Mula Pagkabata ay Pasan na ng Dalaga ang Hirap Dahil sa Kaniyang Kapansanan; ‘Di Niya Inasahan ang Pagbabago sa Buhay Niya

Maagang naulila si Gwen sa mga magulang. Ang tanging kasama na lamang niya sa buhay ay ang kaniyang tiyahin na si Doray.

Mula pagkabata ay kinamumuhian na ni Gwen ang kaniyang likod dahil iyon ang dahilan ng kalungkutan niya sa buhay. Sa edad na sampung taon ay pinapansan na niya ang hirap ng pagiging isang ‘kuba’.

“Ang hirap naman po ng sitwasyon ko, tiyang! Bakit po ba kasi ako nagkaganito? Ano ba itong tumubo sa likod ko?” umiiyak niyang tanong sa tiyahin.

“Sanggol ka pa lang ay taglay mo na ang umbok na ‘yan sa iyong likod, Gwen. Ang sabi ng iyong ina ay dahil daw ‘yan sa sumpa ng isang babaeng niloko noon ng iyong ama. Tataglayin mo raw ang sumpang ‘yan hanggang ‘di ka nakakatagpo ng isang lalaking tunay na magmamahal sa iyo,” sagot ni Doray sa pamangkin.

“Matagal pang mangyayari ‘yon, tiyang! Ilang taon pa pala ang ipaghihintay ko… hanggang kailan ako ganito? Hirap na hirap na ako sa kalagayan ko!” wika ni Gwen na mugto na ang mga mata kakaiyak.

Kahit naaawa ay walang magawa si Doray sa paghihirap na nararamdaman ng pamangkin kaya dinadamayan na lamang niya ito sa pagtangis at umaasa na mawawala ang sumpa sa takdang panahon.

Habang lumalaki at nagkaka-edad si Gwen ay lumalaki rin ang umbok sa kaniyang likod kaya hindi naiwasan na punahin siya at alipustahin ng mga tao sa kaniyang paligid nang siya ay nagdalaga.

“Si Gwen na kuba, o! Mas lumaki pa ang umbok sa likod niya, ang pangit tingnan!” pang-aasar ng isang lalaking tambay nang minsang naglalakad siya pauwi sa kanilang bahay.

Advertisement

“Anak yata ng impakto ang babaeng ‘yan eh, o may sa maligno!” sabad pa ng isa.

Imbes na pansinin ay labas na lang sa kabilang tainga ang mga panlalait na iyon sa kaniya.

“Sadya talagang mapanghusga ang mga tao,” wika niya sa isip.

Napapansin din ni Gwen na tila bumibigat ang umbok sa kaniyang likod na tila may kung anong nakapaloob doon at minsan ay pinahihirapan din siya nito.

“Araykupo! Sumasakit na naman! Diyos ko! Hindi ko kayang tumayo at kumilos sa sobrang sakit ng likod ko! Hirap na hirap na ako!” sambit niya habang umiiyak nang misang sumpungin ang umbok sa likod niya.

Isang araw, may dumating sa kanilang bahay na hindi niya inaasahan.

“Magandang umaga po, nabasa ko ang karatula na nakasabit sa gate niyo na nangangailangan kayo ng hardinero. Nagbabakasakali sana akong mag-apply,” tanong ng isang lalaki.

“Ay, oo. Kailangan talaga namin ng bagong hardinero dahil nagretiro na ang dati naming hardinero. Ano ang pangalan mo? May karanasan ka na ba sa paghahalaman?” sagot ni Gwen nang pagbuksan niya ito ng gate.

Advertisement

“Opo. Ako po pala si Lucho. Nagmula ako sa probinsya, dati akong magsasaka, eh, sinubukan kong makipagsapalaran dito sa Maynila para maghanap ng trabaho. Nakita ko itong karatula baka sakaling palarin,” tugon ng lalaki.

Agad na natanggap sa trabaho si Lucho. Hindi naman nagkamali sina Gwen at ang tiyahin nitong si Doray na tanggapin ang lalaki dahil bukod sa ubod ng sipag ay mabait at mapagkakatiwalaan pa ito. Dahil sa magagandang katangian ay madaling nahulog ang loob ni Gwen kay Lucho at ganoon din ito sa dalaga.

“Hindi ka ba naiilang sa akin, Lucho? Ang ibang tao’y nilalayuan ako at kinatatakutan ang umbok ko sa likod,” tanong ni Gwen nang minsang nagkasarilinan sila.

“Bakit naman ako maiilang o matatakot sa iyo? Maganda ka naman, ah! Kung wala ‘yang umbok sa likod mo’y puwedeng-puwede kang maging modelo o artista,” sagot ni Lucho.

Napangiti si Gwen sa sinabing iyon ng lalaki. Ramdan naman niya na sinsero ito.

“Eh, bakit hindi mo ipaopera ang umbok sa likod mo, Gwen? Siguradong kaya mo ‘yon dahil malakas naman ang katawan mo’t hindi problema sa iyo ang pera dahil may kaya ang pamilya mo,” sambit pa ng lalaki.

“Ilang beses ko nang sinubukan ‘yan, Lucho at iisa lang ang sinasabi ng mga doktor na tumingin sa akin… maaari ko raw ikamat*y kung ipapaopera ko ang umbok sa likod ko,” malungkot na tugon ni Gwen.

Ang hindi alam ni Gwen ay nakamatyag lang sa kanila ang tiyahing si Doray. Pansin din nito ang pagiging malapit nila ni Lucho sa isa’t isa. Isang gabi ay kinausap siya ng tiyahin.

Advertisement

“Mag-iingat ka sa lalaking ‘yon, Gwen. Wala akong tiwala sa kaniya. Baka dagdagan lang niya ang mga pagdurusa mo sa buhay,” payo ni Doray sa pamangkin.

“Mabait po si Lucho, tiyang. Alam kong tapat siya sa kaniyang mga sinasabi,” sagot ng dalaga.

“Ang sa akin ay pinapayuhan lang kita, hija. Baka pera lang ang hangad ng lalaking ‘yon sa iyo kaya nakikipaglapit siya. Marami pa naman ngayong mga mapagsamantala sa kahinaan ng iba,” saad pa ni Doray.

“Alam ko po ‘yon, tiyang, pero iba po si Lucho. Hindi siya ganoong klaseng tao,” pagtatanggol pa ni Gwen sa lalaki.

‘Di nagtagal, dahil sa malimit na pag-uusap at pagkikita ay umusbong ang pag-ibig nina Gwen at Lucho sa isa’t isa.

“Totoo ang nararamdaman ko sa iyo, Gwen, mahal kita! Una pa lang kitang nakita ay may kung ano nang bumulong sa puso ko na nagsasabing gusto kita!” wika ni Lucho.

“Baka nabibigla ka lamang sa mga sinasabi mo, Lucho? Hindi ako nababagay sa tulad mo na normal, samantalang ako, ito may kapansanan,” tugon ni Gwen.

“Wala akong pakialam kung may umbok ka man sa likod. Ang mahalaga ay ang nararamdaman ko sa iyo. Mahal kita at tanggap ko ang lahat-lahat sa iyo, Gwen. Hindi rin ako interesado sa pera niyo, kung gusto mo’y nakahanda akong pumirma ng prenuptial agreement at kung gusto mo, ngayon din ay magpapakasal tayo,” sambit ni Lucho na masuyong hinawakan ang kaniyang mga kamay.

Advertisement

Dahil mas nanaig sa dalawa ang tunay na nararamdaman ay hindi na tumutol pa si Gwen sa alok ni Lucho. Agad na idinaos ang simpleng seremonya ng kanilang kasal. Si Lucho mismo ang gumastos sa pag-iisang dibdib nila at walang inilabas ni kusing si Gwen. Ipinakita talaga ng lalaki na tapat at totoo ang hangarin nito kay Gwen.

Hindi pa rin makapaniwala si Doray sa wagas na pag-iibigan ng kaniyang pamangkin at ni Lucho. Wala na rin siyang nagawa sa pagpapakasal ng mga ito. Nilapitan niya ang pamangkin at may ibinulong.

“Mapalad ka, hija, at may nagmahal sa iyo nang totoo. Ito na ang huling araw ng paghihirap mo,” sabi ng tiyahing si Doray.

“Tiyang!” gulat na sambit ni Gwen sa sinabing iyon ng tiyahin.

Hindi pinansin ni Gwen ang ibinulong sa kaniya ng tiyahin. Alam niyang ang tinutukoy nito ay ang sumpa ngunit para sa kaniya ay hindi na mahalaga iyon, ang mahalaga ay may lalaking nagmahal sa kaniya sa kabila ng kapansanan niya. Wala na siyang pakialam kung totoo man ang sumpa o hindi. Tanggap na niya na habambuhay niyang dadalhin ang umbok sa likod basta kapiling niya si Lucho.

Kinagabihan sa kanilang pulot gata ay biglang sumumpong ang sakit sa likod ni Gwen.

“Aray! Hindi ko na matagalan ang sakit, Lucho!” hiyaw ni Gwen.

Laking gulat naman ng lalaki nang mapansin ang nangyayari sa likod ng asawa.

Advertisement

“Diyos ko! Ang likod mo, nabibiyak!” sigaw ni Lucho.

Nabiyak ang umbok sa likod ni Gwen at mas ikinagulat nila ang lumabas doon.

“Mga basura at malalaking bato!” sabay na wika ng mag-asawa.

Pagkatapos niyon ay biglang naghilom ang sugat sa likod ni Gwen at nawala na ang umbok. Naging normal na ang likod ng babae. Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa kanilang nasaksihan. Totoo nga ang sumpa at himalang nawala iyon at gumaling si Gwen.

“Tapos na ang sumpa, Lucho, tapos na! Salamat sa Diyos!” hagulgol ni Gwen na napayakap nang mahigpit kay Lucho.

“Ibig sabihin ay totoo ang sinabi mo sa akin noon tungkol sa sumpa. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari, pero nagpapasalamat ako dahil ligtas ka na, mahal ko. Tapos na ang mga paghihirap mo,” tugon ng mister na sinuklian din nang mahigpit na yakap ang asawa.

Sa kabilang banda, sa kuwarto ng tiyahin ni Gwen na si Doray…

“Sa wakas, tapos na ang paghihirap mo, aking pamangkin. Natapos na rin ang sumpa ko sa iyong ama na nanloko sa akin noon matapos akong ipagpalit sa aking kapatid. Ngayon ay matatahimik na ako at magiging normal na ang iyong buhay kasama ang lalaking nagmamahal sa iyo nang totoo,” sambit ni Doray na hindi mapigilan ang pagluha sa sobrang kasiyahan.

Advertisement

Walang kamalam-alam si Gwen na ang sarili niyang tiyahin pala ang may kagagawan ng sumpa sa kaniya. Lingid sa kaniya ay isang mangkukulam ang tiyahin niyang si Doray na isinumpa ang kaniyang ama dahil sa sakit na naramdaman nito nang lokohin, iwan, at ipagpalit sa kaniyang ina na nakakabatang kapatid nito. Masakit man sa kalooban ni Doray ang ginawa sa kaniya ay wala itong nagawa dahil ang ginawang sumpa ay hindi na maaaring bawiin. Mawawala lang ang bisa nito kung may lalaking magmamahal ng totoo sa kaniya na natupad naman dahil dumating sa buhay niya si Lucho na totoong nagmahal sa kaniya sa kabila ng kapansanan niya.