
Sinundan Niya ang Yapak ng Iniidolo Niyang Doktor; Hindi Pala Maganda ang Pag-uugali Nito nang Personal Niyang Makilala
“Grabe, excited ako, pero hindi ako makahinga sa kaba!” bulalas ng kaniyang kaklase na si Jessalyn, habang sapo-sapo pa ang sariling dibdib.
Nangiti si Joyce ngunit hindi siya nagkomento. Kinakabahan din kasi siya, at ayaw niya na dagdagan pa ang kaba nito.
Iyon ang unang araw ng kanilang pagtatrabaho sa isa sa pinakamalaking ospital sa siyudad. Masaya siyang isipin na noon ay pangarap niya lang maging doktor ngunit ngayon ay nandito na talaga siya.
“Heto ang inyong mga ID. Welcome sa inyong lahat!” masaya silang binati ng isa sa mga empleyado. Mukhang ito ang maglilibot sa kanila sa ospital.
“Anim kayong magsisimula ngayong taon. Ililibot ko kayo sa buong ospital para hindi kayo maligaw mamaya kapag kailangan niyo nang pumunta sa departamento kung saan kayo na-assign.”
Tumango naman silang lahat bilang pagsang-ayon.
Gaya ng sabi nito, nilibot nila ang buong ospital para maging pamilyar sila sa mga parte noon. Pagkatapos ay saka sila naghiwa-hiwalay. Magkakasama halos ang mga ito sa isang departamento habang siya ay nag-iisa.
Sa unang araw niya sa ospital ay nakilala niya ang mga propesor at doktor sa buong departamento kung saan siya napabilang. Mababait ang mga ito sa kaniya kaya nabawasan ang kaba niya.
“Ako po si Joyce. Ito po ang unang araw ko rito,” pagpapakilala niya.
“Ngayon naman, sabihin mo sa amin kung bakit ginusto mo maging doktor. Mahirap ang trabahong ito. Kung minsan, tatlong araw kaming hindi natutulog. Sigurado ka na ba?” pahabol na tanong sa kaniya.
Tahimik siyang ngumiti sa doktor na nagtanong bago siya nagsalita.
“Hindi po kami mayaman. Kaya noong buntis si Mama sa akin, hindi siya nadala ni Papa sa ospital agad. Inignora ni Mama ang sakit ng kaniyang tiyan para hindi mamroblema si Papa sa gastusin hanggang sa pumutok ang kaniyang panubigan. Sinubukan niya maghanap ng tulong pero dahil malayo sa ospital ang bahay namin wala siyang mahanap na tulong. Buti na lang may isang nagmamanehong lalaki na huminto para kay Papa na sa kabutihang palad ay isang doktor pala. Siya ang dahilan kung bakit naligtas kami ni Mama,” mahabang pagsasalaysay niya.
Nagkatinginan ang mga doktor na nakikinig sa kaniyang kuwento.
“Kilala mo ba ‘yung doktor? Gusto mong makita?”
Umiling siya. Wala pa siyang muwang sa mundo ng mangyari iyon kaya’t paano niya ito makikilala?
“Gusto ko po sana, kaya lang wala namang akong litrato o kahit nga po pangalan. Ang kuwento ni Papa ay tinulungan sila nito at dinala sa ospital pagkatapos. Ito rin ang nagbayad sa kanilang gastusin. Bilang kabayaran ay binigay ni Papa ang relo niya para makabawas man lang sa ginastos nung mabait na doktor,” sagot niya.
“Siya po ang dahilan kaya ako naging isang doktor. Gusto ko na maging kasinggaling niya,” dagdag pa ni Joyce.
Aliw na aliw ang mga ito sa kwento niya.
Nang bumalik sila sa kani-kanilang mga trabaho ay nilapitan niya ang isang doktor na itinuro sa kaniya. Ito na lang ang nag-iisang doktor na hindi niya pa nakikilala. Ito raw ang doktor na sasamahan niya sa lahat ng oras.
“Hello po, Dr. Ignacio. Ako po si Joyce, ang bago niyong intern. Mayroon ho ba kayong gusto? Pagkain po o kape?” magiliw na bungad na tanong niya rito.
Nais niya sanang makuha ang loob ng doktor sa unang araw niya roon. Ngunit nabigla siya nang magsalita ito.
“Wala akong panahon diyan! Sumama ka sa pagbisita ko sa mga pasyente,” masungit na sagot nito.
Nang sumama siya rito ay nasaksihan niya kung paano nito pagalitan ang mga pasyente na pasaway at hindi umiinom ng gamot o nakikinig sa mga bilin ng doktor.
Takang-taka siya. Bakit nito pinapagalitan ang mga pasyente? Pakiramdam niya ay hindi iyon tama.
Nang mga sumunod na araw ay mas lalo siyang nakumbinsi na kakaiba ang doktor na ito. Tingin niya ay hindi ito nararapat na maging isang doktor.
Napakasungit nito. Hindi man lang marunong ngumiti, at madalas na nakasigaw sa kaunting pagkakamali.
Hindi niya tuloy maiwasan na panghinaan ng loob. Umiiyak na tinawagan niya ang mga magulang para gumaan naman ang pakiramdam niya.
“Ang sungit-sungit po nung propesor ko! Hindi po siya kagaya ng doktor na iniidolo ko!” paghihimutok niya.
“Anak, ‘wag ka nang umiyak! Sa susunod na linggo, luluwas kami ng nanay mo para bisitahin ka riyan,” pangako ng tatay kaya siya nabuhayan ng loob.
Nang sumapit ang araw ng pagbisita ng kaniyang magulang ay sabik na sabik siya lalo na nang matanggap niya ang mensahe na nasa harap na ng ospital ang dalawa. Pasakay na sana siya ng elevator nang makasalubong niya si Dr. Ignacio.
“Intern, saan ka pupunta? Naiwan ko sa opisina ang relo ko, nagmamadali kasi ako. Ihabol mo na lang sa akin sa baba,” utos nito.
Napasimangot siya ngunit wala ring nagawa kundi sumunod dito.
Iyon ang unang pagkakataon na nakapasok siya sa opisina ng masungit na doktor. Iginala niya ang paningin upang hanapin ang relong tinutukoy nito. Nakita niya naman iyon na nakapatong sa ibabaw ng mesa ng doktor.
Lakad-takbo ang ginawa niya para mahabol si Dr. Ignacio. Nagulat siya dahil nang makababa siya ay nakita niya na kaharap ng doktor ang kaniyang mga magulang.
Nagtaka siya. Kakilala ba ito ng mga magulang niya?
“Dok, heto na po ang relo niyo,” iniabot niya rito ang relo bago siya lumapit sa kaniyang mga magulang.
Nagulat siya sa sinabi ng kaniyang ama. “Dok, naitabi niyo pa po pala ang relo na ‘yan!”
Sa unang pagkakataon ay nakita niya na ngumiti ang masungit na doktor. Napagtagni-tagni niya ang lahat nang magsalita ang kaniyang tatay.
“Anak, siya ang doktor na tumulong sa’tin noon. Dito pala siya nagtatrabaho!” sabik na bulalas ng kaniyang ama.
Nanlaki ang mata niya sa nalaman. Kung ganoon ay ito pala ang mabait na doktor na madalas ikwento ng tatay niya!
“Ikaw pala ang batang ‘yun. Nakakatuwa naman!” komento nito na may tipid na ngiti sa labi.
Nang magpaalam ang kaniyang mga magulang ay palaisipan pa rin sa kaniya ang katauhan ni Dr. Ignacio.
Si Dr. Ignacio pala ang doktor na idolo niya, pero bakit parang ibang-iba ito sa kwento ng kaniyang ama?
Nalaman niya ang tunay na kulay ng doktor nang minsan niyang makausap ang isa sa mga nurse na nakapalagayang loob niya na. Ikinwento niya rito ang mga himutok niya tungkol sa masungit na doktor.
“Naku, ganoon lang talaga si Dr. Ignacio pero napakahusay at napakabuti ng puso niyan. Alam mo ba na hindi niya nakakalimutan ang bawat pasyente niya? Ganoon siya ka-dedikado. Nagagalit siya sa mga pasyenteng pasaway kasi gusto niya na gumaling ang lahat.”
Napalabi siya. Naiintindihan niya na ito ngayon. Kaya pala namukhaan pa rin nito ang tatay niya. Subalit may isa pa ring tanong na nais niyang masagot.
“Bakit ang sungit-sungit niya?”
“Nagsusungit lang naman si Dok ‘pag nagkamali ka, hindi ba?”
Inisip niya kung napagsungitan na siya nito nang walang dahilan. Napagtanto niya na tama ito, hindi naman talaga siya napapagalitan kapag tama ang ginagawa niya.
Umiling siya.
“Naniniwala kasi siya na walang puwang sa pagkakamali ang mga doktor dahil buhay ang nakasalalay. Gusto niya lang na matuto ka at maging magaling ka. ‘Yung mga naging intern ni Dr. Ignacio, lahat naging magaling na doktor. Kaya maswerte ka,” nakangiting paliwanag nito, bakas sa mukha ang matinding respeto at paghanga kay Dr. Ignacio.
Noon tila nagliwanag ang lahat para kay Joyce. Sa likod pala ng masungit nitong trato sa iba ay nagtatago ang isang dedikado at mahusay na doktor.
Hindi pala siya nagkamali ng iniidolo. Sisikapin niya na maging kagaya ni Dr. Ignacio – isang doktor na maaaring pagkatiwalaan ng buhay!