
Kahit Tumatanggi ay Sinubukan pa rin ng Lalaking Ito na Tulungan ang Isang May Kapansanan Para Maipakita sa Kaniyang Vlog; Isang Aral ang Ituturo sa Kaniya Nito
Naglalakad lamang noon si Andrew upang bumili ng kaniyang makakain sa isang fast food chain kasama ang kaniyang kabarkadang si Joey nang madaanan nila ang isang babaeng nakaupo sa wheelchair habang tumatawid sa kalsada. Dahil doon ay agad siyang nakaisip ng ideya.
“Magandang content sa vlog ’to,” aniya sa sarili. Si Andrew kasi ay isang nagsisimula pa lamang na content creator sa mga social media sites. Naisip niya na kapag tinulungan niya ang isang may kapansanan habang kinukuhanan siya ng camera ay makakamit niya agad ang minimithi niyang kasikatan!
“Joey, pare, kunan mo ako, dali!” Agad niyang ibinigay kay Joey ang kaniyang camera pagkatapos ay kumaripas ng takbo papunta sa babaeng naka-wheelchair.
“Miss, tulungan na kita,” sabi niya sa babae na ni hindi man lamang tinanong kung kailangan ba nito ng tulong o hindi.
“Salamat, pero kaya ko namang mag-isa,” nakangiti at magalang namang sagot ng babaeng may kapansanan.
“Naku, ang isang lumpong kagaya mo ay hindi dapat tumatawid nang mag-isa sa kalsada. Delikado, baka kung mapaano ka,” tuloy-tuloy namang sabi ni Andrew na agad na nakapagpawala sa ngiti ng dalaga.
“Okay lang ako. Matagal ko nang ginagawa ’to kaya sigurado akong kaya ko,” sa pagkakataong ito ay matigas namang sabi ng dalaga.
“Matagal na?” Napangiwi si Andrew. “Siguro hindi mo kayang mag-hire ng caretaker, ano? Sa bagay, iyong mga taong may disabilities, mahina talagang kumita ng pera, e. Naiintindihan ko naman,” muli ay hirit na naman ni Andrew na kunwari ay nagpakita pa ng malungkot na mukha sa camera.
Dahil doon ay napalingon ang dalagang may kapansanan sa gawi ni Joey at napansin nitong kinukuhanan siya ng video sa camera! Agad na napakunot ang noo ng dalaga at kinumpronta si Andrew.
“Kaya mo ba ako kanina pa sinusubukang kulitin ay dahil idino-document mo ang pagtulong mo kuno sa akin?!” Bakas na ang galit sa tanong na iyon ng dalaga.
“Sandali, bakit ka nagagalit? Gusto ko lang namang ipakita sa lahat kung paano dapat itinatrato ang mga katulad mong Person With Disability, ano’ng masama roon?” kunot-noo pang katuwiran ni Andrew.
“Sana man lang, hiningian mo ako ng permiso kung okay lang ba sa akin na ako ang gawin mong subject diyan sa vlog mo! Dahil ayoko!”
“Napaka-ungrateful mo naman, miss. Ikaw na nga itong tinutulungan, e!” naiinis nang sabi ni Andrew sa galit na PWD.
“Hindi ko naman hiningi ang tulong mo. Unang-una, nananahimik ako rito kanina, ’tapos ay bigla ka na lang sumulpot at pinagpipilitan mong tulungan ako kahit ayaw ko! Hindi naman porque lumpo ako katulad ng sinasabi mo, ibig sabihin n’on kailangan ko na ng tulong. Hindi lang ako makalakad pero hindi ako inutil!”
Matapos siyang sigawan ng babae ay nagpatuloy na itong pumasok sa fastfood chain. Ngunit tila ba hindi pa rin nadadala si Andrew. Agad niyang sinundan ang babae at nang makitang papunta ito sa counter area ay agad siyang sumigaw upang agawin ang atensyon ng mga tao roon.
“Paraanin n’yo ang PWD! Paunahin n’yo na siya sa pila!” aniya, halatang nagpapasikat dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ipinapa-off ang camera.
Napabuntong-hininga na lang ang dalagang nasa wheelchair at napailing, lalo na nang sundan siya ni Andrew sa counter upang kausapin ang cashier.
“Miss, tanungin mo siya kung ano ang order niya, ha? Kahit ano. Ako ang magbabayad,” sabi niya sa cashier na kataka-takang biglang kumunot ang noo.
“Sir, hindi n’yo ho kailangang bayaran ang kukunin niya rito, dahil siya naman ang may-ari ng kainang ito. Sino po ba kayo?” tila naiinis na sagot ng cashier sa kaniya na ikinagulat naman ni Andrew.
“Ilang beses ko nang sinabi sa ’yo na hindi ko kailangan ng tulong. Hindi ka pa rin nakikinig. Hinintay mo pa ring mapahiya ka. Alam mo, hindi ko kailangan ng tulong mo dahil kung tutuusin ay kaya ko namang kumuha ng sarili kong tagapag-alaga. Pero alam mo kung bakit hindi ko ginawa? Dahil hindi ko ’yon kailangan. Sa susunod, kung talagang gusto mong tumulong sa isang tao, sana tanungin mo muna siya kung kailangan ba niya ng tulong mo. Isa pa, huwag kang tumulong dahil lang may nakaharap sa ’yong camera! Huwag n’yong gamiting stepping stone sa pagsikat ang panggagamit ng kahinaan ng iba!” litanya pa ng babae sa kaniya bago siya nito tinalikuran at iniwang napapahiya sa harap ng mga taong naroon.
Lumabas si Andrew sa naturang kainan nang nakayuko, at lalo pa siyang nanlumo nang sabihin sa kaniya ng kaibigang si Joey na ang lahat ng nangyari ay nakunan nila nang live sa camera! Iyon na ang katapusan ng kaniyang karera bilang vlogger!

Alam ng Binata na Ayaw na sa Kaniya ng Nobya Kaya naman Inalok Niya Ito ng Kasal sa Harap ng Maraming Tao; Pagsisisihan Lamang Pala Niya Ito
