
Minahal at Itinuring Niyang Pamilya ang Kaniyang mga Tauhan at Kasambahay; Ngayong Matanda na Siya’y Sila rin Pala ang Kaniyang Masasandalan
Abala ang mga tao sa mansiyon ng mga Dela Torre dahil sa pagdating ng mga hindi pamilyar na kaanak ni Seniora Greta. Matagal nang hindi dinadalaw ng sinasabing mga kaanak na ito ang seniora kaya naman ni isa ay walang kakilala sa mga ito ang mga bagong tauhan niya. Ngunit ang mayor domang si Manang Felicidad ay pamilyar pa sa iba sa kanila lalo pa at noon ay madalas magkaroon ng gatherings sa mansyong ito. Noong mga panahong masaya pa ang kanilang amo.
Buhat kasi nang iwan ng kaniyang asawa upang sumama sa matalik na kaibigan pa man din ni Seniora Greta ay animo ikinulong na rin nito ang kaniyang sarili sa mansyong iyon at sa kaniyang opisina. Siguro’y iyon din ang dahilan kung bakit naging napakamatagumpay naman ng negosyong itinayo nito nang mag-isa. Isinarado niya ang pintuan ng kaniyang puso at hindi na muling nagmahal pa ng ibang lalaki. Takot na kasi itong magtiwalang muli pagdating sa pag-ibig at ganoon din sa pakikipagkaibigan.
Kilala si Seniora Greta bilang magaling, ngunit istrikto at nakakatakot na negosyante. Ngunit kabaliktaran sa inaakala ng iba ay napakabuti nitong boss sa kaniyang mga tauhan, lalong-lalo na sa mga kasama niya sa bahay. Parang sariling pamilya na kung ituring ng seniora ang mga ito. Kasabay niya sila sa tuwing siya ay kakain, kabilang na ang kaniyang driver, ultimo ang kaniyang hardinero. Ang kanilang mga anak ay pawang mga paaral din ni Seniora Greta at ilang taon nang sinusuportahan hanggang sa kanilang mga apo.
“Manang Feli, sino ba ’yang mga ’yan at bakit naisipan nilang pumunta rito, samantalang ilang dekada na yata nilang hindi nagagawang bisitahin man lang si Seniora Greta?” tanong ng kapwa kasambahay kay Manang Felicidad habang nag-aayos sila ng gamit ng mga bisita.
Agad namang napailing si Manang Felicidad nang maalala ang tunay na dahilan ng pagparito ng mga kaanak ng kanilang amo. “Nalaman kasi nilang may sakit ang seniora. Sigurado akong umaasa sila na sa kanila iiwan ng amo natin ang lahat ng kaniyang mga ari-arian kung sakaling matutuluyan siya sa sakit niyang ’yon,” malungkot pang sabi ng matandang mayor doma sa kasamahan.
“Ano?!” Nagulat naman si Evelyn. “Aba’t ang sasama naman ng ugali ng mga ’yan! Paano mo nalaman ang tungkol sa plano nilang ’yan, manang?” dagdag pang tanong nito.
“Ang totoo ay kinausap ako ng pinsan ni Seniora Greta tungkol diyan, bago pa man sila nagpunta rito. In-offer-an nila ako ng malaking halaga kapalit ng pagsunod ko sa mga kagustuhan nila. Balak nila akong utusan na lasunin ang seniora upang hindi na siya gumaling pa at magmukhang natural lamang ang kaniyang pagkawala sa mundo… ngunit hinding-hindi ko kayang gawin ’yon sa amo natin. Handa akong ibuhos ang buong buhay ko para sa kaniya, ngunit nakiayon ako sa mga kaanak niya upang mahuli ko sila sa akto.”
Dahil sa isiniwalat ng mayor doma ay nanlalaki ang mga matang nasapo ni Evelyn ang kaniyang bibig. Hindi siya makapaniwala na may mga kagaya nilang kayang gawin iyon sa isang napakabuting taong katulad ni Seniora Greta! Matapos ang usapan nilang iyon ay agad na nagpulong ang mga tauhan sa mansyon upang pagplanuhan kung paano nila poprotektahan ang kanilang amo. Mahal nila ang matanda, kahit pa nga uugod-ugod na ito. Handa silang ialay ang buong katapatan dito tanda ng pagtanaw nila ng utang na loob sa kabutihang ipinaranas sa kanila ni Seniora Greta.
Walang kaalam-alam ang matandang seniora na ang mga tauhan niya na pala ang siyang nagpo-proteksyon sa kaniya laban sa masasamang balak ng kaniyang mga kaanak na ang habol lamang sa kaniya ay pera. Nangalap ng ebidensya ang mga ito nang hindi ipinaaalam sa kaniya dahil sa pag-aalalang baka makasama pa sa kaniyang kalagayan ang labis na pag-iisip.
Hindi nagtagal, sa wakas ay nakahanap na rin ng sapat na ebidensya ang mga kasambahay tungkol sa masamang balak ng mga kaanak ni Seniora sa kaniya at doon na nila ipinaalam sa amo ang kanilang natuklasan. Agad namang gumawa ng paraan si Seniora Greta upang maparusahan ang may mga sala. Dahil doon ay agad din niyang inayos ang kaniyang last will and testament na nagsasabing, sa oras na siya ay mawala, ang lahat ng kaniyang mga ari-arian ay ipamamana niya sa kaniyang mga tauhang naging matapat sa kaniya sa loob ng mahabang panahon.
Ang pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa ay masusuklian din ng kapantay na pagmamahal. Ang sabi nga sa kasabihan, kung ano ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin.

Inapi ng Mayamang Babae ang Dating Sekretarya nang Makitang Dumalo Rin Ito sa Kasiyahang Pinuntahan Niya; Lingid sa Kaniyang Kaalaman ay Pagsisisihan Pala Niya Iyon
