Inday TrendingInday Trending
Hindi Maganda ang Hinala ng Ginang sa Pinagkakaabalahan ng Kaniyang Anak; Naluha Siya nang Matuklasan Iyon

Hindi Maganda ang Hinala ng Ginang sa Pinagkakaabalahan ng Kaniyang Anak; Naluha Siya nang Matuklasan Iyon

“Anak. Bumaba ka na riyan! Handa na ang hapunan!” pagtawag ni Lena sa kaniyang labing-limang taong gulang na anak na si Gerard. Ito ang panganay niya.

Ilang minuto niyang hinintay na bumaba ito ngunit hindi ito dumating. Aakyatin niya na sana ito nang magsalita ang bunso niyang si Angela na kasalukuyang gumagawa ng assignment.

“‘Ma, wala po si Kuya. Nakita ko siyang lumabas kaninang hapon,” anito.

Agad na kumunot noo niya. Hindi naman ito nagpaalam?

“Saan daw siya pupunta? Aba’y dumidilim na!”

Nagkibit balikat ito.

“Hindi ko po alam. Baka po gumagawa lang ng assignment kasama mga kaibigan niya. Pauwi na po siguro ‘yun.”

Nang hindi siya sumagot ay muli itong nagsalita.

“Gusto niyo pong puntahan natin? Alam ko po ang bahay ng kaibigan niya,” suhestiyon nito.

Umiling siya. “Hindi na, anak. Kumain ka na lang dahil kailangan mo pang inumin ang gamot mo,” paalala niya sa bunsong anak.

Maya-maya rin ay bumukas ang pinto at iniluwa ang anak na kanina niya pa hinahanap.

“Saan ka galing, Gerard? Halika rito at sabayan mo nang kumain ang kapatid mo,” bungad niya sa panganay.

Ngumiti ito. “Sige po, sandali lang. Ilalagay ko lang itong gamit ko sa taas,” sagot nito bago mabilis na umakyat sa silid nito.

“San ka galing, ‘nak?” usisa niya nang maupo ito sa tapat niya.

Tumingin ito sa kaniya sandali bago nito iniwas ang mata.

“Diyan lang po, sa kaibigan ko. Gumagawa kami ng school project.”

Hindi niya kasi maiwasang mangamba. Napansin niya kasi na padalas na nang padalas ang pag-uwi nito nang alanganing oras.

Alam niyang mabait na bata ang kaniyang panganay, ngunit bilang ina ay nangangamba rin siyang baka may kung anong masama na itong ginagawa habang wala siyang kamalay-malay.

Kamamat*y lamang ng ama nito, at natatakot siya na magkulang siya sa paggabay sa anak.

Kaya naman nang hindi niya na mapigilan ang kuryosidad ay kinausap niya ang bunso.

“Angela, hindi ba’t ang sabi mo alam mo ang bahay ng kaibigan ng kuya mo? Ituro mo sa akin.”

Nang makarating sila sa bahay ay isang babaeng kaedad niya ang sumalubong sa kanila. Ito marahil ang ina ng kaibigan ni Gerard.

“Sino po sila?” nakangiting tanong nito.

“Magandang gabi po! Ako ho si Lena, nanay ni Gerard, na kaklase ng anak niyo. Nandiyan ho ba sila? Pwede ko po bang makausap?” magalang na usisa niya sa ginang.

Tinawag nito ang anak at nang sumungaw sa pinto ang kaklase ni Gerard ay nanlumo siya sa sinabi nito.

“Si Gerard po? Naku, hindi po namin siya nakakasama dahil maaga po siyang umuuwi at parating nagmamadali. Hindi pa po ba siya umuuwi?” gulat na tanong nito.

“P-pero ang sabi niya ay gumagawa kayo ng group project.”

Kumunot ang noo nito. “Matagal na po naming tapos iyon, eh.”

Habang pauwi sila ay maraming katanungan ang naglalaro sa isipan niya. Nang umuwi siya ay pumasok siya sa kwarto ng anak upang maghanap ng posibleng sagot.

Noon niya nakita ang mga perang papel na nasa alkansiya sa ilalim na kama nito.

Saan nakakuha ng ganoong pera ang anak? Masyadong malaki ang pera para isipin niya na galing iyon sa baon na binibigay niya!

Samu’t-saring haka-haka ang sumagi sa kaniyang isipan. Karamihan ay hindi maganda.

Hinintay niya itong umuwi ngunit madilim na ay wala pa rin ito. Mas lalo siyang nabahala nang sumapit ang alas onse at walang Gerard na dumating.

Agad siyang pumunta sa pinakamalapit na presinto para humingi ng tulong na hanapin ang anak.

“Naku, misis, sigurado ho ba kayo na nawawala? Baka naman ho napasama lang sa barkada. Kasi tinatanggap lang po namin ang report na nawawala kapag lumampas na ang 24 oras at hindi pa rin umuuwi,” paliwanag ng naabutan niyang pulis.

“Sige na po, tulungan niyo ‘ko! Hindi talaga maganda ang kutob ko! Sa tingin ko ay may ginagawa siyang hindi maganda,” pakiusap niya bago ikinwento sa mga ito ang mga natuklasan niya.

Sa wakas ay isang pulis ang nakumbinsi niya at pumayag na tumulong sa paghahanap kay Gerard.

“O sige ho, subukan ho naming lumibot ngayon at baka sakaling makita namin,” anito, bitbit ang larawan ng anak niya.

Habang naghihintay sa pagbalik ng mga ito ay hindi siya mapakali. Napaluha si Lena. Hindi niya mapapatawad ang sarili niya kapag may nangyari rito na hindi maganda!

Halos kalahating oras ang lumipas bago bumalik ang mga pulis. Halos mapatalon siya sa saya nang makita sa likod ng mga ito ang yukong-yuko na si Gerald.

Nakita niya ang pasimpleng pagpupunas nito ng luha. “Sorry po, kung nag-alala kayo, Mama,” anito bago yumakap sa kaniya.

“Mali kayo ng akala, misis. Walang ginagawang masama ang inyong anak. Nakita namin siya na nagtatrabaho bilang taga-linis ng sasakyan,” paglalahad ng pulis.

Gulat niyang nilingon ang anak para tanungin ito. Hindi siya makapaniwala sa narinig dito.

“Para po sa birthday mo, ‘Ma. Noong nabubuhay pa si Papa, lagi tayong pumupunta sa dagat para magdiwang. Ito ang unang birthday mo na wala siya, pero hindi tayo makakapunta roon dahil nagkasakit si Angela. Naisip kong mag-ipon para roon kaya ako nagtrabaho.”

Napahikbi siya nang muli itong magsalita.

“Simula po kasi noong nawala si Papa, hindi ko na po nakita na ngumiti ka. Gusto ko lang po na maging masaya ka gaya ng dati.”

Nang yakapin siya ng anak ay tuluyan na siyang napahagulhol. Hindi niya lubos akalain na para sa kaniya pala ang lahat ng ginagawa nito.

“Salamat, anak. Ang swerte-swerte ko naman sa’yo,” madamdaming tugon niya sa anak.

“Wala po ‘yun kumpara sa paghihirap mo para sa amin ni Angela, ‘Ma.”

Napaluha na lamang si Lena sa sobrang galak. Maaga mang nawala ang asawa niya, iniwanan naman siya nito ng dalawang anghel na patuloy niyang pagkukunan ng lakas ng loob at pag-asa na lumaban sa mga darating pang pagsubok sa kanilang buhay.

Advertisement