuma. Ang dalawa nilang anak na sina Susana at Romeo ay may sarili ng mga pamilya at matagal nang bumukod ng tirahan. Ang naiwan sa kanila ay si Roger.
“Tatang, nanang, narito na po ako. May dala akong pansit, cake at ice cream. Akala niyo siguro ay nakalimutan ko na ang birthday ni tatang ‘no! Happy birthday, tatang!” bungad na bati ng binata.
Kakauwi lang ni Roger galing sa trabaho. Mayroon na siyang magandang trabaho sa Makati. Siya lang kasi ang nakapagtapos sa pag-aaral. Sina Susana at Romeo ay nagsipag-asawa nang maaga kaya hindi nakapagtapos sa pag-aaral ang dalawa.
“Salamat, Roger at hindi mo nakalimutan ang birthday ng tatang mo,” nakangiting sabi ni Mercedita.
“Mabuti ka pa, hijo at naalala mo ang birthday ko. Ang kuya at ate mo ay kinalimutan na yata ako,” sagot ni Badong.
“Abala po siguro sila sa pamilya nila. Hayaan niyo at dadalaw rin sila rito sa atin,” tugon ng binata sabay mano sa dalawang matanda.
“Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin kami iniiwan, Roger, kahit na naging malupit kami sa iyo noon. Napakabuti mo pa ring ‘pamangkin’ sa amin. Ikaw pa itong narito, samantalang ang mga anak namin ay umalis na at iniwan na kami,” naiiyak na sabi ni Badong.
“Naging sobrang mahigpit kami ng tatang mo sa iyo dahil ayaw naming makita ka ng mga kapitbahay. Hindi kasi namin gustong pag-usapan ka nila pati na ang nangyari sa iyong ina na si Margarita. Naanakan noon ang aking kapatid ng isang lalaking iniwan din naman siya at ikaw ang naging bunga. Pagkatapos ay nagkasakit siya nang malubha at agad na binawian ng buhay kaya kami na ng nanang mo ang nag-aruga sa iyo. Hindi ka namin pinalalabas ng bahay dahil ayaw rin naming pagtsismisan kami ng mga tao pag nakita ka nila kaya pilit ka naming itinago. Pinagawa ka rin namin ng mga gawaing bahay para hindi ka makalabas ng bahay kaya pati tuloy ang kalayaan mo bilang bata ay inagaw namin. Patawarin mo kami sa lahat ng pagmamaltrato at pagpigil namin sa iyong lumabas noon, Roger. Matagal na naming pinagsisihan ang lahat ng aming ginawa,” hayag ni Mercedita.
“Kaya po pala galit na galit kayo sa tuwing maglalaro ako sa labas? Naiintindihan ko naman po kayo, eh. Nagpapasalamat pa nga ako sa inyo dahil sa kabila ng nangyari sa aking ina ay kinupkop niyo ako, pinakain at pinag-aral. Ang akala ko’y hindi niyo na ako papayagan pang makalabas ng bahay, pero ginawa niyo pa rin para ako’y makapag-aral at hindi maging mangmang. Kalimutan na natin ang nakaraan. Kumain na po tayo! Masarap ang binili kong pansit,” sagot niya sa dalawang matanda.
Lubos ang pasasalamat ng mag-asawang Badong at Mercedita sa kanilang pamangkin. Nakaranas man ito ng kalupitan sa kanila ay lumaki pa rin ito na isang mabuting tao. Kung sino pa ang inapi nila noon ay ito pa pala ang makakasama nila sa kanilang pagtanda.