Inday TrendingInday Trending
Susundan ng Batang Ito ang Kaniyang Ama sa Trabaho, Hindi Niya Akalain ang Matutuklasan sa Dulo

Susundan ng Batang Ito ang Kaniyang Ama sa Trabaho, Hindi Niya Akalain ang Matutuklasan sa Dulo

“Joseph, alam mo bang nagtanong sa akin si Andrea kung pwede raw siyang sumama sa’yo? Ang sabi pa niya sa akin ay dapat magbago ka na raw ng trabaho para makasama ka niya lagi,” wika ni Vivian sa kaniyang mister nang makauwi na ito at tulog nang nadatnan ang kanilang anak.

“Hindi pa ba natin sasabihin ang totoo sa bata?” seryosong tanong ni Joseph sa kaniya.

“Nahihibang ka na ba? Hindi mo sasabihin sa kaniya at mas lalong hindi ko sasabihin. Basta sinabi kong nagpupunta ka sa ospital kaya paggising niyan ay ‘yun din ang sabihin mo,” baling ni Vivian sa lalaki. Hindi naman na nagsalita pa si Joseph at bumuntong hininga saka niya hinalikan si Andrea sa noo.

Ang hindi alam ng dalawa ay gising si Andrea at narinig niya ang mga pinag-uusapan ng mga ito kaya naman samut-saring katanungan na ang pumapasok sa isipan ng bata.

“Tulog pa rin si Andrea, kailangan ko nang umalis,” saad ni Joseph ng kinaumagahan at hindi pa rin bumabangon ang kanilang anak at kailangan na niyang pumasok sa trabaho.

“Hayaan mo na, baka napagod ‘yan sa eskwela kahapon. Sasabihin ko na lang na dumating ka, sige na,” matabang na sagot naman ni Vivian dito. Napabuntong hininga na lang si Joseph at malungkot na umalis. Bago pa man ito sumakay ng sasakyan ay inayos na muna nito ang mga gamit niya at si Vivian naman ay bumalik sa kanyang trabaho. Kaya naman naglakas na ng loob si Andrea na gawin ang kaniyang plano.

Nasa kalagitnaan na ng byahe si Joseph nang may biglang nanggulat sa kaniya sa loob ng sasakyan.

“Hello, daddy! Good morning!” masiglang bati ni Andrea sabay labas sa pinagtataguan nito sa loob ng sasakyan ng kaniyang ama.

“Anong ginagawa mo rito, Andrea? Bakit ka nandito?!” gulat na gulat na tanong ni Joseph at dali-daling itinabi ang sasakyan.

“E, para sasama ako sa’yo. Para uuwi ka ulit sa amin ni mommy kahit gaano pa kalayo kasi kasama mo ako,” ngiti at masayang sagot pa rin ng bata sa kaniya.

“Anak, patawarin mo ako pero kailangan kitang ibalik ngayon kay mommy mo,” malungkot na sagot ng lalaki at mabilis na bumalik.

“Anong pumasok sa isipan mo na sumama sa tatay mo na hindi nagpapaalam sa akin?! Akala ko natutulog ka sa kwarto mo! Anong pumasok sa isip mo, Andrea?” baling ni Vivian nang makabalik si Joseph.

“Wag mo nang pagalitan ‘yung bata. Kailangan na nating sabihin ang totoo,” bulong ni Joseph sa babae.

“Tigilan mo nga ako, Joseph, ako ang magdedesisyon para sa anak ko!” iritableng sagot ni Vivian dito.

“Alam ko na may itinatago kayo sa akin! Narinig ko kayo kagabi!” hagulgol ni Andrea sa kaniyang mga magulang at nagulat ang dalawa.

“Kaya sumama ako kay daddy kasi gusto kong malaman ang totoo kung saan ba talaga siya pumupunta,” dagdag na sabi pa ng bata. Doon na napaupo si Vivian at nagtakip ng kaniyang mukha. Habang si Joseph naman ay naghihintay lang sa desisyon ng babae.

“Gusto mo ba talagang malaman ang totoo? Handa ka na ba, Andrea?” tanong ni Vivian sa anak at hindi man sumagot ang bata ay mabilis niyang pinunasan ang kaniyang mukha.

“Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa’yo pero hindi tayo ang pamilya ng daddy mo,” mabilis niyang sabi.

“Vivian, tama na. Ako na ang bahala,” sabi ni Joseph at doon na niya ipinaliwanag sa bata ang totoong istorya ng kanilang pamilya.

Bago ikasal si Joseph ay may nangyari sa kanila ni Vivian nang dahil sa kalasingan at ilang buwan ay nagbunga pala ito. Sinabi ni Joseph ang totoo sa kaniyang asawa at natanggap nito ang pagkakamali niya, hindi niya tinakbuhan si Vivian at ang responsibilidad na nakatali rito. Ngunit si Vivian ang humingi ng pabor na magkunwari silang isang pamilya para na raw sa kaniyang anak. Noong una ay ayaw ni Joseph ngunit ito na ang itinanim ni Vivian sa isipan ni Andrea habang lumalaki ito hanggang sa iba’t ibang dahilan na ang sinasabi ng babae para lamang mapagtakpan ang totoo.

“Ibig sabihin po ba ay hindi mo mahal si mommy?” malungkot na tanong ni Andrea sa kaniyang ama.

“Maraming konsepto ang pagmamahal, anak, mahal ko kayo ng mommy mo pero sa ibang paraan. Sana maintindihan mo iyon. Patawarin mo ako kung sa ganitong sitwasyon ka napunta, mahal na mahal kita,” iyak ni Joseph sabay yakap sa kaniya.

“Huwag ka nang umiyak, daddy, ayos lang po.’Wag ka na rin umiyak, mommy, dahil kahit hindi man laging buo ang pamilya natin ang importante ay nagmamahalan tayo at hindi na tayo magsisinungaling sa isa’t isa,” sabi ni Andrea sa dalawa, ang pitong taong gulang nilang anak ay natanggap ang katotohanan na matagal nang itinatago sa kaniya.

Hindi malaman ni Vivian ang gagawin at mas lalo na lamang siyang naiyak. Buong akala niya ay madadaan niya sa palabas ang lahat ngunit kahit anong paliwanag, kahit anong pamemeke pala ang gawin niya ay hindi tama na ipagkait niya ang katotohanan sa anak.

Laking pasasalamat na lang niya sa Panginoon dahil binigyan siya ng anak na may malawak na pag-intindi at nagpasalamat din siya kay Joseph dahil kahit na pwede nitong talikuran ang responsibilidad ay mas pinili nitong maging mabuting ama sa kabila ng kanilang sitwasyon. Nagpasalamat din siya sa asawa nito na hindi kailanman pinagdamot ang asawa niya sa anak nila. Ngayon ay mas pinahalagahan ni Vivian ang katotohanan habang lumalaki si Andrea. Unti-unti ay natutuhan niyang tanggapin ang tama at totoong sitwasyon para sa kanila ng kaniyang anak.

Advertisement