Isang Lalaki ang Bulag na Ngunit Nakikita Pa Rin Daw ang Lahat, Nakakaiyak Pala ang Liwanag na Naaaninag Niya

“Pa, tama naman na ang kakasigarilyo, mas lalo lang ‘yan makakadagdag sa sakit niyo. Ang dami niyo na ngang nararamdaman at ang dami niyo nang iniinom na gamot, please lang po tama na ang alak at sigarilyo,” inis na wika ni Allison, ang anak ng lalaki.

“Alam mo, anak, malaki ka na talaga kasi pinagsasabihan mo na ako na parang ikaw na ang magulang sa ating dalawa. Hayaan mo na ako, hindi nga ako pinagagalitan ng mama mo,” sagot naman ni Mang Gino ang ama ng dalaga.

Napabuntong hininga na lamang ang dalaga sabay pikit at saglit na hindi nagsalita. Pinipilit niyang pigilan ang kaniyang mga luha at saka tumalikod sa kaniyang ama.

“Kumain ka na, nagluto ako,” wikang muli ng kaniyang ama.

“Sabi ko naman sa inyo ako na ang magluluto, baka mapano pa kayo kapag wala ako,” naiinis na wikang muli ng dalaga sa kaniyang ama ngunit hindi na sumagot pa ang lalaki at tinawanan lamang siya.

Tatlong buwan pa lamang ang nakakalipas nang maaksidente ang kaniyang mga magulang at nawalan ng paningin ang kaniyang ama.

“Pa, ang ganda naman nitong nasulat mo. Ang galing niyo pa rin pong gumamit ng laptop kahit na bulag na kayo,” hangang wika ni Allison sa ama nang masilip niya ang pinagkakaabalahan ng lalaki.

“Ikaw naman, anak, para ka namang bago sa akin. Mata lang naman ang nawala sa akin pero nandiyan pa rin kayo ng mama mo. Kaya ko pa naman, saka sabi ng doktor ay pangalawa na raw ako sa listahan na mabibigyan ng mata. Pagnagkataon ay maooperahan na ako at hindi ka na mahihirapan,” masayang sabi nito.

Advertisement

Hindi umimik si Allison at mas lalo siyang napahikbi ng iyak. Habang tinititigan ang kaniyang ama na tuloy-tuloy lamang sa pagamit ng laptop at tila ba ganang-gana ang isip nito kaya naman hindi na niya ginulo pa ang lalaki.

Isang manunulat ang kaniyang ama at ito na ang bumuhay sa kanilang pamilya mula nang siya ay isilang sa mundong ito. Maliit man at kung minsan ay kinakapos sila ay hindi naman niya nakita kailanman na nagtalo ang kaniyang mga magulang, kaya ngayon na nasa ganitong estado ang kaniyang ama ay nais na lamang niyang ibigay ang buo niyang suporta.

“Anak, baka naman pwede mo akong samahan ngayong araw dito sa bahay. Tinawagan lang ako ng ilang media at iinterbyuhin daw ako sa mga nasusulat ko. Ito na anak, magiging big time writer na ang tatay mo,” masayang sabi ni Mang Gino sa kaniya.

“Sige pa, magpapaalam lang ako saglit sa boss ko para makaliban ako ngayong araw,” mabilis na sagot ni Allison dito.

Masayang-masaya naghanda si Mang Gino at kaagad na naupo sa kaniyang paboritong pwesto. Hanggang sa dumating na ang mga bisita at tahimik lamang na nanunuod si Allison.

“Mang Gino, baka naman po pwede niyong ibahagi ang sikreto niyo sa pagsusulat dahil kahit na ganito po ang pinagdaraanan niyo ngayon ay wala pa rin pong kupas ang mga nasusulat niyo lalo na nga sa social media,” sabi ng lalaking kausap ng kaniyang ama.

“Naku naman, alam mo, pagsusulat na ang bumuhay sa amin. Nakapagsulat na ako sa libro, sa diaryo, sa mga hindi sikat na pwedeng pagkakitaan ng pagsusulat ko, pero lahat ng iyon ay nagsimula sa pagsusulat ko sa asawa ko. Kaya para sa akin, kahit na nagtatrabaho ako ay siya pa rin ang inspirasyon ko. Sa katunayan nga niyan ay siya pa ang tumutulong sa akin ngayon sa pagsusulat. Siya ang nagiging mata ko,” masayang sagot ni Mang Gino.

“Ha? Ano pong ibig niyong sabihin?” naguguluhang tanong ng lalaki at kahit si Allison ay naguluhan din at mabilis na napatayo.

Advertisement

“Asawa ko, ito naman. Ayan o, nasa kusina ang asawa ko, nanunuod sa atin. Alam mo, sa inyo ko lang sasabihin ito pero hindi pa naman ganun kabulag ang isang mata ko. Kahit papano ay naaaninag ko pa nang sobrang kaunti ang mga bagay,” maligayang sagot muli ng lalaki at kaagad na nagkatinginan si Allison at ang kausap ng kaniyang ama at bigla silang natahimik.

“Si Mang Gino, ang lakas manakot! Baka naman sa susunod po n’yan ay horror na ang maisulat niyo,” malakas na basag ng lalaki at tumawa ito nang malakas.

“Ha? Ano’ng ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ni Mang Gino sa lalaki.

“Wala na ho ang asawa niyo, sumakabilang buhay na noong naaksidente kayo at kayo lang po ang nakaligtas kaya lang ay nabulag naman po kayo. Hindi po ba ‘yun ang nangyari?” diretsong paliwanag nito.

Hindi nagsalita si Allison at napaluha na lamang siya, habang hindi naman umimik muli si Mang Gino at mabilis na tinapos ang kanilang pag-uusap.

“Pa, hindi mo ba talaga natatandaan?” naiiyak na tanong ni Allison sa kaniyang ama ng sila na lang dalawa.

“Anak, buong akala ko nagbibiro ka lang kapag sinasabi mong wala na si mama mo. Kasi, anak, palagi ko pa rin siyang nakakasama,” hagulgol ni Mang Gino sa kaniyang anak.

“Pa, akala ko naman nagbibiro ka lang at inaasar mo lang ako kapag sinasabi mong nandito pa si mama. ‘Pa, wala na si mama, wala na siya ‘pa,” hagulgol ni Allison at niyakap ang kaniyang ama.

Advertisement

Hindi pa rin lubos na matanggap ni Mang Gino na wala na ang kaniyang asawa dahil sa loob ng tatlong buwan, alam niyang nasa tabi lamang niya ang misis at inaalalayan siya. Ayon din sa doktor ay hindi totoo ang sinasabi ni Mang Gino noon na nakakakita pa siya ng kaunti dahil bulag na bulag daw ang mga mata nito. Kaya naman para sa lalaki, asawa niya ang liwanag na iyon. Halos anim na buwan pa ang lumipas nang maoperahan na ang lalaki at muling nakakita. Doon na siya tuluyang namaalam sa kaniyang asawa at nagpasalamat dahil hindi siya iniwan nito sa kadiliman.