Inday TrendingInday Trending
Sumuko na sa Buhay ang Ginang dahil sa Bigat ng Pinagdaraanan; Ang Yumaong Asawa ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-Asa

Sumuko na sa Buhay ang Ginang dahil sa Bigat ng Pinagdaraanan; Ang Yumaong Asawa ang Magbibigay sa Kaniya ng Pag-Asa

Nanlalambot at nanginginig ang mga tuhod ni Josie nang makita niya na nilimas ng bagyo ang lahat ng pananim nilang gulay ng kaniyang asawa. Napaluhod siya habang humahagulgol dahil sa pangalawang pagkakataon ay wala na naman silang aanihin at maibebenta.

“Mawawala na sa atin ang lupang ito, Hector, kapag hindi pa natin nabayaran. Lalong hindi na tayo makakaahon sa hirap kapag nawala pa ito sa atin,” umiiyak na sambit ni Josie sa asawa.

“Wala na tayong magagawa pa, Josie, hindi natin hawak ang panahon. Nagkataon na bumagyo at hindi pa handa ang mga gulay para anihin,” nalulungkot ding sambit ni Hector.

“Nanghihina na ako, Hector. Nawawalan na ako ng pag-asa. Ang gusto ko lang naman ay mabigyan ng magandang buhay ang mga anak natin. Ngayon ay malabo na talaga ito,” saad pa ng naghihinagpis na ale.

“Hindi ba mas lalong hindi tayo dapat sumuko, Josie? May mga anak tayong umaasa sa atin. May panahon pa naman tayo para magtanim ulit. Pakikiusapan ko na lang ang bangko na huwag munang kunin ang lupa. Lalapit ako sa kahit anong sangay ng gobyerno para lang makahingi ng tulong,” dagdag pa ng mister.

Wala nang nagawa si Josie kung hindi yakapin na lamang ang asawa.

Tanging ang pagtatanim ng gulay ang ikinabubuhay nina Josie at Hector. Parehas silang mga anak ng magsasaka at ito na rin ang kanilang kinamulatang hanapbuhay. Ngunit patuloy na sinusubok ng pagkakataon ang mag-asawa. Bago kasi ubusin ng bagyo ang pananim nila ay dinapuan naman ito ng peste.

Nagkandautang-utang na rin ang mag-asawa upang may ipambayad lamang sa lupang nakasanla sa bangko. Kaya labis na nangangamba si Josie dahil malapit na ring mawala ang lupang kanilang sinasaka.

Ang akala ni Josie ay ito na ang pinakamabigat niyang suliranin. Ngunit ilang araw ang makalipas, hindi pa man nakakaahon ang mag-anak sa pag-ubos ng pananim ay inatake naman sa puso si Hector.

Agad itong binawian ng buhay at hindi na nakaabot pa sa ospital. Labis ang pagdadalamhati ni Josie dahil nawala pa ang kaisa-isa niyang kaagapay sa buhay.

“Diyos ko, hindi naman ako masamang tao para mangyari ang lahat ng ito sa akin. Bakit N’yo po ba ako pinarurusahan ng ganito? Hindi ko po kayang mag-isa na palakihin ang mga anak ko lalo na sa kalagayan namin ngayon! Baka maaari ay kunin N’yo na lang din ako!” pagsusumamo ni Josie.

Nalugmok sa depresyon itong si Josie. Para sa kaniya ay wala nang dahilan pa para mabuhay. Pinabayaan na niya ang kaniyang sarili at mga anak.

“‘Nay, nandito pa po kami. Wala na nga si Tatay, pati ba naman kayo ay mawawala rin sa amin?” umiiyak na sambit ng panganay na anak.

“Kanino na po kami kakapit, ‘Nay, kung kayo mismo ang bumibitaw sa amin? Hindi rin po namin kaya ‘to,” saad pa ng bunsong anak.

Nakatitig lamang sa kawalan itong si Josie. Hanggang sa nakita niya ang isang sulat mula sa kaniyang asawa.

Sa sulat ay ipinaalala ni Hector kung bakit siya nahulog kay Josie. Dahil ito sa angking katatagan ng loob at pagharap sa bawat bukas nang may pag-asa.

Tinuruan mo akong maniwala na ang panibagong bukas ay magdadala ng pag-asa, Josie. Ikaw ang nagbigay liwanag sa buhay ko. At habang buhay kong ipagpapasalamat na ikaw ang naging asawa ko at ina ng mga anak ko.

Sa pagbuhos ng luha ni Josie ay nagbalik sa kaniya ang katatagan ng loob. Dito niya napagtanto na hindi dapat na bigla na lang siyang sumuko dahil may umaasa pa sa kaniyang mga anak.

Muling bumangon si Josie. Unti-unti niyang ibinalik ang dating siya– masayahin at puno ng pag-asa. Kahit na nadarama pa rin niya ang kirot sa dibdib dahil sa paglisan ng asawa ay hinigitan niya ito ng pagmamahal para sa kaniyang mga anak.

Sinimulan ni Josie na ayusin ang kanilang buhay. Nakiusap siya sa bangko na bigyan pa siya ng palugit. Dahil nga sa mapait na sinapit ng ginang at ng pamilya nito ay naunawaan naman siya ng bangko’t binigyan ng dagdag na konsiderasyon. Nagsimula siya muling magtanim. Sa bawat tanim ay ibinubuhos nya ang kaniyang buong sarili.

“Hindi ako susuko hanggang hindi ko nabibigyan ng magandang buhay ang mga anak ko. Gagawin ko ito para sa kanila!” saad ng ginang.

Nang araw ng anihan ay labis ang tuwa ng mag-iina sapagkat lahat ng kanilang pananim ay maayos at de kalidad. Dito nagsimulang magpaikot ng puhunan itong si Josie. Nakabayad na rin siya ng utang sa bangko.

Hindi na rin namalayan ni Josie na ang maliit niyang lupain ay unti-unti na ring lumaki.

Lubos na nag-iba ang buhay ng mag-iina. Kung noon ay hindi man lang sila makakain ng tatlong beses isang araw, ngayon ay may hekta-hektarya na silang taniman. Nakapagpagawa na ng sariling bahay at namamayagpag ang negosyo.

Habang pinagmamasdan ni Josie ang pag-unlad ng kanilang buhay na mag-iina ay hindi niya maiwasan na maalala ang asawa.

“Sana ay narito ka at sama-sama nating lasapin ang tagumpay na ito. Maraming salamat, Hector, dahil hanggang sa huli ay ang pagmamahal mo ang bumuhay sa akin. Tingnan mo na ang mga anak mo. Nasa ayos na silang lahat. Napalaki natin sila nang maayos. Alam ko, balang araw ay magkikita rin tayo. Saka ko ikukwento ang lahat. Mahal kita, Hector. Ipinagpapasalamat ko rin sa Diyos na ikaw ang naging asawa ko at ama ng mga anak ko,” sambit ni Josie habang nakatingin sa langit.

Advertisement