
Labis na Minamahal ng Lalaki ang Asawa ng Kaniyang Pinsan; Hindi Niya Inakala na Mapapalapit Din ang Puso Nito sa Kaniya
Matagal nang may pagtingin si Jessie kay Princess subalit may asawa na ang babae. Ang nagmamay-ari ng puso nito ay ang kaniyang pinsan na si Dick.
Minsan, kahit na wagas ang nararamdamang pag-ibig ay kailangang iwaksi alang-alang sa tama, pero nahihirapan si Jessie, hindi ganoon kadaling iwaksi ang nararamdaman niya sa babaeng tinatangi ng kaniyang puso.
Isang umaga, nang magising si Jessie ay bumungad agad sa kaniya ang mag-asawa.
“Hum… ang bangu-bango mo talaga, honey!” malambing na wika ni Dick kay Princess.
“Sus, nambola ka na naman! ‘Di pa nga ako nakakaligo, eh!” sagot ng babae.
Kahit nasasaktan ay pinilit na hinarap ni Jessie ang dalawa.
“Good morning!” aniya.
“O, insan… kagigising mo lang? Tanghali na, ah!” tanong ni Dick.
“Oo nga eh, napuyat kasi ako kagabi. May tinapos akong trabaho. Mag-a-alas-dos na yata ako nakatulog,” sagot niya.
“Ganoon ba? Ah, nga pala… gusto mong sumama sa amin? Pupunta kami sa Batangas para mag-swimming ngayong darating na Sabado,” yaya ng pinsan.
“Kayo na lang. Wala naman akong gagawin doon, eh! Wala naman akong ka-partner, maiinggit lang ako sa inyong mag-asawa,” tugon niya.
“Eh, ‘di manghaltak ka na lang ng bebot doon!” tatawa-tawang sabi ni Dick.
Natawa na rin si Jessie sa sinabi ng pinsan.
“Loko ka talaga! Baka isipin pa ng mga babae ay manyakis ako at baka walang pumayag!”
“Naku, ‘yang guwapo mong ‘yan, tiyak na hindi ka mahihirapang makakuha ng ka-date!” sabad ni Princess.
Kinagabihan, hindi makapag-isip nang tama si Jessie sa ginagawa niyang trabaho dahil hindi maalis sa utak niya si Princess. Tama naman ang sinabi nito, na hindi siya mahihirapang makahanap ng babae na maide-date dahil maraming babae ang naghahabol sa kaniya dahil nga bukod sa maganda siyang lalaki ay may maipagmamalaki rin siyang katawan na pangromansa, ngunit hindi siya ang klase ng lalaking pumapatol sa babae dahil lang sa pangangailangan ng laman.
“Oh, Princess, bakit hindi ka maalis sa isip ko! Hindi ko tuloy matapus-tapos itong ginagawa kong trabaho! Ginugulo mo ang utak at puso ko, gusto kita, gustung-gusto, pero hindi na malaya ang puso mo,” wika ni Jessie sa isip.
Kahit mahirap ay kailangang isantabi ang tunay na itinitibok ng puso dahil magkakasama silang tatlo sa iisang bubong. Malapit kasi sa pinapasukang opisina ni Jessie ang bahay nina Dick at Princess kaya inalok siya ng pinsan niya na doon muna tumira para hindi mahirapan sa pagbiyahe.
Isang araw, wala sa bahay si Dick at silang dalawa lang ni Princess ang naiwan.
“Jessie, puwede ka bang maistorbo sandali? Wala kasi si Dick, eh, hindi pa umuuwi. Nasira ‘yung aircon namin sa kuwarto, baka maaari mo namang ayusin,” sambit ng babae.
“Sure, ako ang bahala, ayos agad sa akin ‘yan!” tugon ni Jessie.
Matapos na maayos ang aircon ay agad na nagpasalamat ang babae.
“Thank you ha! Ang bilis mo namang magkumpuni!”
“Walang anuman. Eksperto ako pagdating sa pag-aayos ng aircon,” sagot ng lalaki.
May biglang itinanong si Princess na ikinagulat niya.
“Hindi ka ba nalulungkot na mag-isa, Jessie? I mean, hindi ka ba nalulungkot na walang partner?” tanong ng babae.
“H-hindi naman, sanay na kasi ako,” tugon ni Jessie.
“Dapat sa iyo, mag-asawa na para may mag-aasikaso na ng mga pangangailangan mo,” hayag pa ni Princess.
“Hindi naman nag-aasawa ang isang tao para lang may mag-aasikaso sa kaniya, marunong akong maglaba, magluto, mamalantsa, lahat ng mga gawaing bahay ay alam ko. Kaya kong dalhin ang sarili ko, hindi ko kailangan ng tagapag-asikaso. Ang tao, dapat mag-asawa dahil umiibig siya at ‘di dahil sa anupaman,” makahulugang sagot ni Jessie sa kausap.
Hindi makapaniwala si Princess sa itinugon niya.
“Ang ibig bang sabihin niyan, wala ka pang babaeng nagugustuhan?” tanong ng babae.
“W-wala pa,” pagsisinungaling niya ngunit ang gusto talagang sabihin ng puso niya ay meron na, pero ang problema…pag-aari na ito ng iba.
Kinagabihan, lasing na lasing na umuwi si Dick na ikinagalit na ni Princess.
“Umuwi ka pa! Mag-iisang linggo kang hindi umuwi tapos ay lasing ka pa!” sumbat niya sa lalaki.
“Huwag mo akong sermunan, pagod ako. Ang mabuti pa’y ipaghain mo ako’t nagugutom ako!” sagot ni Dick sa kaniya.
Sa sobrang inis ni Princess ay sinagot niyang muli ang asawa.
“Wala! Wala ka namang ibinibigay na pera sa akin, eh!”
Nagpanting ang tainga ni Dick.
“Buwisit! Kung wala kang maipapakain sa akin, ang mabuti pa’y aalis na lang ulit ako!” galit na tugon ng lalaki saka lumabas ng kanilang bahay.
Walang nagawa si Princess kundi ang umiyak. Hindi siya manhid para hindi maramdaman ang panlalamig sa kaniya ni Dick. Sa tuwing umaalis ito ay nangangamba siya na baka iyon na ang huli nilang pagkikita. Sa isang buwan ay bihira na itong umuwi sa bahay nila. Ang ikinakatwiran ng lalaki ay palagi itong nadedestino sa malayong lugar para magtrabaho.
Minsan, nangyari ang pinangangambahan ni Princess, magta-tatlong buwan na pero hindi pa rin bumabalik ang mister kaya hindi na siya matiis na tulungan ni Jessie.
“O, kaunting pera… kakailanganin mo ito para may sarili kang panggatos,” wika ng lalaki sabay abot sa kaniya ng pera.
“Nakakahiya na sa iyo, Jessie,” tugon niya.
“Wala ‘yon! Sino pa ba ang magtutulungan, ‘di ba? Ano ba kasi ang problema niyo ni Dick?”
“Huwag na lamang natin pag-usapan, Jessie. Bumibigat lang ang dibdib ko kapag naiisip ko ang pinsan mong ‘yon, eh!”
Nalulungkot man pero sa isang banda’y ikinatutuwa ni Jessie ang nangyayari kay Princess.
“Ibig mong sabihin, pare eh, sinusuportahan mo si Princess sa lahat ng pangangailangan niya habang wala ang pinsan mo? Ikaw ang nagbabayad ng kuryente, tubig, internet pati pang-grocery? Ano ka, asawa niya? Anong tawag mo sa ginagawa mo, ‘di ba katangahan!” pang-aasar ng kaibigan ni Jessie na si Santi nang dumalaw ito sa kaniya.
“Kung katangahan man ‘yon, wala akong pakialam. Para sa akin, that is love, pare,” tugon niya sa kaibigan.
“Kahit alam mong wala kang mapapala sa bandang huli?”
“Alam mo, kapag mahal mo ang isang tao, gagawin mo ang lahat para sa kaniya, kahit pa magmukha kang tanga, kahit mapagkamalan ka pang baliw,” sagot pa ni Jessie.
“Ikaw na talaga, pare. Ikaw na ang baliw sa pag-ibig!” natatawang sabi ni Santi.
Sa matagal na pagkawala ni Dick ay mas lalong napalapit sa isa’t isa sina Jessie at Princess. Si Jessie ang kasa-kasama ng babae sa mga espesyal na okasyon na dapat ay si Dick ang kasama nito.
“Ano kasing sorpresa mo sa akin, Jessie?” tanong ni Princess.
“Shhh, huwag ka munang didilat, kaya nga surprise, eh!” sagot ni Jessie habang inaalalayan ang babae sa paglalakad papunta sa hapagkainan.
Maya maya pa’y…
“Dyaraaan! Happy birthday, Princess!”
‘Di makapaniwala si Princess sa sorpresa ni Jessie. Ipinaghanda siya nito ng masasarap na pagkain na nasa mesa. May malaking chocolate cake pa at kandila na para bang romantic scene sa isang pelikula.
“Oh, thank you, Jessie! Nag-abala ka pa!” tuwang-tuwang sagot ng babae.
Hindi napigilan ni Princess na maluha sa ginawa ng lalaki.
“Buti ka pa, hindi mo nakalimutan ang birthday ko,” naiiyak na sabi ni Princess.
“Tinandaan ko talaga ‘yon. Halika na, pagsaluhan natin ang inihanda ko, may wine rito, magpapakalasing din tayo pagkatapos kumain para makalimutan natin ang mga problema, let’s celebrate!”
“Pero sobra na ito, Jessie. Hindi ko alam kung anong sasabihin o kung paano magpapasalamat sa lahat ng kabaitan mo sa akin,” naluluha pa ring tugon ng babae.
“Tama na nga ang drama! Birthday na birthday mo, eh, umiiyak ka! Tahan na, at kumain na tayo’t baka lumamig pa ang mga inihanda ko.”
“Sige na nga, titikman ko kung talagang masarap ‘yang mga inihanda mo.”
Matapos nilang kumain ay pinagsaluhan na nila ang wine ngunit nasobrahan yata sila sa pag-inom kaya nakalimot sila sa mga sarili at may nangyari sa kanila. Pero alam nina Jessie at Princess na hindi lang dahil sa espiritu ng alak kaya nagsalo ang kanilang mga katawan. Normal pa rin ang takbo ng kanilang isipan, kaya lang ay mas nanaig ang sigaw ng kanilang puso’t hindi napigilan ang init ng kanilang damdamin.
Ngunit habang pinagsasaluhan nila ang halimuyak ng mga sandaling iyon ay biglang dumating ang hindi nila inaasahan…
“Anong ibig sabihin nito? Mga walang hiya kayo!” sigaw ni Dick nang dumating ito at nakita sila na nagnin*ig sa kama.
“D-Dick!”
Mabilis na sinunggaban at sinuntok ni Dick si Jessie.
“Tar*ntado ka! Ikaw pa na pinsan ko ang mang-aahas sa akin!”
Sa lakas ng suntok ay bumagsak sa sahig si Jessie. Hindi agad nakatayo.
“Bakit ka pa bumalik dito, Dick? Tigilan mo na ako! Umalis ka na rito!” sigaw ni Princess.
“Aba’t ikaw pa itong may ganang magalit pagkatapos mo akong pagtaksilan?!” singhal ng lalaki.
“At anong gusto mo? Matuwa ako? Ako ba ang unang nanloko o ikaw? Alam ko na ang panlolokong ginagawa mo sa akin, Dick! Doon ka na lang sa tunay mong asawa! Bumalik ka na sa tunay mong pamilya!” matapang na tugon ni Princess.
Laking gulat ni Jessie sa sinabi ng babae.
“Pinaniwala mo ako na binata ka, pinaasang pakakasalan, minahal kita pero anong napala ko?” sagot pa ni Princess na hindi na napigilang mapahagulgol.
Matagal na palang alam ni Princess na may asawa at mga anak si Dick. Ang akala niya’y binata ito at walang pananagutan, ‘yon pala’y niloko at pinaasa lang siya nito at ginawa lang kabit. Mahal niya si Dick kaya nagtiis siya rito ngunit sa pagdaan ng mga araw ay nawala ang lahat ng pagmamahal niya sa lalaki at napalitan ng galit at sama ng loob.
Hindi na natagalan pa ni Dick ang mga panunumbat ni Princess kaya dali-dali itong umalis.
“Bahala na kayo sa buhay niyo! Kung ayaw mo na, eh ‘di huwag!” inis na sabi ng lalaki.
Nang makaalis si Dick ay saka nag-usisa si Jessie.
“Tama ba ang narinig ko? Hindi kayo kasal, pero akala ko’y…”
“Oo, Jessie, hindi kami kasal. Hindi totong trabaho niya ang dahilan kung bakit palagi siyang wala. Kaya palagi siyang hindi umuuwi rito sa bahay ay dahil umuuwi siya sa tunay niyang pamilya. Kailan ko lang din iyon natuklasan, pero okay lang kahit na mawala siya sa buhay ko. Wala akong dapat na panghinayangan dahil nariyan ka naman, eh, hindi mo naman ako iiwan ‘di ba?” tugon ni Princess.
“Kung gayon ay…”
“Alam kong nararamdaman mo sa akin, Jessie, noon pa. Natiyak ko na may nararamdaman na rin ako sa iyo mula nang palagi tayong magkasama. Napamahal ka na sa akin. Ikaw ang mas karapat-dapat na magmay-ari nitong puso ko,” bunyag pa ni Princess.
Labis ang kasiyahan ni Jessie sa ipinagtapat ng babae. Agad niya itong niyakap nang mahigpit at ikinulong sa kaniyang mga bisig.
“O, Princess, ako na yata ang pinakamaligayang lalaki sa buong mundo dahil natitiyak ko na mahal mo rin ako. Huwag kang mag-alala, hinding-hindi kita iiwan.”
At itinuloy nila ang naudlot na init at sarap ng pag-ibig hanggang sa matapos ang magdamag.
Mula noon ay hindi na nagpakita pa sa kanila si Dick. Makalipas ang isang taon ay nagpasiya na rin silang magpakasal at bumuo ng sarili nilang pamilya. Naging maligaya sina Jessie at Princess sa piling ng isa’t isa dahil sila talaga ang tunay na itinadhana.