Nagkakainggitan ang Dalawang Asawa ni Mister na Namayapa; Magkakabuklod Pa Kaya ang Naiwang Pamilya?
“Oh binilhan ko kayo ng bagong tsinelas, isukat mo nga Linlin kung kasya ito sa’yo,” sabi ni Marites sa pinakabunsong anak ngunit nagulat siya nang nagsuplada ito.
“Eh ayoko niyan ‘Nay! Promise sa’kin ni Mommy Elena pagpunta niya dito bukas may pasalubong daw siyang bagong sapatos eh, i-wait ko na lang ‘yo,” sabi ng pitong taong gulang na anak. Nalungkot naman si Marites sa sinabi ng anak. Nakipagtalo pa naman siya sa palengke dahil isang pares na lang ang disenyong iyon. Alam niya kasing paborito ni Linlin ang disenyong iyon kaya pinilit niyang mabili.
“Ma, pakilinis na ang kwarto ko ah, doon matutulog si Tita Elena eh,” sabi ni Irene na panganay niyang anak. Nakita niyang sinipat nito ang mga pinamili niya sa palengke saka ito sumimangot.
Malungkot na nagpatuloy sa araw niya si Marites. Naglinis siya ng bahay dahil darating kinabukasan si Elena at ang binatang anak nito na si Mako. Anibersaryo kasi ng pagkawala ng yumao nilang asawa ni si Marlito. Si Elena ang unang asawa ni Marlito. Ngunit nagkahiwalay ang mga ito. Doon niya nakilala si Marlito at ilang taon lang ay nagpakasal sila. Nang pumanaw ito dahil sa sakit ay hiniling nito na palakihin nilang nagmamahalan ang mga anak nito. Kaya naman tuwing araw ng pagkawala ni Marlito ay pumupunta sina Elena sa bahay nina Marites upang bumisita at doon namamalagi ng isang linggo.
Simula nang gawin nila ang tradisyong iyon sa pamilya ay nagkaroon ng munting kirot sa puso ni Marites. Masaya naman siya na napalapit ang loob ng kaniyang mga anak na si Irene at Aileen kay Elena ngunit minsan ay naiinggit siya. Katulad ng hapong iyon, bukas ay ang kaarawan niya rin, ngunit walang ibang bukambibig ang mga ito kundi ang Tita Elena ng mga ito. Pilit niyang iwinaksi ang selos na naramdaman, mabuti nga at walang sama ng loob ang mga anak niya kahit nalamang may unang pamilya ang ama ng mga ito. Dapat magpasalamat siyang mabuti din sa mga ito si Elena.
Pagdating ng mga ito ay talagang pinilit ni Aileen na salubungin pa ito sa may gate. Natataranta siya umaga pa lang dahil marami siyang inihanda. ‘Di siya nakaligo man lang dahil sa sobrang pagka-abala.
“Tita Marites!” narinig niyang malakas na bati ni Marko pagkababang-pagkababa nito ng kotse ng mga ito. Agad itong tumakbo para yakapin siya.
“Naku ‘wag ka munang yumakap at hindi pa ako nakakaligo, batang ito oo!” natatawang sabi ni Marites sa disi sais na binata.
“Happy birthday po tita! Namiss ko po kayo, sobra! Meron po pala akong regalo sa inyo, binili ko pa sa Japan noon nagbakasyon kami doon ni mommy. Sana po next time makasama kayo,” sabik na sabi ng binata.
“Oh Marko aba’t maghunusdili ka, huwag mo masyadong kulitin ang tita mo,” sabi ni Elena sabay beso-beso sa kaniya. Magiliw naman niyang tinanggap ang mga pasalubong ng mga ito. Habang inilalabas ni Elena isa-isa ang mga pinamili nito sa ibang bansa ay napangiti si Marites nang makitang tuwang-tuwa si Irene at Aileen.
“Wow ang ganda naman ng sapatos! Da best ka talaga Tita Elena, love you po!” sabi ni Aileen sabay yakap sa leeg ng tuwang-tuwang ginang. Habang pinapanood ang tagpong iyon ay tila ba may kurot ng selos sa kaniyang puso. Gayundin nang ang kainin ng mga anak ay mga dalang ulam ni Elena habang ang luto niya ay naisantabi. Habang nagliligpit sa kusina ay nilapitan siya ni Elena.
“Oh, Elena bakit gising ka pa?” tanong niya dito. Mayroon pa raw itong tinatapos para sa trabaho.
“Alam mo Marites naiinggit ako sa’yo,” nagulat siya nang biglang sabi nito.
“Eh ano namang ika-iinggit mo? Mayaman ka, maganda kahit may edad na, at mayroon kang mabuting anak, ako nga ang inggit sa’yo eh. At isa pa ay mahal na mahal ka ng mga anak ko, parang mas mahal ka pa nga nila kaysa sa’kin eh,” sabi niya sa pabirong tono.
“Buti nga ikaw ay naaalagaan mo ang mga anak mo. Ako dahil sa trabaho ay lumaki si Mako na minsan lang sa isang linggo akong makasama. Kaya hayan nga at mukhang mas excited pang makita ka kaysa makasama ako,” sabi nito.
Sa pagkakataong iyon ay napagtanto ni Marites na walang saysay ang kaniyang selos na naramdaman. Tulad niya lang din si Elena na isang ina na labis ang pagmamahal sa anak. Tulad niya ay dahil sa sobrang pagnanais maalagaan ang mga ito ay mas napapansin nila ang mga kakulangan kaysa sa mga naisakripisyo na nila para sa mga ito.
“Ngayon ko lang napagtanto, magkaibang-magkaiba tayo Elena ngunit pareho tayong mahal na mahal ang ating anak. Para sa alaala ni Marlito na rin, gawin natin ang makakaya natin para sa kanila,” nasambit ni Marites.
Simula noon, ang mumunting inggitan at selosan sa pagitan ng dalawang ginang ay tuluyang nawala. Ang pamilyang mayroon sila ay naging mapayapa at dahil doon ay tila ba nakakuha rin sila ng lakas mula sa isa’t isa na magpatuloy sa pagharap sa hamon ng kani-kanilang mga buhay.