Inday TrendingInday Trending
Gumuho ang Pangarap ng Mag-Asawa nang Mabuntis ang Kanilang Panganay na Anak; Bandang Huli’y Natupad pa rin ng Dalaga ang Pangako sa Pamilya

Gumuho ang Pangarap ng Mag-Asawa nang Mabuntis ang Kanilang Panganay na Anak; Bandang Huli’y Natupad pa rin ng Dalaga ang Pangako sa Pamilya

“Anak, bakit mo ito ginawa? Saan kami nagkulang sa iyo ng tatay mo? Paano na ngayon ang kinabukasan mo? Paano mo mabubuhay ang batang dinadala mo ngayon kung hindi ka pananagutan ng lalaking ‘yun?” hindi mapigilan ni Aling Sally ang maluha sa sama ng loob nang malaman na buntis ang panganay niyang anak na si Sabel.

“Ikaw pa naman ang inaasahan namin ng nanay mo na magtataguyod sa pamilyang ito. Hindi ba sabi mo ay magiging nars ka para makapunta sa ibang bansa? Ipapagawa natin ang bahay natin tapos ay pag-aaralin mo itong kapatid mo. Ano’ng nangyari sa mga pangarap natin, anak?” tanong naman ng amang si Mang Mando.

“Patawarin n’yo po ako, nanay at tatay, sa nagawa kong kasalanan. Patawarin n’yo po ako kung nasira ko ang kinabukasan ko! Pero parang awa n’yo na po, tulungan n’yo ako dahil wala akong ibang mapupuntahan,” pagtangis naman ni Sabel.

Nasa unang taon pa lamang ng kolehiyo itong si Sabel. Pilit na ginapang ng kaniyang mga magulang ang kaniyang pag-aaral makatapos lamang siya. Ngunit nagmahal ang dalaga ng maling lalaki. Nagpadala siya sa mga pangako nito hanggang isuko ni Sabel ang kaniyang sarili. Nang mabuntis ang dalaga ay hindi na muling nagpakita pa ang kaniyang kasintahan.

Masakit man para sa mag-asawa ang nangyari ay wala silang magagawa kung hindi tulungan ang panganay na anak. Naging laman ng tsismisan itong si Sabel at labis na kahihiyan ang dinala ng kaniyang pagbubuntis sa kanilang pamilya.

“Anak, pabayaan mo na ang mga sinasabi ng ibang tao. Ang mahalaga ay maging mabuti kang magulang sa magiging anak mo. Nariyan na ‘yan. Kailangan mo siyang panindigan lalo’t hindi siya napanindigan ng kaniyang ama,” saad ni Mang Mando sa anak.

Batid ni Sabel na nadismaya niya ang kaniyang mga magulang. Ngunit lubos siyang nagpapasalamat sa pagtanggap na ginawa ng mga ito sa kaniya sa likod ng kaniyang pagkakamali.

Tatlong buwan pa lamang ang dinadala ni Sabel ay bigla nanakit ang kaniyang puson. Hanggang sa umagos ang dugo sa kaniyang binti. Dinala agad siya ng mag-asawa sa ospital ngunit wala na ang bata.

“Marahil ay dala na rin ng kaniyang kabataan at istres na dinadamdam. Hindi na po namin nailigtas ang baby ni Sabel. Ikinalulungkot ko pong ibalita ito sa inyo,” saad ng doktor sa mga magulang ng dalaga.

Malungkot man ang pamilya sa pagkawala ng bata ay tila nagbigay rin ito ng liwanag para sa kinabukasan ni Sabel.

“Marahil ay alam ng Diyos na hindi pa ito ang tamang panahon para magkaroon ka ng anak,” dagdag pa ng ina.

Nais ng mga magulang ni Sabel na bumalik siya sa pag-aaral. Ngunit hindi pa kaya ni Sabel na makisalamuha sa ibang tao. Ang tingin kasi niya ay hinuhusgahan pa rin siya ng mga ito.

Samantala, patuloy naman ang pagiging paksa ni Sabel sa mga tsismisan. Nang minsang galing si Sabel at ang kaniyang ina sa palengke ay isang kapitbahay mismo ang sumita sa kaniya.

“Sabel, ano pa bang kahihiyan ang dadalhin mo sa mga magulang mo? Pinag-aral ka tapos ay nagpabuntis ka lang. Hindi ka na nga pinanagutan tapos ay pinalaglag mo pa ang bata? Ano ba ang gusto mong gawin sa sarili mo?” sambit ng ale.

“H-hindi ko po pinalaglag ang anak ko! Walang ina ang gustong mawalan ng anak! Bakit ba palaging buhay ko na lang ang pinag-uusapan n’yo? Bakit hindi n’yo na lang pakialaman ang buhay ng pamilya n’yo?!” bulyaw ni Sabel habang nangingilid ang luha.

“Talagang rebelde kang bata ka! Pagsabihan mo ‘yang anak mo, Sally, bastos kung magsalita! Sabagay, hindi mo masusweto ‘yan dahil hindi nga nakinig nang magpabuntis sa iba! Ang bait mo nga at kinupkop mo pa ‘yan! Kung ako ang nanay niyan ay hahayaan ko siya sa lansangan!” sambit pa ng kapitbahay.

“Tigilan n’yo na ang pangingialam sa buhay namin. Hindi naman kami nanghingi sa inyo ng kahit ano, ah? Bakit ba pinoproblema n’yo ang buhay namin? Sa susunod na pagsalitaan n’yo pa ng masama ang anak ko ay ipapabaranggay ko na talaga kayo! Mga tsismosa!” wika pa ni Aling Sally.

Sa pagkakataong iyon ay ramdam ni Sabel ang pagmamahal ng kaniyang ina. Sa kabila ng lahat ng kaniyang pagkakamali ay ipinagtanggol pa rin siya nito.

Mula noon ay ipinangako niya sa kaniyang sarili na kahit kailan ay gagawin niya ang lahat upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.

Hindi man nagbalik si Sabel sa pag-aaral ay nagdesisyon siyang magtrabaho sa ibang bansa bilang isang domestic helper.

Sa mura niyang edad ay natuto si Sabel na magbanat ng buto. Nagsumikap siya nang husto nang sa gayon ay palagi siyang makapagpadala ng pera sa kaniyang pamilya.

“Mag-ipon ka rin ng pera, anak, nang sa gayon ay makabalik ka sa pag-aaral,” wika ni Aling Sally.

“Ayos lang po ako, ‘nay, kulang pa po ang lahat ng binibigay ko sa inyo sa pagmamahal na binigay n’yo naman sa akin,” saad naman ni Sabel.

Dahil sa nakita ng amo ni Sabel ang kaniyang pagpupursige at sipag sa trabaho ay inalok nito ang dalaga na mag-aral. Sinagot ng amo ang lahat ng gastusin. Hindi na ipinaalam ni Sabel sa kaniyang mga magulang ang magandang pangyayaring ito sa kaniyang buhay.

Makalipas ang anim na taon, naipagawa na ni Sabel ang kanilang bahay. Maging ang kaniyang kapatid ay nag-aaral na rin. At hindi na kailangan pa ng kaniyang mga magulang na magtrabaho.

Sa kabila ng pag-asenso na ito ng pamilya ni Sabel ay lalo siyang naging laman ng usapan.

“Marahil ay ibinenta na ang katawan sa ibang bansa kaya mabilis yumaman!” saad ng kapitbahay.

Nang makauwi si Sabel sa kanilang lugar ay nagulat silang makita ang malaking pinagbago nito.

“Sa tagal ng panahon ay ako pa rin po pala ang pinag-uusapan n’yo? Hindi po ako nagbenta ng katawan sa ibang bansa. Nagsumikap po ako at sinuwerteng pinag-aral ng aking amo. Ngayon po ay isa na akong ganap na nurse. Iyan po ang dahilan kung bakit maunlad na ang buhay namin ngayon. Siguro kung ginamit n’yo rin ang oras at panahon niyo sa pagpapaunlad ng inyong mga buhay ay higit pa siguro rito ang narating n’yo. Ngunit sobra kayong abala sa pakikialam ng buhay ng iba kaya hanggang ngayon ay nariyan pa rin kayo sa inyong kinalalagyan,” pagmamalaki ni Sabel.

Lubos na ikinapahiya ng mga kapitbahay ang sinabing ito ng dalaga. Labis naman ang tuwa ni Aling Sally at Mang Mando nang malamang nakapagtapos na ng pag-aaral ang anak.

Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan sa buhay ay hindi sumuko itong si Sabel. Bagkus siya ay muling tumindig mula sa matinding pagkakadapa.

Ngayon ay natupad na rin ni Sabel ang lahat ng pangako niya para sa kaniyang mapagmahal na pamilya.

Advertisement