Iniiwasan ang Matandang Ito Dahil sa Tabas ng Dila Niya, May Ayaw lang Pala Silang Marinig!

“Jessa, mukhang magkasundo yata ‘yung anak mo saka si Lolo Ramil? Himala at hindi ka nabubwisit sa matandang iyon?” tanong ni Aling Elma, naglilinis ng kuko ng babae.

“Ha? Bakit po ba? Ano ba talagang mayroon kay Lolo Ramil kasi ‘yung ibang kapitbahay ko rito ay nabati rin kaagad ako nung nakita nga po na nandoon lagi ‘yung anak ko. Ayon tuloy pinagbawalan ko, ano ba talagang mayroon?” tanong ni Jessa sa babae.

“Ayos lang naman, bata naman ‘yung anak mo pero baka isang araw ay magulat ka na lang na nanglalait na ‘yang anak mo,” natatawang sagot ni Aling Elma sa kanya.

“Grabe kasi ‘yung matandang ‘yun kung makapanglait! Alam naman ng lahat na siya ang pinakamayaman sa lugar natin pero kakaiba ‘yun kung makapangmata ng kapwa! Kaya halos lahat ng taga-rito ay iniiwasan siya,” dagdag pang muli ng ale sa kaniya.

“Ganun ho ba? Bakit naman daw kaya ganoon si lolo?” tanong naman kaagad ni Jessa rito.

“Hindi ko rin alam, ganoon na yata talaga kapag maraming pera,” natatawang sagot naman nito sa kaniya. Hindi na muling nagsalita si Jessa at mabilis niyang tinanaw ang kaniyang anak sa tapat nilang bahay. Parehas na nasa labas si Lolo Ramil at ang kaniyang anak, magkatabi ito at tila malalim ang pinag-uusapan habang panay ang turo ng mga daliri ng matandang lalaki sa iba’t ibang bahay.

Kakalipat lang ng mag-ina sa lugar at nasa sinapupunan pa lamang niya si Noah ay tinakbuhan na sila ng tatay nito at mas pinili ang pagiging buhay binata. Kaya naman nagsumikap si Jessa kahit na mag-isa sa buhay at ngayon nga ay malaki na ang kinikita nito kahit pa nasa bahay lamang siya nagtatrabaho. Nung matapos siyang magpalinis ng kuko ay kaagad niyang tinawag si Noah at bahagya siyang ngumiti kay Lolo Ramil na siyang mabilis na nagbalik din ng ngiti sa kaniya.

“Noah, kumusta naman ang araw mo? Mukhang naliligayahan ka na yata masyado kay Lolo Ramil at hindi ka na nakikipaglaro sa ibang bata,” pangangamusta ni Jessa sa bata.

Advertisement

“Alam mo, ‘ma, kapag nakausap mo si Lolo Ramil ay matutuwa ka kasi marami siyang tinuturo sa akin at bukod pa roon e napakasaya pakinggan ng mga kwento niya,” magiliw na sagot ni Noah sa kaniya, ang sampung taong gulang na anak nito.

“Pero, anak, alam mo ba ang sabi ng mga kapitbahay natin tungkol sa kaniya? Hindi raw maganda ang ugali ni lolo,” wikang muli ni Jessa sa bata sabay upo sa tabi nito.

“Sabi pa nila na palagi raw masama ang lumalabas sa bibig nun ni Lolo Ramil, baka ‘yun naman ang tinuturo niya sa’yo? Bad ‘yun ‘di ba?” dagdag pa ng babae.

“Mama, hindi masama ang ugali ni lolo. Alam mo po ba kung ano ang mga sinasabi niya sa mga kapitbahay natin? Sinasabi niya kung ano ang mali at kung bakit nagkaganoon,” paliwanag ni Noah na parang matanda na kung makapagsalita ito.

“Katulad nun ni Aling Nida, kaya sila baon sa utang kasi mas inuuna nila ‘yung pagpapasikat sa ibang tao kahit wala naman silang pera. Bago ang telepono at palaging bago ang mga damit pero lahat daw po ng iyon ay utang lang at kapag sinisingil ay nagtatago. Sabi ni Lolo Ramil walang umaasensong tao na hindi marunong magbayad ng utang,” wika pang muli ni Noah sa kaniya at manghang-mangha si Jessa dahil sa dami ng alam ng anak niya.

“E sa atin? Anong sabi ni Lolo Ramil?” biglang tanong ni Jessa sa bata.

“Sa atin? Ang sabi ni lolo, hindi mo raw mapipili ang magiging tatay mo pero pwede mo raw mapili ang magiging tatay ng anak mo at nagkamali ka raw po roon. Kasi nga mag-isa ka lang ngayon,” mabilis na sagot ng bata sa kaniya.

“Aba nga naman! Hindi naman pala talaga maganda ang tabas ng dila ng matandang iyon!” baling kaagad ni Jessa sabay pamewang pa nito.

Advertisement

“Pero huwag kang mag-alala mama, kasi sumagot din ako. Ang sabi ko po, na hindi ka nagkamali sadyang duwag lang ang tatay ko at ikaw bilang mama ko ay ang pinaka the best sa buong mundo!” mabilis na ngiting sagot ng kaniyang anak na siya niyang kinagulat.

“Alam mo ba, mama, pakiramdam ko po malungkot lang si Lolo Ramil kasi iniwan na siya ng mga anak niya noong napagtapos na niya raw mapag-aral ang mga ito. Tapos nakakaalala lang daw po sila kapag may kailangan sa kaniya. Malungkot pala talaga ang buhay kapag matanda ka na, ano, mama? Kaya ako, hindi po kita iiwan para hindi ka po maging katulad ni Lolo Ramil,” sabi pang muli ni Noah sa kaniya.

Mas lalong natulala si Jessa dahil ganoon kalawak mag-isip ang kaniyang anak hindi katulad ng mga taong nasa edad na niya na wala nang ginawa kung hindi kutyain ang matanda. Kaya naman simula noon ay hindi na niya pinagbawalan pa si Noah at maski man siya ay kinakausap na rin ang matanda kahit nga pinagtatawanan siya ng ibang kapitbahay. Doon niya nasimulang pakinggan si Lolo Ramil at ang kwento nito. Tama si Noah, malungkot lamang si Lolo Ramil at hindi ito gumagawa ng kwento dahil bawat lumalabas sa bibig nito ay may kasamang aral. Masakit man siguro para sa iba ngunit ito ang mga realidad na tinatakasan ng mga tao na siyang sinasabi lamang ng matanda dala na rin ng kaniyang kalungkutan.

“Jessa, salamat,” maiksing sabi ni Lolo Ramil sa kaniya.

Hindi naman nagsalita pa si Jessa dahil naintindihan niya ang ligayang nararamdaman ngayon ng matanda. Mahirap nga sigurong maintindihan ang may mga edad na sa ating lipunan ngunit huwag sana natin silang kalimutan. Mas lalo pa natin silang bigyang ng atensyon katulad ng ibinigay nila noong tayo ay bata pa. Hindi nagtagal ay nabawas-bawasan ang panglalait ni Lolo Ramil at natatawa na lang siya kapag ikinukwento ni Jessa ang mga sinasabi ng ibang tao sa kaniya.