Matagal nang Kinatatakutan ng Maraming Kababaihan ang Binatang Ito Dahil sa Kakaiba Niyang Hilig; Isang Bagong Salta sa Baryo ang Magtuturo sa Kaniya ng Leksyon

Itinaas ni Jepoy ang hawak na tagayan upang makipag-cheers sa kaniyang mga kainuman. Isine-celebrate nila ngayon ang kaniyang paglaya sa piitan, matapos ang tatlong taon niyang pagkakapiit dahil sa kasong pamb*b0so.

“Siguro naman, madadala ka na sa kakapanilip, pare? Aba’y ang hirap din bunuin ng tatlong taon sa likod ng rehas, ha?” tatawa-tawang tanong ng isa sa kaniyang mga kainumang si Benji.

“Naku, pare, wala nang pag-asang magbago ’yang si Jepoy. Lalo pa ngayon at napakaganda noong bagong salta rito sa baryo natin,” singit naman ni Victor na isa pa nilang kainuman.

Tila nanlalaki naman ang mga tainga ni Jepoy nang marinig na may magandang dalagang bagong salta rito sa kanilang baryo. Hindi pa man nakikita nang personal, ang nasabing dalaga ay kung anu-anong makamundong bagay na agad ang tumatakbo sa kaniyang isip, lalo na nang ilarawan ni Vic ang hitsura nito. Anang kaibigan ay napakaganda raw ng dalaga. Maputi at makinis ang balat at mahaba ang itim na itim nitong buhok. Iyon nga lamang ay may pagkakonserbatibo raw ang dalaga dahil palagi na lamang mahahaba at makaluma ang suot na damit.

“Ayos lang kung konserbatibo. Ibig sabihin n’on, b*rhen pa!” malaki ang mga ngising katuwiran pa ni Jepoy sa mga kasama. “Ano nga pala ang pangalan niya?”

“Siya si Emilia. Sa pagkakaalam ko’y doon siya nakatira sa nag-iisang bahay doon sa likod ng sementeryo. Kamag-anak yata siya n’ong dating may-ari,” sagot naman ni Victor na agad namang ikinangiwi ni Benji.

“Ngi! Hindi ba’t bali-balita’y aswang daw ang dating may-ari n’on na bigla na lang daw nawala matapos bendisyunan ng kura-paroko ang bahay niya?” sabi pa ng tila nahihintakutang si Benji.

“Sus, nagpapapaniwala ka naman doon? Ulyanin na ang matandang ’yon kaya baka naligaw kaya hindi na nakauwi. Huwag kang duwag diyan, pare,” iiling-iling namang sabi pa ni Victor bago sila nagtawanan ni Jepoy at nagpatuloy na sa pag-iinuman.

Advertisement

Matapos ang inumang iyon, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Jepoy at agad nang isinagawa ang kaniyang plano. Pumunta siya sa sinasabing tinutuluyan ng bagong saltang si Emilia. Alam ni Jepoy na nag-iisa lamang ang dalaga sa bahay na iyon kaya naman lalo siyang nasabik sa naiisip niyang gawin. Marahas niyang binuksan ang pintuan ng bahay nito, ngunit laking pagtataka niya na mukhang hindi naman nito ikinagulat ang kaniyang pagdating, bagkus ay nakangiti pa ito at animo inaantay siya.

Halos magtayuan ang lahat ng balahibo ni Jepoy nang magsimulang alisin ni Emilia sa kaniya mismong harapan ang bawat saplot na suot nito sa katawan. Napapalunok siya nang matindi dahil sa sobrang kasabikang matikman ang dalaga.

“Ito ba ang gusto mo, Jepoy?” tanong pa ni Emilia sa kaniya habang nakaukit sa labi nito ang isang kakaibang ngisi. Sunod-sunod naman ang naging pagtango ni Jepoy.

Maya-maya ay bigla na lang siyang sinunggaban ni Emilia. Natuwa naman si Jepoy lalo na nang matumba silang dalawa at eksaktong bumagsak sa papag. Nasa ibabaw niya ngayon ang walang saplot na dalaga nang ilang sandali pa ay naramdaman niyang kinakagat nito ang kaniyang leeg.

Noong una ay ikinatutuwa pa iyon ni Jepoy—hanggang sa mapagtanto niyang unti-unting bumabaon sa leeg niya ang mga ngipin ni Emilia. Hindi normal na ngipin ang kaniyang nararamdaman dahil mahahaba iyon at talagang matutulis!

Biglang naitulak ni Jepoy si Emilia, at sa pagkakataong iyon ay nanlaki ang mga mata niya nang masilayan ang tunay na hitsura nito!

Pangit at kulubot ang mukha nitong animo naaagnas. Mabaho rin ang amoy ni Emilia at sabu-sabukot ang buhok na animo ilang buwan nang hindi nasusuklay… malayong-malayo sa hitsura nito kanina!

“A-aswang!” impit na sambit ni Jepoy na halos hindi na labasan ng boses sa lalamunan. Tumalon siya mula sa bintana ng bahay ni Emilia upang makatakas at siya ay nagsisigaw upang humingi ng tulong!

Advertisement

Halos gumapang na si Jepoy sa lupa nang mamataan siya ng mga tanod na nagroronda noon sa kanilang baryo. Agad niyang sinabi ang naging engkwentro niya sa aswang, ngunit wala ni isang naniwala sa kaniya, lalo pa at nasa impluwensya siya ng alak.

“Maniwala kayo, mga pare, aswang talaga si Emilia!” Nang mahulasan ay agad na ibinalita ni Jepoy kina Benji at Victor ang tungkol sa dalagang bagong salta, ngunit kataka-takang nangunot lamang ang noo nila.

“Sino bang Emilia ang sinasabi mo, pare? Wala namang ibang Emilia rito kundi ’yong matandang nakatira sa likod ng sementeryo noon!” sagot naman ni Victor na tila ba walang naaalala sa mga nangyari. Walang ibang nakakaalala na si Emilia ay isang magandang babae kundi siya. Ang natatandaan lang nila ay ang matandang babaeng nakatira noon sa likod ng sementeryo na bigla na lamang nawala.

Simula noon, natakot nang lumabas sa kaniyang bahay si Jepoy. Iyon na rin ang katapusan ng kaniyang hilig sa pamb*b*so sa takot na baka muli na namang makaharap ang aswang na si Emilia.