Inday TrendingInday Trending
Kakaiba ang Hitsura ng Kanilang Ina Kaya’t Madalas Silang Pagtawanan sa Eskuwela; Mapapahiya ang Lahat sa Pagbabahagi Nila kung Gaano Ito Kadakilang Ina

Kakaiba ang Hitsura ng Kanilang Ina Kaya’t Madalas Silang Pagtawanan sa Eskuwela; Mapapahiya ang Lahat sa Pagbabahagi Nila kung Gaano Ito Kadakilang Ina

Mapangutyang mga tinginan at bulungan ang sumalubong kina Cheska at Lizette pagkababa nila ng sasakyan kasama ang kanilang inang si Mama Sunshine. Mayroon kasing Mother’s Day program na gaganapin ngayon sa kanilang eskuwelahan. Dahil doon ay pilit namang itinago ni Mama Sunshine sa suot na belo ang malaking peklat na sumasakop sa kalahati ng kaniyang mukha, na dulot ng pagkasunog nito noon.

“M-mga anak, umuwi na lang kaya ako? Si Aunty Beth n’yo na lang ang pasusunurin ko rito,” alanganing bulong ni Mama Sunshine sa dalawang anak dahil sa pag-aalalang baka mapahiya lang ang mga ito dahil sa kaniya. Hindi naman kasi lingid sa kaniyang kaalaman na noon pa man ay nabu-bully na ang dalawa dahil kakaiba ang hitsura ng kanilang ina.

“Mama, Mother’s Day program po ito, hindi Aunt’s Day,” pabirong sagot naman sa kaniya ni Lizette na tila ’di naman alintana ang pangungutyang natatanggap nila ngayon.

“Oo nga po. Saka, pabayaan mo ’yang mga ’yan, ’Ma. Hindi po ba’t maingay talaga ang lata kapag wala itong laman?” makahulugan pang pagsang-ayon ni Cheska sa kapatid.

Taas-noong naglakad papalapit sa nakareserbang upuan nila sina Cheska at Lizette habang akay-akay nila ang kanilang ina. Wala silang pakialam kahit pa pinagtitinginan na sila ng mga tao sa gymnasium kung saan ginaganap ang program ngayon.

“Nakakadiri naman ang hitsura ng nanay nina Cheska at Lizette!”

“Sinabi mo pa! Feeling ko, may sakit ’yan sa balat. Nakakasuka!”

Naririnig ng tatlo ang bulungang iyon ng ilan sa kanilang mga kaeskuwelang nakapuwesto sa kanilang likuran. Grabe ang pagpipigil na ginawa nina Cheska at Lizette na huwag nang patulan pa ang mga ito. Minabuti na lamang nilang mag-focus sa nagaganap na programa, hanggang sa tawagin na ng adviser nila ang kanilang mga pangalan.

“Nais ko lamang pong tawagin dito sa stage ang magkapatid na Cheska at Lizette upang magbahagi ng isang nakaaantig na kuwento, tungkol sa kanilang dakilang ina. Palakpakan po natin sila!”

Matapos iyong i-anunsyo ng kanilang guro ay agad na umakyat sa entablado ang magkapatid. Takang-taka naman ang kanilang Mama Sunshine na noon ay naiwan sa kinauupuan nito.

“Magandang araw po sa lahat! Ako po si Cheska, at ito ang kapatid kong si Lizette… una po sa lahat, gusto ko lang batiin ng Happy Mother’s Day ang aming napakagandang Mama Sunshine! Salamat sa lahat, Mama. Salamat po dahil minahal mo kami, kahit hindi mo kami tunay na mga anak.” Nabigla ang lahat sa tinuran ni Cheska, ngunit hinayaan nila siyang magpatuloy.

“Ilang taon na po ang nakalilipas mula nang mangyari ang isang insidente sa bahay-ampunan kung saan nagtatrabaho noon ang aming ina bilang isa sa mga tagapangasiwa, habang kami naman ay bilang mga batang ulila. Hatinggabi, sa kasarapan ng tulog namin, bigla na lang pong nag-short-circuit ang isang kable ng kuriyente na naging dahilan ng agarang pagsiklab ng malaking apoy na siyang agad na tumupok sa ampunan…”

“Takot na takot kami noon dahil hindi na kami makalabas ng kwarto. Nang magising kasi kami ay malaki na ang apoy at nahaharangan na ng nagbabagang mga kahoy ang pintuan at mga bintana ng aming tulugan. Ang buong akala nga po namin ay katapusan na namin, kaya nagyakap na lang kami ni Cheska. Ganoon din ang ilan pang batang kapwa naming ulila.”

“Ngunit parang himalang biglang bumukas ang pintuan!” Si Lizette naman ang nagtuloy ng kwento. Masigla ang pagkakasabi nito kaya nagtawanan ang mga tao. “Iniluwa n’yon si Mama Sunshine na animo isang superhero at isa-isa niya kaming iniligtas, gamit lamang ang isang basang tuwalyang tumatakip sa kaniyang katawan! Ibinuwis ni Mama Sunshine ang buhay niya, para lang iligtas ang mga batang ulilang katulad namin… kahit pa kapalit n’yon ay ang pagkasira ng kaniyang panlabas na kagandahan.”

Hindi napigilan ng magkapatid ang pagtulo ng kanilang luha sa pag-alala sa nakaraan kaya naman nadala na rin ang mga manunuod.

“Hindi pa doon nagtapos ang aming kalbaryo. Dahil sa pagkasira ng ampunan, muntik na kaming magkahiwalay ni Cheska nang magpasya ang pamunuan na ipaampon kami sa magkaibang pamilya…

“Mabuti na lamang at to the rescue na naman ang aming supermama at siya ang umako ng responsibilidad sa aming dalawa. Siya ang muling nagbigay sa amin ng pag-asa… kaya, salamat po, Mama! Para po sa amin, ikaw po ang pinakamagandang mama sa balat ng lupa!”

Lalong nag-iyakan ang mga tao sa sumunod na tinuran ni Lizette. Ang kaninang mga pagsulyap na puno ng pangungutya’t pandidiri, ngayon ay napalitan na ng mga tinging puno ng paghanga.

Isa-isang nagtayuan ang mga tao. Humarap sila sa dakilang si Mama Sunshine at inalayan nila ito ng isang masigabong palakpakan!

Hindi akalain ng mga taong ito na ang kinukutya nila kanina ay isa palang superhero na nagligtas sa buhay ng maraming bata, kahit ang kapalit n’on ay ang kaniyang magandang mukha.

Kaya’t simula nang araw na iyon, wala nang sinuman sa eskuwela ang nangutya dahil kakaiba ang hitsura ng ina nina Lizette at Cheska.

Advertisement