Inday TrendingInday Trending
Kinaiinisan ng Ama ang Isang Sikat na Beki na Mahilig Magpatawa sa mga Bidyo Nito; Pahiya Siya Nang Malamang Malaki Pala ang Ambag Nito sa Buhay Nila

Kinaiinisan ng Ama ang Isang Sikat na Beki na Mahilig Magpatawa sa mga Bidyo Nito; Pahiya Siya Nang Malamang Malaki Pala ang Ambag Nito sa Buhay Nila

Nakakunot na naman ang noo ni Mang Jojo habang siya ay nagpe-Facebook. Paano ay dumaan na naman sa kaniyang newsfeed ang video ng isang komedyanteng beki na mahilig magpatawa sa kaniyang mga bidyo na inia-upload sa social media.

“Pambihira naman, o! Pahinga ko na nga lang itong pagpe-Facebook ko, ito pa ang bubungad sa akin!” anas niya sa kaniyang sarili habang marahas na napapakamot sa kaniyang ulo. Iiling-iling pa siya habang muling nagiis-scroll upang lampasan ang video na iyon ng nasabing beki.

Matagal na niyang kinaiinisan ang nasabing komedyante. Hindi niya kasi gusto ang katotohanang isa itong lalaki na palaging nagbibihis babae. Ang tingin niya rito ay hindi magandang impluwensya sa mga kabataan kaya naman talagang ayaw niyang nakikita ang mukha nito. Madalas pa nga ay nag-iiwan siya ng masasamang komento sa mga videos nito para lang maibsan ang nadarama niyang inis sa naturang beki na kilala sa tawag na “Mama Vicky.” Sa totoo lang ay maraming nagagalit kay Mang Jojo sa tuwing gagawin niya iyon ngunit wala siyang pakialam.

Nang araw na iyon ay laking gulat niya nang umuwi ang dalawa niyang anak na kasalukuyang nanunuluyan sa dorm na malapit sa kanilang pinapasukang unibersidad. Ang kaniyang panganay ay nasa ikatlong taon na sa kolehiyo samantalang ang bunso ay nasa ikalawang taon naman. Sila sina Danica at Danilo na pawang matatalinong bata.

Kung tutuusin ay hindi kayang tustusan ni Mang Jojo ang pag-aaral ng dalawang anak, ngunit dahil sa angkin nilang talino ay napili silang maging scholar ng isang hindi pa niya nakikilalang indibidwal. Buwan-buwan ay pinadadalhan ng allowance ng nasabing indibiduwal ang kaniyang mga anak, bukod pa sa tuition fee na sinasagot nito para sa pag-aaral nila. Palagi itong ibinibida sa kaniya ng kaniyang mga anak dahil ayon sa kanila ay isa ito sa pinakamabubuting taong kanilang nakilala, kaya naman hindi pa man nakikita nang personal ni Mang Jojo ang nasabing indibiduwal ay malaki na ang pasasalamat niya rito.

“O, mga anak! Akala ko’y hindi kayo makakauwi ngayong linggong ito?” takang tanong niya sa mga anak sa kabila ng kaniyang mga ngiti. Nabanggit kasi nila sa kaniya na hindi sila pinapayahang umalis ngayon dahil kailangan nilang mag-review para sa darating na exams.

“Nagpaalam po kami, itay. Sinabi naming birthday mo kaya po kami uuwi at pinayagan po kaming umalis ni Ate Danica,” kwento naman ni Danilo sa kaniya.

“Oo nga po, itay. Ang totoo nga po n’yan ay pinabaunan pa kami ni Sir Vicente ng perang panghanda sa birthday n’yo,” singit naman sa kaniya ni Danica.

“Aba, naku! Sabihin mo sa Sir Vicente n’yo na maraming salamat sa lahat. Naku, lalo ko tuloy gustong makilala nang personal ’yang mabait na taong tumutulong sa mga katulad nating kapus-palad,” sabi naman ni Mang Jojo na puno ng kasabikan ang ekspresyon.

“Pwede n’yo naman po siyang makilala, itay, kahit hindi n’yo siya makausap nang personal. Ang totoo po n’yan ay kilala po siya sa social media dahil mahilig siyang gumawa ng mga nakakatawang videos para magpasaya ng tao,” masayang pagbibida namang muli ni Danica sa ama.

“Ganoon ba? Aba’y ise-search ko siya, anak! Ano ang pangalan niya sa Facebook?”

“Kilala po siya sa tawag na Mama Vicky, itay. Siya po ’yong beki na mahilig magpatawa,” sagot namang muli ng anak na siyang talagang nagpagulat kay Mang Jojo!

Upang makumpirma ay ipinakita pa ni Mang Jojo sa anak ang litrato ng sinasabi nitong Mama Vicky at agad naman iyong tinanguan ni Danica.

Doon ay tila nanlumo si Mang Jojo. Matagal na niyang kinaiinisan ang taong iyon, nang hindi nalalamang malaki pala ang ambag nito sa buhay nilang mag-aama! Hinusgahan niya ito dahil sa paraan ng pananamit nito, nang hindi man lang inaalam kung anong klaseng tao ba ito. Nilait niya at pinagsalitaan ng masasama ang taong siyang nagbibigay pag-asa sa kaniyang mga anak upang makamit nila ang kanilang mga pangarap!

Biglang nahiya si Mang Danilo sa kaniyang sarili. Nakaramdam siya ng pagsisisi. Hindi niya akalain na ang taong ito na ayaw niyang tanggapin sa lipunan ang siyang nagbibigay ng suporta sa kaniyang mga anak na siya mismo ay hindi niya kayang tustusan!

Isang leksyon ang natutunan ni Mang Jojo sa nangyaring iyon. Kailan man ay hindi pala dapat manghusga ng mga tao base lamang sa paraan nila ng pananamit, sa kanilang hitsura at kasarian, dahil ang tunay na kabutihan ay nasa puso naman. Simula noon ay ipinangako ni Mang Jojo sa kaniyang sarili na babaguhin niya ang pananaw sa mga taong katulad ni Mama Vicky upang kahit papaano ay makabawi siya sa mga kasalanang nagawa niya rito, kahit pa hindi nito iyon alam.

Advertisement