Inday TrendingInday Trending
Kinukupit ng Pamangkin ang Padala sa Matandang Tiyahin; Magsisisi Siya sa Malalaman Bandang Huli

Kinukupit ng Pamangkin ang Padala sa Matandang Tiyahin; Magsisisi Siya sa Malalaman Bandang Huli

“Eh bakit kasi ayaw mo umuwi dito at mag-trabaho, aber? Wala ka namang napapala d’yan sa kakaalaga mo sa tiyahin mong iyan eh,” kaaga-aga ay sermon ng ina ni Mimay na si Morena. Tulad ng nakagawian ay tumawag ito para lang manghingi sa kaniya ng pera.

Nasa probinsya kasi ang mga ito habang siya ay nasa Manila para samahan ang tiyahin na si Isabela. Kapatid ito ng yumao niyang ama, at mag-isa na lang ito sa buhay. Nasa abroad na kasi ang nag-iisa nitong anak sa pagkadalaga. Sa katunayan ay siya ang nagpresintang sumama na lang kay Tiya Isabel dahil ayaw niya sa probinsya. Pinatigil na kasi siya sa pag-aaral ng ina at pinipilit magtrabaho para may panggastos. Habang kay Tiya Isabel siya nakikipisan, kahit papaano ay nakakapasok pa siya sa pampublikong paaralan. Wala siyang problema sa kahit ano maliban lang kung may proyekto sa eskwelahan, na tinutulungan din naman siya ng tiya.

“‘Di ba sa’yo nagpapadala si Justine? Singitan mo naman ako kahit limang libo oh. Wala naman nang alam ang tiyahin mo sa gan’yan dahil ikaw ang humahawak at nagbabayad ng bayarin sa kuryente at tubig, di na ‘yan mapapansin,” pangungumbinsi ng ina. Noong una ay nag-aalangan siya dahil mabait talaga ang turing sa kaniya ni Tiya Isabel, ngunit nakonsensya naman siya dahil sabi ng ina ay may sakit daw ang kapatid niya.

Hanggang sa nagtuloy-tuloy nga ang pangungupit niya ng malalaking halaga mula sa padala ni Kuya Justine na anak ni Tiya Isabel na isang OFW.

“Katiting na allowance lang naman ang inaabot sa’yo ng tiyahin mo kaya ano ba naman iyong kumuha ka ng para sa’yo, ‘di ba?” sabi pa ng ina. Alam niya namang ipinangsusugal lang din iyon ng ina ngunit sa kung anong kadahilanan ay ipinagpatuloy niya ang maling gawain. Nagsimula na rin kasi siyang makabili ng kaniyang sariling mga gamit. Nakabili siya ng bagong cellphone at sapatos, at dahil doon ay mas napapansin na siya sa eskwelahan. Nagkaroon siya ng mas maraming kaibigan dahil madalas siyang manlibre.

Lumipas nga ang isang taon at libo-libo na ang kinukupit ni Mimay kay Tiya Isabel. Hindi naman siya nahahalata ng tiya na laging nag-aalala dahil madalas ay napapagabi na siya ng uwi.

“Hija, ayos ka lang ba? Mahirap ba ang eskwela?” tanong ng tiyahin sa kaniya isang araw na balisa siya.

“Wala naman ho,” sagot niya. May malaki siyang problema. Hindi raw makakapagpadala si Kuya Justine ngayong buwan at inutusan siyang sa “savings” kumuha ng pambayad sa bayarin sa bahay. Ubos na ang savings na tinutukoy nito at nakalimutan niyang magbayad ng kuryente at tubig. Ilang buwan din iyong naipon dahil lagi niyang nakakaligtaan at malaki-laki iyon. Yari siya kapag nabuko ang kaniyang ginagawa. Hindi niya rin kasi namalayan na pati ipon sa bangko ay nagalaw na niya.

Kung saan-saang kaibigan lumapit si Mimay ngunit walang tumulong at dumamay man lang sa kaniya. Tila ba nagsilayuan ang mga ito sa kaniya dahil wala na siyang maipanlibre sa mga ito. Pati ina niya ay hugas-kamay sa kaniyang problema. Bumuhos na lang ang luha at bagsak ang balikat na bumalik siya ng bahay. Sa desperasyon ay napilitan siyang mamasukan bilang tagahugas ng plato sa karinderya at waitress naman sa gabi. Tumigil siya sa pag-aaral dahil walang maiharap na mukha sa mga kaklaseng iniismiran siya lagi.

Sa loob ng isang buwan ay kung anu-anong ginawa niya para makaipon ng salapi. Mabuti na lang at nakabayad siya bago sila maputulan. Pag-uwi niya sa bahay mula sa trabaho ay lumapit si Tiya Isabel sa kaniya at may iniabot na sobre.

“Salamat sa lahat ng sakripisyo mo, hija. Alam kong mahirap na samahan ako dito sa Maynila at mapalayo sa pamilya mo. Ito oh, regalo ko sa’yo. Gamitin mo ang perang iyan para sa pagpasok mo sa kolehiyo sa isang buwan. Bakit naman ‘di mo binanggit na graduation niyo na pala kanina, ang batang ito talaga oh,” sabi ng tiya habang nakangiti sa kaniya.

Natigilan si Mimay sa sinabi nito. ‘Di niya namalayan ang panahon, graduation niya na pala dapat ngayon! Kaya pala engrande ang hapunan nila. Nang oras na iyon ay bigla na lang bumuhos ang kaniyang mga luha. Tila ba lahat ng pagod at pag-aalala ay hindi na kinaya ng kaniyang dibdib. Niyakap niya ang tiya habang humihingi ng tawad sa kaniyang ginawa.

“Pati ho savings niyo ay nawaldas ko na. Napakabuti niyo po sa akin ngunit nasilaw ako sa pera. Pati kinabukasan ko’y nasayang…” hagulgol na sabi ni Mimay. Hinayang na hinayang siya. Akala niya ay wala namang pakialam ang tiyahin sa kaniyang kinabukasan iyon pala ay nag-iipon ito para makapag-kolehiyo siya. Ngayon ay ‘di niya iyon pwedeng gawin dahil tumigil siya sa pag-aaral nang hindi nito nalalaman.

Pagkabigla at lungkot ang nakita niya sa mukha ni Isabel. Ngunit nagulat siya nang imbes na pagalitan ay niyakap siya nito.

“Mimay, naku bakit ngayon mo lang ito sinabi? Kaya pala pagod na pagod ka parati, kawawang bata…” awang-awa na sabi nito. Lalo siyang napahagulgol dahil sa kapatawaran nito.

Mula nang araw na iyon, mas lumalim pa ang respeto at pagmamahal ni Mimay kay Tiya Isabel. Nangako siya sa sarili na babawi dito at magsisimulang muli. Sa pagkakataong ito, hindi na niya sasayangin ang tiwala at pagmamahal na ibinigay nito sa kaniya.

Advertisement