Inday TrendingInday Trending
Lubhang Nangangailangan ang Matandang Nangogolekta ng Lumang Damit dahil sa May Sakit na Apo; Isang Gantimpala ang Kaniyang Matatanggap

Lubhang Nangangailangan ang Matandang Nangogolekta ng Lumang Damit dahil sa May Sakit na Apo; Isang Gantimpala ang Kaniyang Matatanggap

Hindi malaman ni Mang Arturo ang kaniyang gagawin sapagkat dalawang araw nang inaapoy ng lagnat ang kaniyang apong si Morgan. Tinalikuran na kasi ang kawawang bata ng ama nang yumao ang ina nito na anak naman ni Mang Arturo. Mula noon ay mag-isang kinaya ng matanda ang responsibilidad na palakihin ang apo.

Nangongolekta ng lumang damit ang pinagkakakitaan ni Mang Arturo. Ipinapalit niya ito sa timba, tabo, o batya. Dahil nga nagkasakit si Morgan, hindi makapaghanapbuhay itong si Mang Arturo. Hindi niya tuloy alam kung saan kukunin ang ipampapagamot sa apo.

Nabigyan man ng tulong medikal at gamot sa health center sa kanilang barangay ay hindi pa rin ito sapat para mapagaling si Morgan. Kailangan daw nitong sumailalim sa eksaminasyon para malaman kung ano talaga ang sanhi ng mataas na lagnat nito.

Kaya kinatok ni Mang Arturo ang ilang kapitbahay para humingi ng tulong.

“Mang Arturo, hindi n’yo pa nga po nababayaran sa akin ang hiniram niyong dalawang daang piso. Pasensiya na kayo pero kita n’yo naman na ang hirap din ng buhay namin. Sa iba na lang po kayo mangutang dahil wala talaga akong maipapahiram sa inyo,” saad ng isang kapitbahay.

Kung sinu-sino na ang nilapitan ni Mang Arturo ngunit walang gustong magpahiram sa kaniya ng pera. Kaya naisipan niyang humingi ng tulong sa isa sa mga suki niya na nagbibigay ng pinaglumaang damit.

“Ito po ang tatlong daang piso, Mang Arturo. Sandali lang po at kukuha pa ako ng pinaglumaang damit nang maibenta n’yo rin po,” sambit naman ng suking si Sonny.

“Pasensya ka na sa akin, Sonny. Alam kong malaking abala ito sa iyo. Hayaan mo at gagawa ako ng paraan para mabayaran kita kaagad. Kailangan ko lang talagang ipasuri ang dugo ng apo ko nang malaman kung bakit ang taas ng lagnat niya,” nangangambang sambit ng matanda.

“Wala pong anuman ‘yun, Mang Arturo. Sa tanda n’yong ‘yan ay hindi na nga kayo dapat pang naghahanapbuhay. Nasaan po ba ang mga magulang ng bata at kayo po ang nahihirapan sa pag-aasikaso?” tanong naman ng ginoo.

“E, simula noong yumao ang anak ko, nanay ng apo ko, ay hindi na nagpakita pang muli ‘yung tatay. Hindi ko naman p’wedeng pabayaan ang bata,” naiiyak na sagot ni Mang Arturo.

Agad na ibinigay ni Sonny ang tulong pinansyal at mga lumang damit kay Mang Arturo. Hindi naman magkamayaw ang pasasalamat ng matanda sa ipinagkaloob na tulong ng ginoo.

Sa totoo lamang ay kulang pa ang perang ibinigay ni Sonny sa matanda para sa pagpapagamot sa kaniyang apo. Pero malaking tulong na ito kahit paano.

“Dadalhin ko na lang ang mga damit na ito sa suki kong ukay-ukay. Baka may magustuhan at bilhin din nila,” saad ni Mang Arturo sa sarili.

Mabilis niyang inayos ang mga damit. Isa-isa pa rin niyang sinipat kung may sira, butas o mantsa ang mga ito. Hanggang sa isang pantalon ang napansin niyang may kabigatan. Agad niyang sinuri ang bulsa nito at laking gulat niya nang makakita ng isang magarang relo.

“Tiyak akong malaki ang halaga ng relo na ito!” sambit ni Mang Arturo.

Kung maibebenta sana niya ito ay matatapos na ang kaniyang problema. Ngunit imbis na pag-interesan ang relo ay ginawa niya ang nararapat.

Bago pumunta ng pagamutan ay dumaan muna sa bahay ni Sonny ang maglolo.

“Mang Arturo, ano po ang ginagawa n’yo rito? Kailangan n’yo pa po ba ng tulong?” bungad ni Sonny sa matanda.

“May nais lang sana akong ibalik sa iyo, Sonny. Nakita ko kasi ang relo na ito sa bulsa ng isa sa mga pantalon na ibinigay mo sa akin. Sigurado akong mahal ang relo na ito,” sambit ni Mang Arturo sa ginoo.

Nanlaki ang mata ni Sonny nang makita niya ang relo.

“Ito ang matagal nang nawawalang relo ng papa ko! Matagal na po namin itong hinahanap! Sadya pong malaki ang halaga nito dahil tunay itong ginto at may dyamante. Ipinamana pa po ito sa kaniya ng kaniyang ama!” gulat na gulat ang ginoo.

Hindi makapaniwala si Sonny na nasa kaniyang mga kamay na ang matagal na hinahanap na relo ng ama.

“Sa kabila ng pangangailangan n’yo sa buhay ay hindi man lamang sumagi sa isipan n’yo na kunin na lang ang relo na ito at ibenta?” tanong pa ng ginoo.

“Sonny, sobra-sobra na ang tulong na ginagawa mo para sa akin at sa apo ko. Sa tuwing lumalapit ako sa iyo ay hindi ka nagdadalawang-isip na tulungan ang isang matandang gaya ko kahit hindi mo naman ako kaanu-ano. Hindi ko kayang gawan ka ng masama. At lalong hindi ko kayang mang-angkin ng bagay na hindi sa akin,” sagot naman ni Mang Arturo.

Labis na humanga si Sonny sa kadalisayan ng puso nitong si Mang Arturo. Sa kabila ng kinakaharap na hirap ng buhay ay mas pinili pa rin nitong maging tapat at mabuting tao.

Dahil dito ay naantig nang lubos ang kalooban ni Sonny. Sinagot ng pamilya nito ang pagpapagamot sa may sakit na apo ni Mang Arturo.

Nang malaman pa ng ilang kapitbahay ni Sonny ang ginawang ito ng matanda ay labis din silang humanga. Nagpaabot ang mga ito ng tulong kay Mang Arturo at sa apo nito. At sa tuwing may luma silang mga damit ay kay Mang Arturo na nila ito diretsong ibinibigay.

Sadyang pinagpapala ng Diyos ang mga taong matapat. Nawa’y maging magandang ehemplo si Mang Arturo sa bawat isa sa atin. May pagsubok man sa buhay ay piliin pa rin nating maging mabuti at matapat, dahil panigurado’y may kaakibat na biyaya ito sa langit.

Advertisement