Inday TrendingInday Trending
Pinagsasarhan ng Bintana ng Kapitbahay ang mga Batang Nakikipanood ng TV; Napanganga Ito Makalipas ang Labingwalong Taon

Pinagsasarhan ng Bintana ng Kapitbahay ang mga Batang Nakikipanood ng TV; Napanganga Ito Makalipas ang Labingwalong Taon

Tanging libangan ni Bodjie ang makipanood ng TV sa kapitbahay niyang si Aling Gloria. Wala kasi silang sariling telebisyon sa bahay.

“Uy, Bodjie, kanina pa kita hinihintay. Malapit nang magsimula ang paborito nating palabas!” sabi ng kaibigan niyang si Eboy na kasama niya sa panonood.

“Akala ko’y nahuli na ako, eh!” sagot niya na hinihingal pa dahil tinakbo niya mula roon hanggang sa kanilang bahay na nasa ikalawang kanto.

Maya-maya ay nagsimula na ang palabas. Tuwang-tuwa ang dalawa habang nanonood ng pambatang palabas. Dahil sa napalakas ang tawa nina Bodjie at Eboy ay nainis ang may-ari ng bahay na si Aling Gloria at pinagsarhan sila nito ng bintana.

“Mga bwisit na bata, walang ginawa kundi makipanood dito!” gigil na sabi ng babae.

“Nakakainis naman itong si Aling Gloria, pinagsarhan na naman tayo ng bintana. Palagi na lang niyang ginagawa sa atin ‘yan. Hindi tuloy natin natapos ang palabas!” asar na sabi ni Eboy.

“Hayaan mo na. Mainit na naman siguro ang ulo ni Aling Gloria kaya nainis na naman siya sa atin. Mag-abang na lang uli tayo bukas.”

Hindi naman dating ganoon ang ginang. Nagbago ang ugali nito nang makapagtrabaho ang panganay nitong anak na lalaki sa Maynila at nakabili ng colored TV. Noon ay black and white lang ang ginagamit ng mga ito.

Nang sumunod na araw ay excited na naman si Bodjie na mapanood ang paboritong palabas. Sa isip niya, baka pagbigyan na sila ni Aling Gloria na makapanood sa TV nito.

Pagkatapos niyang gawin ang lahat ng takdang aralin ay nagpaalam siya sa ina na makikipanood ng TV sa kapitbahay nilang si Aling Gloria. Ang babae lang kasi ang may TV sa kanilang lugar. Isa lamang kasing mahirap na pamayanan ang kanilang kinabibilangan. Tanging ang pamilya ni Aling Gloria ang nakakaangat sa buhay dahil sa magandang trabaho ng asawa nito at anak na nasa Maynila.

Nagkita ang magkaibigang Bodjie at Eboy sa labas ng bahay ni Aling Gloria.

“Ano, Eboy, nag-umpisa na ba?” tanong niya sa hinihingal na boses.

“Tamang-tama lang ang dating mo. Mag-uumpisa na!”

Nang makita sila ni Aling Gloria na nakatanghod ay padabog nitong isinara ang bintana.

Nalungkot na naman ang dalawang magkaibigan.

“Ano ba ‘yan, pinagsarhan na naman tayo ng bintana!” ani Eboy.

“Balang-araw, hindi na natin kailangan pang makinood ng TV,” sabi ni Bodjie sa kaibigan.

Makalipas ang labingwalong taon ay nagkaroon ng malaking sunog sa pamayanang kinatitirikan ng bahay ni Aling Gloria at isa ang tirahan niya sa natupok ng apoy. Wala siyang naisalbang gamit. Labis ang panlulumo ng ginang pati na ang asawa nito at anak na nasa Maynila nang malaman ang nangyari. Nabalitaan naman ng ina ni Bodjie na si Aling Elenita ang nangyari at tinulungan nito ang dating kapitbahay. Inalok nito ang ginang na tumuloy muna sa bahay nito na nasa kabilang bayan na.

Nanlula si Aling Gloria nang makita ang bagong bahay ng dating kapitbahay.

“Ang laki at ang ganda naman ng bahay niyo, Elenita!” manghang sabi ni Aling Gloria.

“Ang bahay na ito ay naipundar ng aking anak na si Bodjie, kilala mo siya ‘di ba? Siya ‘yung anak ko na palaging nakikipanood sa inyo ng TV? Maganda na ang trabaho niya ngayon sa Maynila. Manager na siya ngayon sa isang malaking bangko at may mga naitayo na rin siyang negosyo roon. Kasama niya sa trabaho ‘yung bestfriend niyang si Eboy na Assistant Manager din sa pinagtatrabahuhan niya. Halika, manood tayo ng TV!” yaya ng babae.

Napanganga si Aling Gloria nang makita kung gaano kalaki ang TV sa loob ng magandang bahay nina Aling Elenita. Para siyang nanonood ng sine sa laki niyon.

“Ano? Ang laki, ‘di ba? Binili talaga ‘yan ng anak kong si Bodjie para may napapanooran ako rito. Ganyan din kalaki ang TV niya sa tinitirhan niyang condo sa Maynila,” sabi pa ni Aling Elenita.

Biglang nanliit si Aling Gloria. Ang mga batang pinagsarhan niya ng bintana para hindi makapanood ng TV ay mga asensado na ngayon sa buhay. Tinulungan pa siya ng ina ni Bodjie sa panahong walang-wala siya. Labis niyang pinagsisihan ang mga ginawa niya noon.

Huwag maging maramot dahil ang mundo ay bilog. Hindi sa lahat ng oras ay nasa itaas. May pagkakataon na ipalalasap ng kapalaran ang mapunta sa ibaba para matutunan ang kahalagahan ng pakikipagkapwa tao.

Advertisement