Inday TrendingInday Trending
Hindi Naging Maganda ang Trato ng Ina sa Kanilang Ampon Buhat nang Mawala ang Kaniyang Asawa; Ngayong Matanda na Siya’y Tila Babalik sa Kaniya ang Karma

Hindi Naging Maganda ang Trato ng Ina sa Kanilang Ampon Buhat nang Mawala ang Kaniyang Asawa; Ngayong Matanda na Siya’y Tila Babalik sa Kaniya ang Karma

“Nakabasag ka na naman?!” galit na anas ni Aling Miranda sa anak-anakang si Sherly nang madatnan niya itong inililigpit ang basong nabasag niya habang naghuhugas ito ng maruruming mga kasangkapan sa bahay pagkagaling niya sa palengke. Agad siyang napapalatak habang hinihilot ang kaniyang sentido dahil sa namumuo na namang galit niya para sa sampung taong gulang niyang ampon.

“Mama, sorry po. Hindi ko po talaga sinasadya. Bigla na lang po kasing tumalon sa kamay ko ’yong pusa—” Sinubukan pa nitong magpaliwanag ngunit nanatiling sarado ang isip ni Aling Miranda.

“Tumahimik ka! Ayoko nang makarinig ng kahit na anong paliwanag galing sa ’yo! Pabigat ka talaga. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip namin noon ng asawa ko at nagdesisyon kaming ampunin ka!” Animo matutulis na bagay ang mga salitang ’yon ni Aling Miranda na isa-isang tumutusok sa puso ni Sherly, ngunit wala namang nagawa ang bata kundi ang impit na lamang na lumuha.

“Dahil sa ginawa mo, hindi ka kakain ngayong gabi, naiintindihan mo?! Bahala kang magutom! Magdusa ka!” pahabol pa ng ginang bago ito tuluyang umalis ng kusina.

Umiiyak na hinabol naman ni Sherly ng tingin ang kaniyang Mama Miranda. Pilit niyang inaalala ang dati ay maganda naman nilang samahan ng ina upang kahit papaano ay mabawasan ang nadarama niyang sama ng loob dito.

Simula kasi nang pumanaw ang kaniyang Papa Bobby dahil sa aksidenteng pagkahulog nito sa hagdan ay nagbago na rin ang pakikitungo sa kaniya ng ina. Noon pa man ay alam naman na niyang siya ay isa lamang ampon ngunit kailan man ay hindi naman nila ipinadama iyon sa kaniya, hanggang sa mangyari na nga ang nakakagimbal na aksidenteng iyon. Pakiramdam ni Sherly ay sa kaniya isinisisi ng ina ang pagkawala ng kaniyang ama kaya naman pilit pa rin niyang tinitiis ang masamang trato nito sa kaniya. May mga araw na halos hindi na niya makilala ang sarili dahil sa hindi gumaling-galing na mga pasa niya sa kaniyang mukha. Malaki na rin kasi ang ipinayat ni Sherly dahil palagi siyang ginugutom ng ina.

Dumating ang panahon na muling nakapag-asawa si Aling Miranda ng isa ring byudo. May dalawa itong anak, at kumpara kay Sherly ay mas maayos ang trato niya sa mga ito. Hindi man niya inako ang mga ito bilang para na rin niyang mga tunay na anak, hindi naman niya ginagawa sa kanila ang mga ginagawa niya kay Sherly.

Kinakalakihan na ni Sherly ang ganoong trato sa kaniya ng kaniyang inang si Aling Miranda. Sa katunayan ay ni hindi nito pinagkaabalahang pag-aralin siya, kung hindi nga lamang dahil sa sarili niyang pagsusumikap. Nang tumuntong si Sherly sa kolehiyo ay nagdesisyon siyang manirahan muna sa isang dorm na malapit sa kaniyang pinapasukang unibersidad, ganoon din sa kaniyang pinagtatrabahuhang ice cream store.

Lingid sa kaalaman ni Sherly, nang mga panahong ’yon ay pinagmamalupitan na ng kaniyang mga kinalak’hang kapatid ang kaniyang Mama Miranda na ngayon ay matanda na rin. Mahina na rin kasi ito dahil tinamaan ito ng stroke noong sa ikalawang pagkakataon ay pumanaw na rin ang ikalawa nitong asawa dahil sa sakit sa bato. Ginugutom, minamaltr@to at inaapi ng mga step-children nito ang kaniyang ina at tumagal iyon hanggang sa grumaduate si Sherly ng kolehiyo. Bihira lang kasi siyang umuwi sa kanila kaya naman wala siyang kaide-ideya na ganoon pala ang nangyayari sa ina, lalo pa at hindi namanito kailan man nagsumbong sa kaniya.

Noong araw na ng kaniyang graduation ay napagpasiyahan ni Sherly na umuwi sa kanila upang sorpresahin ang kaniyang ina. Gusto niya kasing ibalita rito na marami nang kompanya ang nag-o-offer sa kaniya ngayon pa lang ng trabaho dahil sa ganda ng kaniyang records.

Nasa pintuan pa lamang siya ng kanilang bahay ay dinig na niya ang palahaw ng kaniyang Mama Miranda. Umiiyak ito nang malakas habang namataan niya ang kapatid na tinatadyakan ito! Ganoon na lang ang galit ni Sherly lalo na at nakikitira lamang naman ito sa sarili nilang bahay kaya agad niyang pinalayas ang mga ito at tinakot na kaniya silang ipakukulong!

Awang-awa si Sherly sa ina, habang si Aling Miranda naman ay iniisip na iyon ang kaniyang karma. Inalagaan siya ni Sherly, minahal at inaruga. Hindi niya inaasahan na ang igaganti pala ng batang pinagmalupitan niya noon ay pawang pagmamahal na walang iniimbot na sama ng loob. Ngayon ay mas kinakain siya ng kaniyang konsensya.

Isang araw, habang sinusubuan siya ni Sherly ng kaniyang pananghalian ay tinitigan niya ang dalaga. Noon lamang niya napansing lumaki pala itong napakaganda. Hindi napigilan ni Aling Miranda ang sarili na yakapin si Sherly. Nagulat man ay tumugon naman ang huli.

“Patawad, anak ko… patawad,” sambit ni Aling Miranda sa pagitan ng kaniyang mga hikbi, kalakip ng pangakong gagamitin niya ang natitira niyang mga sandali upang maipadama kay Sherly ang pagmamahal ng isang tunay na ina na noon ay hindi niya nagawa para dito.

Advertisement