Inday TrendingInday Trending
Labis ang Lungkot ng Matandang Yaya dahil Pinaalis Siya sa Trabaho ng Alagang Mag-Ina; Ikagugulat Niya ang Dahilan Nito

Labis ang Lungkot ng Matandang Yaya dahil Pinaalis Siya sa Trabaho ng Alagang Mag-Ina; Ikagugulat Niya ang Dahilan Nito

“Magandang umaga Yaya Nora. Nakauwi na ba si Mommy galing Singapore? Ang sabi kasi niya ay ngayon daw ang dating niya. Sinundo na ba siya ni Mang Jun?” tanong ni Francis sa kasambahay.

“Oo, kanina pang madaling araw nariyan ang Mommy mo. Hindi ka na nga pinagising kasi alam niyang pagod ka sa opisina. Ang sabi ko kasi hatinggabi ka na rin nakauwi. Gusto mo bang ipagtimpla kita ng kape?” saad naman ng matandang yaya.

“Huwag na po, yaya. Sige at pupuntahan ko muna po si Mommy sa kwarto niya. Titingnan ko kung gising na,” wika pa ng alaga.

Matagal nang kasama ng pamilya ang yayang si Nora. Yaya pa siya noon ng ina ni Francis na si Liezel. Kaya nang mag-asawa at magkaanak ang ginang ay si Yaya Nora na rin ang kinuha nitong tagapag-alaga. Tinuring na ni Yaya Nora ang pamilya na para niyang mga anak.

Tinungo ni Francis ang ina sa silid nito upang kausapin. Naabutan niyang nag-aayos ng gamit ang ina.“Ma, may oras ka ba ngayon? Kahapon pa kita hinihintay talaga. Gusto sana kitang kausapin,” bungad ni Francis sa ina.

“Sige, anak. Tungkol saan ba ito? Parang importante at hindi ka na makapaghintay,” tugon naman ni Liezel.

“Tungkol sana ito kay Yaya Nora,” sambit pa ng binata.

“Ano ang tungkol sa Yaya Nora mo? Kung may nagawa man siya sa iyo ay pagpasensiyahan mo na. Alam mo naman kung gaano tayo kamahal ni Yaya Nora,” pahayag muli ng ina.

“Wala naman po siyang nagawa, ‘Ma. E, kasi matanda na po si Yaya Nora. Parang tama pa ba na narito siya sa’tin at pinagsisilbihan tayo? Baka gusto na kasi niyang umuwi sa pamilya niya at makasama ang mga ito. Mabagal na rin naman siyang kumilos,” wika ni Francis.

Ang hindi alam ng dalawa ay hindi sinasadya ni Yaya Nora na marinig ang usapan ng mag-ina. Dadalhan niya sana ng mainit na kape ang mag-ina. Nang marinig ng matandang kasambahay ang kaniyang pangalan ay hindi siya tumuloy na pumasok sa silid ng ginang.

“May punto ka naman d’yan. Sa tingin ko ay hindi na rin talaga kaya ni Yaya Nora na magtrabaho pa. Minsan nga rin ay naiilang na akong utusan siya dahil parang mabigat na para sa kaniya. Hindi na rin kasi siya tulad ng dati kung kumilos. Siyempre, matanda na kasi,” sambit naman ni Liezel.

Bahagyang nalungkot si Yaya Nora nang marinig niya ito. Sigurado siyang isang araw ay kakausapin siya ng mag-ina para siya ay paalisin na. Dahil hindi na niya makaya pang marinig ang pinag uusapan ng mag-ina ay agad siyang umalis.

Pumasok siya sa kaniyang silid na puno ng lumbay at pangamba.

“Kung mawawalan ako ng trabaho ay hindi ko man lamang mapapagawa ang bubong ng bahay namin. Nangako pa naman ako sa mga anak ko na ipapabato ko ang bahay nang sa gayon ay sama-sama na kaming manirahan doon,” pag-aalala ni Yaya Nora.

Nais sanang kausapin ni Yaya Nora ang mag-ina at makiusap na huwag na siyang paalisin. Sa takot na mawalan ng trabaho ay pinakita na lamang ng matanda na kaya pa niya ang mga gawaing bahay.

Isang umaga ay nakita ni Francis na si Yaya Nora ang naglilipat ng mga halaman sa hardin.

“Yaya, huwag n’yo na pong gawin iyan at trabaho ‘yan ni Manong Cesar. Pumasok na lang po kayo dito sa loob at manood ng TV,” sambit ni Francis sa matanda.

“Kayang-kaya ko naman ito, hijo. Dati ko naman na itong ginagawa,” saad ni Yaya Nora kahit na tinitiis lamang ang bigat ng mga paso.

Hanggang sa hindi na nakayanan pa ni Yaya Nora ang binubuhat. Bahagya rin kasi siyang nadulas.

“Ayan po ang sinasabi ko sa inyo, yaya. Mababasag na nga ang paso ay mababalian pa kayo. Si Manong Cesar na po ang gagawa niyan,” sambit ng binata.

Napahiya si Yaya Nora.

Sa tuwing may kailangang gawin ang matanda ay napapansin niyang pinipigilan siya ni Francis at Liezel. Pakiramdam tuloy ng matanda ay wala na siyang silbi sa pamamahay na iyon.

Lumilipas ang mga araw na tila wala nang ginagawa si Yaya Nora sa bahay. Nangangamba siya na isang araw ay bigla na lamang siyang kakausapin para tuluyan na siyang paalisin.

Isang araw nga ay pinuntahan ni Francis si Yaya Nora sa silid nito upang kausapin.

“Yaya, maaari po ba kayong makausap? Tungkol po ito sa trabaho n’yo sa amin,” bungad ni Francis.

Dumagundong bigla ang dibdib ni Nora. Alam niyang ito na ang araw na kaniyang kinatatakutan.

“Yaya, alam n’yo namang mahalaga kayo sa amin at pamilya na ang turing namin sa inyo. Pero para sa amin kasi ni mama, gusto naming ma-enjoy nyo pa ang katandaan n’yo kasama ang inyong pamilya. Saka isa pa, hindi na kayo dapat napapagod pa dahil sa edad n’yo. Kaya napagpasyahan po namin na isang sa susunod na buwan ay hindi na po kayo magtatrabaho pa sa amin. Makakauwi na po kayo ng probinsya,” paliwanag ng binata.

Naiiyak man si Yaya Nora ay maluwag na niyang tinanggap sa kaniyang puso na ito na ang hangganan ng pagtatrabaho niya para sa pamilyang matagal niyang pinagsilbihan. Minsan lang ay parang kinukurot ang kaniyang dibdib sa tuwing naiisip niyang dahil sa kaniyang katandaan at dahil wala na siyang pakinabang ay aalisin na lamang siya nang basta lang.

Lumipas ang isang buwan at ito na ang huling araw ni Yaya Nora na magtatrabaho para kina Liezel at Francis.

“Nakahanda na po ba ang mga gamit n’yo, Yaya Nora? Kami na po ni Mommy ang maghahatid sa inyo sa probinsya. Nais kasi naming masiguro na ligtas kayo saka ito na lang kasi ang magagawa namin para sa inyo,” wika ng binata.

“Pasensya na kayo, Francis, kung hindi na ako tulad ng dati. Nawala na ang liksi sa katawan ko dahil sa katandaan. Pero mamimiss ko kayo. Mahigit limang dekada rin akong nagtrabaho sa pamilya n’yo. Maraming salamat at nabuhay ko ang pamilya ko sa pagsisilbi sa inyo,” saad ni Yaya Nora habang nangingilid ang luha.

“Sige na po, Yaya Nora. Ipapababa ko na po kay Mang Jun ang damit n’yo nang mauwi na namin kayo sa probinsya,” tanging naging tugon ni Francis.

Habang nasa byahe ay hindi maiwasan ni Yaya Nora na maluha. Ngunit sa isang banda ay naisip niyang panahon na rin para siya ay makapagpahinga kasama ang asawa, anak, at mga apo niya.

Ilang oras din silang nasa byahe. At sa mga oras na iyon ay hindi man lamang maramdaman ni Yaya Nora na nalulungkot ang mag-ina sa pag-alis niya. Abala pa rin ang mga ito sa trabaho.

Nang makarating na sila sa baryo kung saan nakatira si Yaya Nora ay biglang huminto ang sasakyan.

“Hindi na po makakapasok dahil makipot ang iskinita. Maglakad na lang po tayo,” saad ng drayber na si Mang Jun.

Kaya ito ang kanilang ginawa. Ngunit papalapit pa lamang ng bahay ay nararamdaman na ni Yaya Nora na may kakaiba sa lugar.

Hanggang sa matanaw niya ang isang malaking bahay na nakatirik sa kanilang lupa.

“N-nasaan na ang bahay namin?” agad na napaluha si Nora sa pag-aalala.

“Yaya, nasa inyong harapan po ang bahay n’yo,” sambit ni Francis na may matamis na ngiti sa mukha.

Isa-isang naglabasan ang asawa, mga anak at apo ni Nora mula sa malaking bahay. Mainit nilang sinalubong ang pag-uwi ng matanda.

“Yaya Nora, regalo po ng pamilya namin sa inyo ang bahay at ang munting negosyo na tindahan. Napag-usapan kasi namin ng anak ko na hindi na kayo pagtrabahuhin at i-enjoy n’yo na lang ang buhay n’yo kasama ang inyong pamilya, Buong buhay po kayong nagsilbi sa amin. Maliit na bagay lang po ito kumpara sa naibigay n’yo sa aming pag-aalaga,” sambit naman ni Liezel.

Bumaha ng luha ng araw na iyon. Luha mula sa labis na kaligayahan at bahagya dahil sa kalungkutan na hindi na makakasama ng mag-ina ang kanilang Yaya Nora.

“Mamimiss ka namin, Yaya Nora. Maraming salamat sa pagkalinga mo sa amin. Dadalawin ka po namin dito. Sana ay lagi lang kayong maging masaya at malusog. Sa muli natin pong pagkikita,” pamamaalam naman ni Francis.

Isang mahigpit na yakap ang ipinabaon ni Yaya Nora sa kaniyang mga alaga. Labis ang kaniyang pasasalamat dahil sa kahit paano’y mararanasan niya ang maginhawang buhay kasama ang kaniyang pamilya sa tulong ng mag-inang itinuring na niyang tunay na kapamilya.

Advertisement