
Biglaan ang Naging Pag-uwi ng Isang OFW sa Pilipinas Dahil sa Balitang Naospital daw ang Kaniyang Ina; Iba Pala ang Aabutan Niya sa Kaniyang Pagdating
“Okay, Clarisse, be careful when you go home, okay? Here’s your salary and your pocket money. I hope your mom will be okay soon. Me and the kids will miss you, so please come back soon.”
“Thank you so much, ma’am. You are such a blessing to me!” maluha-luhang sagot ni Clarisse sa kaniyang among haponesa, matapos siya nitong payagang umuwi sa ‘Pinas kahit pa nga hindi pa ito ang oras ng kaniyang bakasyon. Matapos kasi niyang matanggap ang balitang isinugod daw sa ospital ang kaniyang ina ay agad siyang nagpaalam sa mga amo na kung pupuwede ay agahan niya ang kaniyang pagbabakasyon upang personal niyang maalagaan ang kaniyang mama. Mabuti na lamang at talagang napakabait ng kaniyang mga amo kaya naman agad nila siyang pinayagan.
Kinakabahan si Clarisse habang nasa biyahe siya pauwi. Puno ng pag-aalala ang kaniyang isip at puso para sa kaniyang mga kapamilya kaya naman hindi na niya naisipan pang sabihin sa mga ito ang biglaan niyang pag-uwi upang hindi na sila mag-abala pang sunduin siya sa airport.
Dahil biglaan ang kaniyang naging pag-uwi ay tanging ang kaunting ipon lamang niya ng pera ang kaniyang dala-dala, pati na rin ang pocket money na ibinigay sa kaniya ng mabait na amo. Ganoon pa man ay nasasabik pa rin si Clarisse na makita ang kaniyang mga kapamilya kahit pa sa pag-uwi niyang ito ay wala siyang gaanong dala. Balak niya ay bumawi na lamang ulit sa susunod. Ang mahalaga ay gumaling na muna ang may sakit nilang ina.
Magdidilim na nang dumating si Clarisse sa kanilang lugar. Malayo pa lamang siya sa kanilang tahanan, habang lulan ng tricycle ay dinig na dinig na niya ang malakas na hiyawan sa loob ng kanilang bakuran. Ang hiyawang iyon ay may kasamang kantiyawan at mga tawanan na animo mga nagkakatuwaan pa ang mga tao sa loob.
Laking pagtataka ni Clarisse nang maabutang tila nagmistulan nang isang malaking pasugalan ang loob ng kanilang bakuran dahil napakaraming mga taong naroon at naglalaro ng mga baraha at iba’t iba pang klase ng mga sugal! Isa pa sa pinakaikinagulat niya ay nang mamataan sa isa sa mga kumpulan ang kaniyang ina, kasama ang kaniyang nakababatang kapatid na pareho ring naglalaro ng baraha habang may mga nakabalandrang pera sa harapan nila!
Nanlaki rin ang mga mata ng ina ni Clarisse. Hindi nito alam kung papaano ipaliliwanag sa kaniya ang kaniyang nadatnang sitwasyon sa kanilang bahay.
“A-anak, bakit hindi ka man lang nagpasabing uuwi ka pala?” tanong ng kaniyang mama sa kaniya sa nanginginig na boses. Ang mga mata nito ay hindi mapakali at ni hindi makatingin sa kaniya nang diretso.
“Akala ko ho kasi, nasa ospital kayo katulad ng sinabi ninyo sa akin. Kaya nagmadali akong umuwi rito!” Natawa nang mapakla si Clarisse matapos sabihin iyon, bago siya nagpatuloy. “Iyon pala, sinabi n’yo lang ’yon dahil ubos na ang huling padala ko. Wala na kayong pangtustos dito sa bisyo n’yo,” mariin pang sabi niya. Puno ng hinanakit ang kaniyang puso.
“Anak, hindi—hayaan mo akong magpaliwanag!” Ngunit bingi na si Clarisse sa ano pa mang sasabihin ng mga ito.
Labis na nasasaktan si Clarisse sa isiping habang nagpapakahirap siyang magtrabaho sa ibang bansa ay nagpapakasasa naman sa kaniyang mga padala ang kaniyang mga kaanak na wala namang ibang ginawa kundi ang manghingi sa kaniya nang manghingi! Pagkatapos ngayon ay malalaman niya pang ang perang ipinadadala niya ay madalas lamang nilang ubusin sa pagsusugal?!
Animo siya nagmistulang bangko ng kaniyang mga kapatid at magulang na maaalala lamang nilang pansinin kung sila ay mangangailangan na ng pera!
Dahil doon ay nagpasya nang bumalik kaagad si Clarisse sa ibang bansa. Naisip niya na buti pa ang pamilya ng kaniyang mga amo ay mabait sa kaniya at itinuturing siyang pamilya, samantalang ang kaniyang mga tunay na kaanak ay hindi. Nagpasya si Clarisse na simula noon ay putulin na muna ang ugnayan niya sa kaniyang mga kaanak upang kahit papaano ay matutunan naman nilang magbanat ng sarili nilang buto at nang hindi lamang sila asa nang asa sa kaniya.
Samantala, labis naman ang paghihirap na dinanas ng mga kaanak ni Clarisse sa ‘Pinas simula nang putulin niya ang kaniyang sustento sa kanila. Noon lamang nila napagtanto kung gaano pala talaga kahirap kumita ng pera sa panahon ngayon. Sinayang nila ang kabutihan ni Clarisse. Inabuso nila. Ngayon ay labis silang nagsisisi sa kanilang mga ginawa. Umaasa sila na balang-araw, hindi man tulad ng dati, sana ay mapatawad pa sila ni Clarisse.
Sa ngayon ay pagtutuunan na lamang muna ni Clarisse ang sarili at mag-iipon para sa kaniyang kinabukasan dahil alam niya na ngayong sarili lang din lamang niya ang kaniyang maaasahan sa oras ng kagipitan o pangangailangan.