
Masungit at Matapobre ang Mayamang Babae Kaya naman Galit na Galit Siya sa Mahihirap na Kapitbahay; Tadhana ang Magtuturo sa Kaniya ng Leksyon
Nakataas na naman ang isang kilay ni Ginang Hermina habang nakasilip sa labas mula sa gilid ng kanilang terasa sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Nakatingin siya sa mga kapitbahay na noon ay nagkakasiyahan at salu-salong nagkakainan sa labas.
Puno ng tawanan ang nasabing salu-salo. Halatang masaya at nagkakasundo ang bawat isa, habang si Ginang Hermina, naroon at nakatingin lamang mula sa itaas ng kaniyang terasa, nag-iisa, malungkot at walang kasama. Ultimo kasi ang kaniyang mga kasambahay ay nangingilag na lumapit sa kaniya kaya naman palagi na lamang talagang sarili niya ang kaniyang kasama.
Wala siyang asawa o anak. Ni hindi siya dinadalaw man lang ng kahit sinong kamag-anak niya, kahit pa nagmamay-ari siya ng limpak-limpak na pera. Iyon ay dahil masama ang kaniyang ugali. Kilalang matapobre ang ginang kaya naman halos walang gustong lumapit sa kaniya, maliban sa mga kaibigan niyang lingid sa kaniyang kaalaman ay mga oportunista naman. Tanging ang pera at koneksyon niya lamang ang habol ng mga ito sa kaniya, ngunit pinili niyang magbulag-bulagan upang pagtakpan ang katotohanang walang gustong mapalapit sa kaniya dahil sa kaniyang masamang pag-uugali.
Hindi niya napigilang makaramdam ng inggit habang pinanunuod niya ang mahihirap na kapitbahay na nagkakasiyahan sa labas, kaya naman sumigaw siya mula sa itaas upang kunin ang atensyon ng mga ito.
“Hoy, mga dukha! Ano na naman ang ginagawa n’yo’t napakaiingay n’yo? Nakakasira kayo ng araw!” aniya sa mga ito kaya naman agad na nagtaasan ang kilay ng mga nakarinig.
“Malungkot ka na naman ba, madam? Siguro, nabo-bored ka na naman dahil palagi ka na lang mag-isa, ano? Ang sama kasi ng ugali mo, e. Alam mo, okay lang sa amin na tawagin mo kaming mga dukha, alam mo kung bakit?” Sandaling huminto sa pagsasalita ang isa sa mga kapitbahay ni Ginang Hermina. “Kasi ’di gaya mo, kailan man ay hindi kami mag-iisa sa buhay. Palagi kaming may karamay dahil wala man kaming limpak-limpak na pera, mayaman naman kami sa pagmamahal, samahan, at pagkakaibigan!”
Matapos maglitanya ng isa sa mga kapitbahay ni Ginang Hermina ay sinundan agad iyon ng masigabong palakpakan ng mga kasama nito na sinabayan pa ng malakas na mga hiyawan! Gustong patunayan ni Ginang Hermina sa mga ito na kahit wala siyang pera ay mayroon pa rin siyang mga tunay na kaibigan kaya naman isang ideya ang napagdesisyunan niyang isagawa.
Nagpakalat ng malaking balita si Ginang Hermina na lahat ng kayamanan niya ay wala na. Ang sabi sa balita ay wala na siyang pera at koneksyon dahil bankrupt na siya.
Pagkarinig pa lamang ng mga balita ay agad na nagsialisan ang lahat ng kaniyang mga kasambahay. Sa inis ay isa-isa niya namang tinawagan ang kaniyang mga kaanak upang humingi ng tulong, ngunit walang ni isa man sa mga ito ang gusto siyang kausapin. Kaya sumunod na tinawagan ni Ginang Hermina ang kaniyang mga kaibigan.
“Hello, who’s this?” tanong ng isa sa mga kaibigan niya nang sumagot ito sa kaniyang tawag.
“Hello, Isabelle? This is Hermina. Pwede bang—” ngunt hindi pa man niya natatapos ang kaniyang sinasabi ay agad nang ibinaba ng kaibigan niya ang kaniyang tawag.
Sunod ay wala nang ni isa man sa mga itinuturing niyang kaibigan ang gustong kumausap sa kaniya at dahil doon ay natulala si Hermina.
Doon niya napapatunayang totoo pala ang sinasabi ng kapitbahay niya!
Walang nagawa si Ginang Hermina kundi ang maiyak. Awang-awa siya sa kaniyang sarili ngunit wala siyang ibang dapat sisihin kundi ang sarili niya lang din. Kung sana ay hindi siya naging matapobre, sana ay nakahanap man lang siya kahit ng kaunting kaibigang makakaintindi sa kaniya at sasamahan siya sa kasiyahan man o kalungkutan.
Nasa ganoong tagpo si Ginang Hermina nang bigla na lamang tumunog ang doorbell ng kaniyang malaking bahay nang araw na ’yon. Nagtataka man ay pinili niyang tingnan kung sino ang tao sa labas at ganoon na lang ang gulat niya nang makita ang mahihirap na kapitbahay na nakadungaw labas ng kaniyang gate!
“Madam!” nakangiting sigaw ng isa nang masilayan siya.
“A-anong kailangan n’yo?” agad namang tanong niya. Iniisip niya na baka harap-harapan nila siyang pagtatawanan dahil sa pekeng balitang ipinakalat niya ngunit ikinagulat niya ang sumunod na sinabi nito!
“Ngayong pare-pareho na tayong dukha, baka naman gusto mong sumali sa salu-salo namin dito sa labas, sa ilalim ng malaking punong mangga? Naku, nag-ihaw kami ng maraming isda. Tara na!” nakangiti pang aya ng mga ito sa kaniya na tila ba wala silang masamang pinagsamahan noon.
Hindi agad nakapagsalita ang ginang ngunit napangiti siya at agad na pinaunlakan ang mga ito. Noon lamang niya nadama ang ganoong klaseng kasiyahan at hindi niya akalaing madarama pa niya ito sa piling ng mga kapitbahay niyang noon ay kaniyang minamaliit. Ngayon ay sisiguraduhin ni Ginang Hermina na babawi siya sa lahat ng kaniyang mga kasalanan sa kanila.

Kahit Tumatanggi ay Sinubukan pa rin ng Lalaking Ito na Tulungan ang Isang May Kapansanan Para Maipakita sa Kaniyang Vlog; Isang Aral ang Ituturo sa Kaniya Nito
