
Naging Magnobyo ang Dalawang Artista Dahil Lamang sa Kantiyaw ng Kanilang mga Fans; Magiging Maayos kaya ang Kanilang Relasyon kung Walang Pagmamahal sa Pagitan Nila?
Isang malakas na hiyawan ang agad na sumalubong kina Doreen at Billy paglabas pa lamang nila mula sa likod ng entablado. Ngayon kasi ang kanilang unang mall tour bilang bagong love team na agad namang minahal ng mga tao dahil sa kanilang natural na chemistry sa isa’t isa.
Ang dalawa ay pawang magagaling na artista, kaya naman mabilis nilang nakuha ng kiliti ng mga tao sa unang pagtatambal pa lamang nila sa isang teleserye. Dahil doon ay agad na nasundan ang kanilang mga proyekto. Nagkaroon agad sila ng napakaraming sponsorships at mga commercials, pati na rin mga offers na gumawa na sila ng pelikula. Dahil doon ay lalong pumatok ang kanilang love team na siya namang ikinatuwa nila.
“Hindi ko akalaing sisikat ako nang ganito, Doreen. Parang noon lang, hindi ako masiyadong pinapansin sa industriya natin,” isang araw ay ani Billy sa ka-love team niyang si Doreen habang nagpapahinga sila sa kanilang tent.
“Sinabi mo pa. Alam mo ba, malapit ko na ngang isuko itong pag-a-artista noon, e!” sagot naman ng dalaga. “Pangako ko nga sa sarili ko, iiwan ko na ang industriyang ito kapag ngayong taon ay nananatili pa ring gan’on ang estado ko. Pang-supporting actress lang at hindi pang-leading lady.”
Dahil sa napagkuwentuhan ay napaisip ang dalawa. “Ano pa kaya ang pwede nating gawin para hindi mawala sa atin ang kasikatang tinatamasa natin ngayon?” tanong pa ni Doreen kay Billy na noon ay nahulog na sa isang malalim na pag-iisip.
“Edi, sundin ang lahat ng gusto ng fans. Kailangan kasi natin silang i-please para manatili tayo sa posisyon natin. Alam mo ba, marami nang kumakantiyaw sa akin na ligawan na raw kita para maging official na ang pagiging loveteam natin,” sagot naman ni Billy.
Pinag-isipan nilang mabuti ang napag-usapan nilang iyon bago sila lumapit sa kanilang management upang ipaalam ang kanilang ideya.
“Magpapanggap kayong mag-on? Ibig sabihin, lolokohin n’yo ang fans n’yo?” tanong ng kanilang manager na kahit pa nga ganoon talaga ang kalakaran sa industriya ng showbiz, kahit kailan ay hindi iyon inirekomenda sa kanila.
“Hindi naman po kami magpapanggap dahil kami naman na talaga ni Billy,” pag-iimporma pa ni Doreen sa kanilang manager.
“Kayo na? Bakit? Mahal n’yo na ba ang isa’t isa?”
Sa susunod na tanong na iyon ay hindi na sumagot ang dalawa, ngunit sabay silang tumugon sa pamamagitan ng pagtango. Tanging buntong-hininga na lang ang nagawa ng kanilang manager dahil mukhang desidido naman na talaga ang dalawa sa kanilang desisyon.
Ipinagpatuloy nila ang pagkakaroon ng relasyon, kahit pa nga ang totoo ay pareho naman silang walang nararamdaman sa isa’t isa. Ganoon pa man ay nangako sila na hindi sila pwedeng magkaroon ng ibang karelasyon habang ang alam ng kanilang mga fans ay sila pa.
Nakamit ng dalawa ang kasikatang inaasam-asam nila. Noong una ay napakasaya pa nila, ngunit unti-unti, hindi inaasahang tila ba nakukulong na sila sa kasikatang iyon at hindi na nila alam kung paano kumawala. Bawat kilos nila ay napupuna ng mga tao. Palaging mayroong mga nakabantay sa kanila. Unti-unti ay nasakal ang dalawa kaya’t naghanap sila ng paraan upang parehong libangin ang kanilang mga sarili, nang magkahiwalay ang landas.
Nagsimulang mag-entertain ng mga manliligaw si Doreen habang kabi-kabilang babae naman ang noon ay nagiging karelasyon din ni Billy. Dumating na sila sa punto na pareho na nilang niloloko ang isa’t isa. Kapag nasa harap sila ng camera ay tila ba punong-puno sila ng pag-ibig, ngunit sa likod nito’y pareho na silang kinakain ng kanilang mga sariling damdamin.
Nahulog na si Doreen sa isa sa kaniyang mga manliligaw habang si Billy naman ay nakabuntis ng iba. Hindi nagtagal ay nalaman ng mga tao ang kanilang sikreto kaya naman agad na pumutok ang isang malaking balita tungkol sa kanilang ginawang panloloko!
Ang dati nilang mga tagahanga, ngayon ay halos sabay-sabay na silang tinalikuran. Maging ang isa’t isa ay hindi na nila matingnan nang diretso sa mata na animo ba wala silang pinagsamahan. Hindi nila akalain na ang sobrang paghahangad pala nila noon sa kasikatan ang siya ring hihila sa kanila paibaba. Ito rin pala ang magiging dahilan ng kanilang pagbagsak. Napagtanto nila na ang isang relasyong walang namamagitang pag-ibig, ay walang patutunguhan kailan man.
Napuno ng pagsisisi sina Doreen at Billy, ngunit ganoon pa man, pipilitin pa rin nilang bumangon at magsimula ulit sa umpisa. At sa pagkakataong ito ay hindi na nila uulitin pa ang pagkakamaling kanilang ginawa.