Inday TrendingInday Trending
Pinakasalan ng Lalaki ang Babaeng Nabuntis Niya Kahit Hindi Niya Ito Mahal; Ngunit Malalaman Niyang Hindi pala Kaniya ang Bata

Pinakasalan ng Lalaki ang Babaeng Nabuntis Niya Kahit Hindi Niya Ito Mahal; Ngunit Malalaman Niyang Hindi pala Kaniya ang Bata

“Buntis ako, Jacob…”

“A-ano?!”

Marahas na napahilamos si Jacob sa kaniyang sariling mukha matapos sabihin ng kasintahan ang balitang iyon sa kaniya. Tila hindi siya makapaniwala sa narinig. Gusto niyang isipin na nagkamali lamang siya ng pagkakarinig sa sinabi nito, ngunit lolokohin niya lamang ang kaniyang sarili. Malinaw niyang naintindihan ang tinuran ng nobya niyang si Coleen.

Ang totoo, si Coleen ay isa lamang sa tatlong nobya ni Jacob ngayong buwan kaya’t hindi niya inaakalang mangyayari ito sa isang beses pa lamang nilang pagnin*ig. Kilalang babaero ang binata na animo nagpapalit lamang ng damit kung magpalit ng babae sa buhay niya at sa palagay niya, ang nangyayaring ito ngayon ay karma niya.

“Hindi ko rin ito gusto, Jacob. Alam ko namang babaero ka kaya’t wala rin akong balak na makipagrelasyon sa ’yo nang matagal…” Sandaling napahinto si Coleen sa kaniyang sinasabi at tila ba hindi maapuhap ang mga salitang susunod niyang bibigkasin. Ilang segundo itong nag-isip bago nagpatuloy. “Ang naiisip ko ay inuman na lamang ng gamot itong bata sa sinapupunan ko,” dagdag niya pa.

Nanlaki ang mga mata ni Jacob nang sabihin iyon ni Coleen. Agad siyang lumuhod sa harapan ng dalaga upang magpantay ang kanilang mga mukha. “Huwag mong gagawin ’yan, Coleen. Please lang. Oo, hindi natin inaasahan ang pangyayaring ito, pero walang kasalanan ’yang anak natin kaya huwag na huwag mong gagawin ’yan,” pamimigil pa ni Jacob kay Coleen. “Pananagutan kita, Coleen. Handa akong talikuran ang pagiging babaero ko, basta huwag mo lang sasaktan ang anak ko. Magpapakasal tayo sa lalong madaling panahon.”

Maganda ang trabaho ni Jacob at may sinabi rin sa buhay ang kaniyang mga magulang kaya naman hindi hadlang ang pera upang madali silang makapagpakasal ni Coleen. Buo ang kaniyang naging desisyon na magbagong buhay kasama ang kaniyang mag-ina kahit pa wala naman siyang nararamdamang pagmamahal noon para sa dalaga.

Ganoon pa man, sa pagsasama nina Jacob at Coleen, pagkatapos ng kanilang kasal ay tila ba unti-unti ring nahulog ang loob ng binata rito, lalo na nang sa wakas ay makapanganak si Coleen. Unang kita pa lamang ni Jacob sa bata ay tila ba idinuduyan sa ulap ang kaniyang damdamin. Sa buong buhay niya, pakiramdam niya ay ito na ang pinakamagandang desisyong kaniyang nagawa… ang buhayin ang kaniyang anak na pinangalanan nilang Blessy.

Mahal na mahal ni Jacob ang kaniyang mag-ina. Napakasaya niya sa piling ng mga ito kahit pa nga minsan ay hindi pa rin maiiwasan ang pagkakaroon nila ni Coleen ng tampuhan. Halos perpekto na ang lahat sa buhay ni Jacob, ngunit nagbago ang lahat ng iyon sa pagdating ng dating nobyo ng kaniyang asawa.

Umuwi ito mula sa ibang bansa at agad na sinadya ang pinagtatrabahuhan ni Jacob upang siya ay komprontahin at sabihin ang isang balitang gigimbal pala sa kaniyang pagkatao.

“Ako ang ama ni Blessy, nasisiguro ko sa ’yo ’yan, pare,” saad ng dating nobyo ni Coleen kay Jacob. “Buntis na si Coleen bago ko pa man siya iwan dito. Ang buong akala ko ay magagawa niya akong hintayin ngunit hindi pala!”

Sa tinuran ng lalaki ay agad na nayanig ang tiwala ni Jacob sa asawa. Naaalala niya na hindi naman siya nakikipagn*ig sa isang babae nang hindi gumagamit ng proteksyon kaya papaano nga namang mabubuntis niya ito?

Umuwi si Jacob na laglag ang kaniyang balikat. Tamlay na tamlay siya at animo pinagbagsakan ng langit at lupa. Takang-taka naman si Coleen sa nakitang asal niya.

“Mahal, may problema ka b—” Ngunit bago pa man maituloy ni Coleen ang kaniyang sasabihin ay isang mahigpit na yakap mula kay Jacob ang kaniyang natanggap. Isang yakap na punong-puno ng takot at pangamba na baka mawala na sa kaniya ang dalawang taong pinakamamahal niya.

“Huwag mo akong iwan, Coleen… kahit bumalik na ang tunay na ama ni Blessy, huwag mo akong iwan. Pangako, aalagaan ko kayo. Kahit hindi siya sa akin, please, dito lang kayo,” umiiyak na sabi pa ni Jacob kay Coleen bago niya tinakbo ang kwarto ng kanilang anak. Doo’y niyakap niya ang sanggol habang umiiyak.

Si Coleen naman ay takang-taka’t hindi maintindihan ang sinasabi ng asawa, kaya naman hinintay niyang kumalma ito upang makausap. Ikinuwento naman ni Jacob ang naging usapan nila ng dating nobyo umano ni Coleen.

“Jacob, huwag ka ngang magpapaniwala! Ikaw ang una’t huling lalaki sa buhay ko kaya papaanong mangyayaring may ibang ama si Blessy?!” bulalas naman ni Coleen sa nalaman.

Lingid sa kaalaman nila ay isa lamang sa mga dating nobya ni Jacob ang nagplano niyon upang sirain ang kanilang relasyon. Nagbayad ito ng isang lalaking magpapanggap na siyang tunay na ama ni Blessy upang masira ang tiwala nila sa isa’t isa, ngunit hindi inaasahang iba ang naging tugon ng dalawa sa sitwasyon.

Lalong tumibay ang pagsasama nina Coleen at Jacob pagkatapos niyon. Natutunan nilang palaging pairalin ang kanilang pagmamahalan upang anumang pagsubok ang dumating ay palagi nilang malalampasan ang lahat.

Advertisement