
Kinupkop ng Matandang Pulubi ang Isang Batang Naliligaw; Paano kung Matunton na Ito ng Tunay na Pamilya Gayong Napamahal na Ito sa Kaniya?
Sa tapat ng isang simbahan ay nakaupo ang isang may edad nang lalaki na kilala sa tawag na Mang Gimo, habang hawak ang kaniyang gitara. Kumakanta siya upang makalikom ng kahit kakarampot na barya mula sa mga taong magdaraan sa kaniyang harapan upang kahit papaano ay mayroon siyang makain sa araw na iyon.
Sa kalagitnaan ng panganganta ni Mang Gimo, hindi inaasahang isang bata ang bigla na lamang tumabi sa kaniya upang kumupit sa perang naroon sa kaniyang lata. Nang makita iyon ni Mang Gimo ay galit niyang pinalo ang kamay ng batang iyon.
“Hoy, bata ka! Ako pa ang naisipan mong kupitan?!” hiyaw niya pa rito na agad naman nitong ikinagulat.
Maya-maya pa ay biglang humikbi ang bata at pumalahaw na nang iyak sa kaniyang harapan. “Sorry na po! Gutom na gutom na po kasi ako, e!” sabi pa nito sa pagitan ng kaniyang mga hikbi.
“Aba’y bakit hindi ka humingi ng pagkain sa mga magulang mo? Bakit ako ang peperwisyuhin mo, e, hindi naman kita kaanu-ano?” muli ay nakasimangot pang tanong ni Mang Gimo.
“E, wala naman po kasi akong magulang. Lumayas na po kasi ako sa amin. Ilang araw na nga po akong palaboy-laboy lang dito, e,” katuwiran pa ng bata habang patuloy na pinapahid ang kaniyang mga luha.
Biglang nakaramdam ng awa si Mang Gimo sa batang babae. Sa loob ng ilang dekada ay ngayon na lamang muli niya iyon naramdaman para sa ibang tao, bukod sa kaniyang sarili.
“Ano ba’ng pangalan mo, bata?” muli ay tanong ni Mang Gimo rito.
“Jessa po.”
“Ako naman si Mang Gimo. Halika’t sumama ka sa akin. Ibibili kita ng makakain.”
Hindi alam ni Mang Gimo kung bakit niya naisipang sabihin o gawin ang bagay na iyon para sa batang si Jessa. Matagal na siyang walang pakialam sa ibang tao dahil ilang taon nang sarili lamang niya ang iniisip niya. Katunayan ay kilalang maramot si Mang Gimo, ngunit ganoon naman kasi talaga ang kalakaran kapag pulubi ka. Kapag nakatira ka sa lansangan, kailangan mong maging praktikal, dahil gutom ang aabutin mo kung puro awa ang iyong paiiralin.
“Thank you po, Tatay Gimo! Ang sarap po ng lugaw!” tuwang-tuwang komento ng batang si Jessa matapos nilang kumain sa isang karinderya. Maliit lamang ang kinita niya ngayong araw kaya naman lugaw lamang ang naipakain niya sa bata.
“Hayaan mo’t bukas, aagahan ko ang pagkanta para makakain tayo ng mas masarap. Doon ka na muna tumuloy sa akin. Baka mapahamak ka pa pag nagpagala-gala ka pa rin,” sabi pa ni Mang Gimo sa bata. Ang totoo ay nagustuhan niya kasi ang pagtawag sa kaniya nito ng tatay. Noon ay minsan niya rin kasing pinangarap na matawag nang ganito, ngunit dahil sa hirap ng buhay ay hindi na niya sinubukan pa.
Simula nang araw na iyon ay palagi nang magkasama sina Mang Gimo at Jessa. Inaruga ng matandang pulubi ang bata, kahit pa nga sa ilalim lamang sila ng tulay nanunuluyan. Ipinadama nila sa isa’t isa ang kalinga ng isang pamilya—ngunit lahat nang iyon ay mawawakasan na nang biglang dumating ang mga nagpakilalang kaanak ni Jessa upang kunin siya.
“Tatay Gimo, please, huwag po ninyo akong ibigay sa kanila. Sinasaktan po nila ako kaya po ako lumayas. Ayoko po sa kanila, hindi po nila ako mahal ’di tulad n’yo,” umiiyak na pakikiusap noon ni Jessa kay Mang Gimo sa harap ng maraming tao sa tapat ng simbahan, ngunit walang maisagot ang matanda. Wala siyang laban sa tunay na pamilya ni Jessa. Kahit pa ayaw niyang ibigay sa mga ito ang bata, sila pa rin ang may karapatan sa kaniya, lalo pa at wala namang magandang kinabukasan si Jessa sa kaniyang puder.
Lingid sa kaalaman ni Mang Gimo ay isang netizen ang naawa sa kanilang sitwasyon at kinuhanan nito ng video ang mga pangyayari. Matapos nitong i-post sa social media ang mga nangyari sa kanila ay agad iyong humakot ng simpatiya!
Napakaraming tao ang ngayon ay nag-alok ng tulong upang mabawi ni Mang Gimo ang bata, kabilang na ang isang mayamang negosyante na noon ay inaruga rin pala ng isang pulubi. Pinaimbestigahan nito ang pagtrato ng sinasabing mga kaanak ni Jessa at doon ay napatunayan nilang minam@ltrato nga ng mga ito ang bata at itinuturing na katulong!
Gamit ang kapangyarihan ng taumbayan ay pinakinggan ng korte na dingging muli kung kanino mapupunta ang kostudiya ng batang si Jessa, at ngayong mayroon nang magandang bahay at negosyong pangkabuhayan si Mang Gimo galing sa tulong ng mga netizens ay nanalo rin siya sa kaso!
Tuwang-tuwa sina Mang Gimo at Jessa. Hindi man sila magkadugo, hindi pa rin maitatangging sila ay mag-ama sa puso at iyon ang panghahawakan nila habambuhay.

Naging Magnobyo ang Dalawang Artista Dahil Lamang sa Kantiyaw ng Kanilang mga Fans; Magiging Maayos kaya ang Kanilang Relasyon kung Walang Pagmamahal sa Pagitan Nila?
