Inday TrendingInday Trending
Kinaiinisan Niya ang Kasamahan na Hindi Masipag sa Trabaho; Bakit Ito pa ang Kinatuwaan ng mga Katrabaho Nila?

Kinaiinisan Niya ang Kasamahan na Hindi Masipag sa Trabaho; Bakit Ito pa ang Kinatuwaan ng mga Katrabaho Nila?

Buong gabi ay sa nasa opisina si Lorena. Ilang araw na lang kasi at darating na ang pinakamahalagang araw para sa kanilang mga intern.

Ang araw kung saan magkakaroon sila ng isang huling presentasyon. Kung sinong mapipili ay ang siyang mananatili sa kompanya at magkakaroon na ng permanenteng trabaho.

Hayagan siyang umismid nang dumating si Starr. Gaya ng normal na araw ay malawak ang ngiti nito habang nakasuot ng maikling palda, na kinaiinisan niya.

May hawak pa itong kape na tila binili nito sa coffee shop sa ibaba.

“Si Starr talaga ang pinaka-chill na intern dito. Halos lahat ng intern dito, mukhang problemado, pero si Starr, laging fresh!” narinig niyang komento ni Miss Lia, isa sa mga permanenteng empleyado roon.

“Syempre naman po, Miss Lia! Kapag kasi maganda tayo, maganda rin ang resulta ng trabaho natin,” pabirong sagot ni Starr, na umani ng malakas na tawanan.

Kitang-kita ang giliw ng mga tao rito, bagay na hindi niya maintindihan.

Pagpatak kasi ng alas singko ay agad-agad na itong umuuwi, hindi kagaya nila na mag-oovertime pa ng ilang oras.

Sa umaga naman ay saktong alas otso ito dumarating, hindi kagaya nila na alas sais pa lang ay nagsisimula na.

Nagkibit balikat na lamang siya. “Tingnan na lang natin sa araw ng presentasyon. Tingnan natin kung may ibubuga ang magaling na si Starr,” sa isip isip niya.

Isang araw bago araw ng presentasyon ay nagkukumahog ang mga intern sa opisina. Kabado ang lahat, lahat ay nagnanais na maging perpekto ang kani-kanilang mga presentasyon.

Pagpatak ng alas singko ay isa-isang nagtayuan ang mga empleyado para umuwi na. Inaasahan na ang lahat ng intern ay mananatili sa opisina upang maghanda kaya naman nagulat si Lorena nang makita ang pagtayo ni Starr, bitbit ang bag nito.

“Starr, uuwi ka na rin? Handa ka na ba sa presentasyon para bukas?” gulat na usisa ni Clarke.

Ngumiti ito bago umiling. “Hindi pa, may mga dapat pa akong gawin.”

“Eh bakit uuwi ka na?” takang tanong ulit na lalaki.

“Kasi tapos na ang office hours! Saka may pupuntahan pa akong party. Umuwi na rin kayo at magpahinga!” payo ng babae.

Laglag ang pangang nagkatinginan ang mga naiwang intern bago napailing.

“Grabe, wala pa akong nakilala na kagaya ni Starr. Parang ang chill niya sa buhay, nakakatuwa,” narinig niyang komento ni Shenna.

Hindi na napigilan ni Lorena ang sumabat.

“Anong nakakatuwa roon? Pustahan tayo, bukas, walang ibubuga ‘yan si Starr,” naiinis na bulalas niya.

Gulat na napatingi sa kaniya ang mga kasama.

“‘Wag namang ganoon. S’yempre mas maganda pa rin kung lahat tayo makakakuha ng mataas na marka,” ani Shenna.

Napairap na lang siya. Hindi na siya makapaghintay na makita ang pagbagsak ng napaka-”chill” na si Starr.

Tahimik silang nagtuloy ng mga gawain nang muli niyang marinig si Clarke.

“Tingnan niyo si Starr, mukhang lasing na. Nag-post sa social media!” natatawang bulalas nito.

“Sana matapos niya lahat ng kailangan niyang tapusin,” sabi naman ni Shenna.

Napangisi na lang si Lorena. Dapat lang na pagbayaran ni Starr ang pagiging iresponsable nito!

Nang sumapit ang umaga ay handang-handa ang ang lahat sa kani-kanilang presentasyon. Ikinatuwa ng mga empleyado ang mga magagandang ideya ng mga intern na pawang makakatulong para sa pag-unlad ng kompanya.

Nang si Starr na ang nasa unahan ay hindi mapigilan ni Lorena ang mapangisi. Halos nasisiguro na kasi niya na hindi ito handa.

Ngunit nagulat siya nang magsimula ito. Bawat parte ng presentasyon nito ay talagang interesante at pinaghandaan.

Maging ang paraan ng pagsasalita nito ay kakikitaan ng malaking kumpiyansa.

Marami ang bumilib kay Starr, at nang matapos ito ay sinalubong ito ng malakas na palakpakan.

Nang matapos ang lahat ay tumungo ang boss nila sa unahan. May malaking ngiti ang sa labi nito.

“Natutuwa ako dahil nakikita ko na marami kayong natutunan sa loob ng ilang buwan niyong pananatili rito. Kaya naman hindi man kayo mapili, buong pagmamalaki ko kayong irerekomenda sa ibang kompanya,” pagsisimula nito.

“Pero may isa talaga sa inyong namumukod-tangi. Sa tingin namin ay magiging isa siyang malaking asset sa kompanya. Iyon ay walang iba kundi si Starr!” masayang pagbabalita nito.

Nang mga sandaling iyon ay galit ang naramdaman ni Lorena. Bakit ito ang napili, gayong ni hindi nga nito mapantayan man lang ang sipag ng ibang intern?

Napatayo siya sa sobrang inis. Hindi niya na napigilang ilabas ang mga reklamo niya sa kapwa intern na paborito ng lahat.

“Bakit si Starr? Ang sipag-sipag naming lahat, maliban sa kaniya. Kung manamit, parang laging pupunta sa club kesa sa trabaho. Kagabi, habang nagpupuyat kami, nasaan siya? Naglalasing!” sunod-sunod na reklamo niya.

Nagulat siya sa isinagot ng boss nila.

“Kaya nga naiiba sa inyo si Starr eh. Hindi siya kagaya ng normal na mga empleyado. Kapag trabaho, trabaho. Nakita niyo naman kung gaano kagaling ang ginawa niya, hindi ba? Pero kapag tapos na ang trabaho, dapat matuto rin kayo na mag-enjoy. Bata pa kayo, ‘wag niyong masyadong seryosohin ang buhay!”

“Magsaya kayo, isuot niyo kung anong komportable para sa inyo. I-enjoy niyo lang ang lahat habang bata pa kayo dahil sobrang bilis na ng panahon. Bago niyo pa mamalayan eh matanda na pala kayo at wala nang enerhiya para magsaya,” mahabang litanya nito.

Natahimik naman si Lorena. Napagtanto niya na tama ang sinabi ng kanilang boss. Sa sobrang pag-iisip niya tungkol sa trabaho ay nalimutan niya na ang trabaho ay isang maliit na parte lang ng buhay niya, at hindi ang buong buhay niya.

Kaya naman simula ngayon, sisimulan niya nang aralin kung paano balansehin ang pagiging magaling sa trabaho at ang pag-eenjoy sa buhay!

Advertisement