Inday TrendingInday Trending
Alam ng Binata na Ayaw na sa Kaniya ng Nobya Kaya naman Inalok Niya Ito ng Kasal sa Harap ng Maraming Tao; Pagsisisihan Lamang Pala Niya Ito

Alam ng Binata na Ayaw na sa Kaniya ng Nobya Kaya naman Inalok Niya Ito ng Kasal sa Harap ng Maraming Tao; Pagsisisihan Lamang Pala Niya Ito

Ilang oras nang nagmumukmok si Carlo sa kaniyang kwarto. Nag-aabang siyang baka sakaling mag-reply na ngayon ang kaniyang nobyang si Arlene, tutal ay third year anniversary na nila bukas. Buhat kasi nang magtalo sila tungkol sa pagiging sobrang higpit ng binata sa kanilang relasyon ay hindi na muli pa siyang kinausap ng dalaga. Kahit puntahan niya ito sa tinutuluyan nitong apartment ay palagi na lamang itong wala roon.

Nag-aalala na si Carlo. Hindi na niya alam kung ano ang iisipin niya kaya naman nagdesisyon siyang puntahan ang bestfriend ni Arlene. Ngunit batid niyang hindi nito ipaaalam sa kaniya kung nasaan ang kaniyang nobya kaya naman mas pinili niya na sundan na lamang kung saan ito pupunta.

Ilang araw na ganoon ang ginagawa ni Carlo. Maaga pa lamang ay umaalis na siya ng kaniyang bahay upang sundan kung saan pupunta ang bestfriend ni Arlene. Nag-file pa siya ng leave sa trabaho para lang magawa iyon, pati na rin ang kaniyang binubuong plano…

Sa wakas, makalipas lamang ng apat na araw na pagsunod-sunod ni Carlo sa bestfriend ni Arlene ay natunton niya rin kung nasaan ang nobya. Naroon pala ito sa bahay ng kaniyang tiyahin. Nag-apply na rin pala ito ng trabaho sa lugar na iyon at kahapon pa ito nagsimula. Nakakuha na ng pagkakataon si Carlo.

Oras ng tanghalian. Namataan ni Carlo si Arlene habang palabas ito ng pinagtatrabahuhang kompanya, kasama ang ilan sa mga katrabaho nito. Mukhang bibili sila ng pagkain. Agad na nag-init ang ulo ni Carlo nang makitang may mga lalaking kabilang sa grupong sinasamahan ng kaniyang nobya ngunit minabuti niyang pakalmahin ang kaniyang sarili.

Binitbit ni Carlo ang bugkos ng mga bulaklak na binili niya kanina. Bumaba siya ng sasakyan at agad na tinakbo ang kinaroroonan ni Arlene. Nagulat naman ang dalaga nang makita siya at base sa naging reaksyon nito ay mukhang hindi nito nagustuhang makita siya ngayon.

“Babe…” sambit niya habang iniaabot ang bulaklak sa nobya. Nagdadalawang-isip man ay tinanggap pa rin nito iyon upang hindi mapahiya si Carlo.

“C-Carlo, ano ba’ng ginagawa mo rito? Papaano mo nalamang dito ako nagtatrabaho?” tanong ni Arlene sa kaniya. Damang-dama ni Carlo ang lamig sa tinig ng dalaga. Doon pa lamang ay nangangamba na siyang baka ito na ang maging mitsa ng hiwalayan nila. Dahil doon ay lalong tumibay ang pagpupursige niyang ituloy ang kaniyang plano ngayon mismo, habang may pagkakataon pa siya.

“Babe, gusto ko lang mag-sorry sa naging pagtatalo natin last time, hayaan mo sana akong bumawi,” sagot naman ni Carlo. Nang hindi sumagot si Arlene ay may dinukot siya mula sa bulsa ng kaniyang pantalon. Lumuhod siya sa harapan nito bago binuksan ang box ng singsing bago nagtanong kay Arlene…

“Babe, will you marry me?” tanong niya. Ang totoo ay napapangiti na siya sa likod ng kaniyang isip dahil sigurado siyang wala nang kawala si Arlene. Hindi nito magagawang tumanggi dahil nasa harapan sila ng maraming tao at siguradong ito ang lalabas na masama kung tatanggihan nito ang kaniyang proposal.

Ngunit tila hindi umaayon kay Carlo ang tadhana. Dahil maya-maya ay namalayan na lamang niya na lumagapak nang malakas ang palad ni Arlene sa kaniyang pisngi!

“Alam mo, sa ilang araw na hindi natin pag-uusap, iniisip ko kung masama ba ako dahil mas pinili kong talikuran ka muna hangga’t hindi mo naiisipang magbago. Pero hindi pala ako nagkamali. Dahil sa ginawa mo ngayon, pinatunayan mo lang sa akin na kahit kailan ay hindi ka na magbabago!” malakas na sabi nito sa kaniya. Hindi nakapagsalita agad si Carlo dahil doon. Sapo niya ang kaniyang namamanhid ngayong pisngi habang nakatitig sa mukha ni Arlene.

Akmang tatalikuran na siya ng dalaga nang habulin niya ito. “Babe, huwag mo namang gawin sa akin ’to, oh!” umiiyak nang aniya. “Mahal na mahal kita. Hindi ko kayang mawala ka sa akin, please!” pakiusap niya pa.

“Mahal? Hindi mo ako mahal, Carlo! Ang taong nagmamahal, hindi lang sarili niya ang iniisip. Walang kwenta ang pagmamahal na sinasabi mo kung wala kang tiwala sa akin. Napakatagal kong tiniis na palagi mo na lang akong pinagbibintangang nanlalalaki kahit na ni minsan ay hindi ko naman ginawa ’yon sa ’yo! Akala mo ba, hindi ko alam na kaya mo ginawa ang proposal na ito sa harap ng maraming tao ay para hindi ako makatanggi?” Natawa nang mapait si Arlene sa huling sinabi niya. “Wala na tayong pag-asa, Carlo. Tigilan mo na ako.”

Tuluyan nang naglakad palayo si Arlene at naiwan si Carlo sa kaawa-awang kalagayan. Ngunit dahil sa mga sinabi ng nobya niya ay napagtanto niya na wala siyang ibang dapat sisihin kundi ang kaniya lamang sarili. Siya ang gumawa nito sa sarili niya. Ngayon ay lalo nang nawala sa kaniya ang babaeng siyang pinakamamahal niya.

Advertisement