Minsang Binigo ng Ama ang Pamilya; Pagbuksan pa Kaya Muli Siya ng Puso ng mga Ito?

“Ah eh… nakikiusap nga ang papa mo– “ naputol ang sasabihin ng maybahay na si Gina sa pagtaas ng boses ng anak na si Monica.

“Ma, ayan ka na naman. Sabing hindi na nga! Iniwan na tayo ng lalaking iyon tapos ngayon gusto mong tanggapin ulit siya sa bahay natin?” galit na sabi ng dalaga.

Padabog itong tumayo at iniwan ang hindi pa ubos na pagkain. Napayuko na lang si Gina sa pagmamatigas ng kaniyang panganay na anak. Sa tatlo niyang anak ay ito kasi ang pinakanakakaalam ng dinanas nila noong iniwan sila ng ama nito pitong taon na ang nakalipas.

Kakapanganak lang ng kaniyang bunso noon at lalong nalulong sa sugal ang mister na si Ando. Noon pa man ay sugarol na ito ngunit akala niya na kapag nagkapamilya na sila ay magbabago ito, ngunit ‘di iyon nangyari.

Kapapanganak lang at nagkakasakit pa, halos sa trese anyos na si Monica naiwan ang mga gawain sa bahay. Araw-araw ay pinupuntahan nito sa sugalan ang ama kapag hindi ito nakakauwi magdamag. Ang kawawang bata ay manghihingi ng kanilang pagkain para sa araw na iyon. Tapos pagdating pa doon ay sisigawan siya ng ama at pauuwiin. Hiyang-hiya si Monica, kung ‘di lang dahil nagugutom ang mga kapatid nito ay ‘di siya lalapit sa ama. Tuluyang lumayo ang loob niya sa ama na ang tanging alaalang iniwan sa kaniya ay mapapait at masasakit.

Nagkahiwalay sila ng mister nang dahil sa sakit ay pumanaw ang kanilang kapapanganak na sanggol. Sakitin ang sanggol nang ipanganak at dahil kapos at walang makapitan ay hindi ito naipa-check-up. Malala na pala ang sakit kaya’t binawian ito ng buhay sa kanilang bahay. Sa puntong iyon ay nakialam na ang mga magulang ni Gina. Kinuha ang mga apo nito at anak. Ni hindi man lang sila hinabol ng padre de pamilya. Nasaktan si Gina dahil doon, ngunit mas nasasaktan siyang makitang malaki ang sama ng loob ng anak na si Monica sa ama. Mas masakit na wala siyang maibigay na buong pamilya sa natitirang dalawang anak.

“Masyadong masakit para kay Monica, intindihin mo sana ang bata, Ando…” sabi ni Gina sa mister na nakikiusap na magkabalikan sila.

“Kasalanan ko rin naman talaga. Salamat, Gina. Kung kinakailangang araw-arawin ko ang pagpunta sa labas ng bahay ninyo at pagdadala ng bulaklak ay gagawin ko para lang mabuo muli ang ating pamilya. Marami akong pagkakamali na inayos ko sa nakaraang pitong taon, at natauhan na ko sa mga iyon,” sabi ni Ando. Tila lumobo naman ang puso ni Gina. Talagang mahal niya pa ito at nakita niya namang nagbago na talaga ito.

Advertisement

Sa mga kasunod na araw ay ganoon nga ang ginawa ni Ando. Araw-araw ay matatagpuan ito sa gate nina Gina na may dalang bulaklak pagkasara nito sa maliit na grocery na naipatayo nito.

Wala namang humaharap dito kundi si Gina lang. Matigas pa rin ang puso ni Monica na ayaw man lang papasukin ang ama kahit sa loob ng garahe. Lingid sa kaalaman nila ay tinatanaw rin palagi ni Monica ang ama mula sa bintana ng kaniyang kwarto. Nakikita niya kasing tuwang-tuwa ang kaniyang nakababatang kapatid kasama si Ando. Bukod sa mga dala nitong pasalubong ay nakita niyang masaya talaga ang mga ito kapag magkasama. Isa pa, ang kaniyang ina ay halata namang may nararamdaman pa para sa ama. Ang mga ipinapadala nitong bulaklak sa kaniya ay may mga sulat ding kalakip.

Isang gabi ay nagpasya siyang basahin ang mga iyon. Wala kasing tao sa bahay nila dahil kumain sa labas ang ina, kapatid at si Ando. Kahit gusto niyang sumama ay pinigilan niya ang sarili. Ngunit sa pagbasa niya sa mga sulat ng ama ay tila ba unti-unti ring lumaki ang siwang sa kaniyang puso. Napaluha siya sa pagpapakumbaba nito, sa pag-amin nito ng pagkakamali, at pag-ako sa responsibilidad nito. Nagpasya siyang maghilamos upang ‘di mahalata ang kaniyang namumugtong mata, nang bigla siyang nakarinig ng kaluskos mula sa kaniyang likuran. Napakabilis ng mga pangyayari. Bigla na lang siyang natumba nang may matigas na bagay na tumama sa kaniyang ulo. Huli niyang nakita ay ang pigura ng isang lalaking nakatakip ang mukha.

Puting kisame ang nakita niya pagdilat ng kaniyang mata. Nang maalala ang huling nangyari ay napabalikwas siya ng bangon. Sumigid ang kirot sa kaniyang ulo kaya napahiyaw siya sa sakit.

“Monica! Anak, gising ka na!” agad siyang niyakap ng ina. Doon niya nalaman ang balitang pinasok nga raw ng magnanakaw ang kanilang tahanan nang gabing iyon. Nangilabot siya nang malamang muntik na rin siyang mapagsamantalahan mabuti na lang at nakarating sa oras ang ama at iniligtas siya. Nanginginig sa takot na napaiyak na lang si Monica.

“Gusto ko siyang makita,” sabi ni Monica na ang tinutukoy ay ang ama. Ngunit tila nahulog ang kaniyang puso nang biglang umiyak ang ina.

“N-noong iniligtas ka niya, n-nagpambuno sila ng mga magnanakaw at n-nasaksak siya… kritikal ang kondisyon niya ngayon,” sabi ni Gina. Lubos na pagsisisi ang naramdaman ni Monica nang mga oras na iyon. Natatakot siyang baka may mangyaring masama sa ama nang ‘di man lang niya nasasabing napatawad na niya ito. Ilang araw siyang puro dasal lang na sana ay magising na ito.

Nakalabas na siya ng ospital ngunit ‘di pa rin nagigising ang ama. Pag-uwi galing eskwela ay pumipitas siya ng bulaklak at nilalakipan niya ng sulat din at dinadala sa ospital. Gaya ng ginawa ng ama, ibinaba niya ang sarili at humingi rin ng tawad dito.

Advertisement

Isang araw pagpasok niya sa kwarto nito sa ospital ay nakita niyang walang laman ang kama. Nanlamig ang kaniyang katawan sa takot nang maisip na baka pumanaw na ang ama! Napahagulgol na lang si Monica.

“Mahal na mahal kita, papa. Patawad po at nagmatigas ako. Pinapatawad ko na po kayo sa mga kasalanan niyo. Sana po ay lumaban man lang kayo dahil gusto pa naming makasama kayo…” iyak niya.

Nagulat siya nang pumasok sa kwarto ang ina kasama ang ama. Nakatayo ang mga ito at nakangiti sa kaniya.

Hindi siya makapaniwala, buhay pa ang ama at gising na ito! Agad niyang niyakap ang mga ito at humingi ng tawad. Tuluyan ngang nagkapatawaran ang mag-ama.

Namuhay sila nang mapayapa at masaya. Sa pangalawang pagkakataong iyon na ibinigay ng Maykapal sa kanila, pinunan ng ama ang lahat lahat ng mga pagkukulang niya sa kaniyang mag-iina. Tunay ngang lahat ng pagkukulang at pagkakamali ay kayang daigin ng pagmamahalan.