
Inapi ng Mayamang Babae ang Dating Sekretarya nang Makitang Dumalo Rin Ito sa Kasiyahang Pinuntahan Niya; Lingid sa Kaniyang Kaalaman ay Pagsisisihan Pala Niya Iyon
Pinagtinginan ng mga taong kapwa dumalo rin sa malaking piging na iyon si Claire habang siya ay pumapasok sa venue. Suot niya ang kaniyang mamahaling gown na ipinagawa pa niya sa isang sikat na designer. Tinernuhan niya iyon ng maganda ring sandalyas at kumikinang na mga alahas na talaga namang makaagaw-pansin sa mga tao.
Dahil sa nakukuhang atensyon ay napapangisi si Claire. Lalo niya pang ginandahan ang kaniyang lakad upang lalong maging agaw-pansin ang kaniyang presensya ngayong gabi dito sa party. Gusto niya kasi ang ganoon. Iyong halos kainggitan siya ng lahat ng kababaihan habang pinapangarap naman siya ng iba’t ibang kalalakihan.
Ngunit agad na natapos ang pantasya ni Claire. Maya-maya kasi, habang patuloy siyang naglalakad, ipinagtataka niya kung bakit tila hindi naman sumunod sa kaniya ang mga tingin ng tao. Nanatiling nakapako ang kanilang mga titig sa kaniyang likuran kaya naman hindi niya napigilan ang mapalingon—at ganoon na lang ang biglaang pag-arko ng kilay niya nang mamataan ang isang pamilyar na mukha ng babae!
“Sabrina?!” sambit niya sa pangalan ng dating sekretarya na noon ay sinisante niya dahil nauungusan siya nito pagdating sa pagiging agaw atensyon! “Ang kapal naman ng mukha ng babaeng ito para dumalo sa isang party na para lang sa mga elitistang katulad ko?!” sambit niya pa sa kaniyang isip bago muling tinapunan ng matalim na tingin ang kaniyang dating sekretarya.
Nakasuot ito ng isang magandang gown habang ayos na ayos din ang kaniyang histura na animo isa itong mayamang heredera. Ito pala ang pinagtitinginan ng mga tao at hindi siya!
Sa inis ni Claire ay humakbang siya papalapit kay Sabrina. Agad niyang tinaasan ng isang kilay ang dalaga. Mukha namang nakikilala kaagad siya nito dahil tila nagulat ito nang makita siya.
“Ano ang ginagawa mo rito?” mataray na tanong ni Claire sa nilapitang babae. Umiiral na naman ang pagiging inggitera’t insekyora niya dahil narito na naman ito. Akmang sasagot na sana si Sabrina nang patigilin niya ito gamit ang kaniyang palad. “Never mind. Wala akong pakialam kung ano ang ginagawa mo rito. Basta, tandaan mo… hindi ka bagay dito,” nangingisi pang sabi niya.
Nakita niyang napailing naman si Sabrina ngunit hindi na siya pinagkaabalahan pa nitong patulan. Akmang tatalikuran na sana siya nito nang bigla niyang hablutin ang kaniyang braso. “Saan ka pupunta? Huwag mo akong tinatalikuran dahil kinakausap pa kita!” galit pang anas niya sa kausap.
“P’wede ba, Claire? Ayoko ng gulo. P’wede ba, huwag kang mag-eskandalo rito?”
Ikinagulat ni Claire ang naging pagsagot na iyon ni Sabrina dahil iyon ang unang pagkakataon na nagpakita ito ng tapang sa kaniya. “Hah!” napahiyaw siya. “Nabihisan ka lang nang maganda, akala mo kung sino ka na? Ito ang tatandaan mo, Sabrina. Ano man ang ipalibot mo sa katawan mo, hindi magbabago ang katotohanang isa ka pa ring dukha. Isa ka lang maliit na alikabok kumpara sa akin. Wala kang karapatang dumalo sa party na ’to!”
“Paano siyang mawawalan ng karapatan sa sarili niyang party, Miss Florez?”
Isang tinig ang agad na nakapagpalingon kina Claire at Sabrina. Namataan nila ang isa sa pinakatinitingala ngayong business tycoon na si Mr. Ledesma na siyang nagpadaos ng party ngayon upang ipakilala sa lahat ang kaniyang asawa.
“M-Mr. Ledesma? I-ikaw pala… ano’ng ibig mong sabihin?” nauutal na tanong ni Claire sa guwapong-guwapong lalaking nasa kanila ngayong harapan.
“Hindi mo ba alam? Ang babaeng iniinsulto mo ngayon… siya ang asawa ko, Miss Florez,” mariing sabi pa ni Mr. Ledesma sa kaniya na agad naman niyang ikinagulat.
“A-ano kamo?!”
“Tama ang narinig mo, Miss Florez. Si Sabrina ang asawa ko. Alam mo bang marami akong narinig na ginawa mo sa kaniya noong nagtatrabaho pa siya sa kompanya mo? Ayoko sanang personalin ang bagay na ito, pero sa nakikita ko, parang kailangan ko na yata talagang putulin ang lahat ng ugnayan ko sa ’yo at sa kompanya n’yo ng papa mo,” dagdag pa ni Mr. Ledesma kaya naman hindi na alam ni Claire kung ano ang isasagot niya.
Ito ang pinakamalaki nilang investor at kung ipu-pull out nito ang kaniyang mga in-invest at siguradong magiging malaki rin ang epekto n’yon sa kanilang kompanya! Ngunit ano man ang naging pakiusap ni Claire sa lalaki ay tila bingi na ito sa kaniyang paliwanag. Tinupad nito ang kaniyang sinasabi kaya’t hindi nagtagal ay naging dahilan iyon ng unti-unting pagbagsak ng kanilang kompanya!
Laking pagsisisi ni Claire sa kaniyang ginawang pangmamata at pang-iinsulto sa kaniyang dating sekretarya dahil lamang sa kaniyang pagiging inggitera. Ngayon ay hindi na niya alam kung paano pa ibabangon ang kaniyang kompanya sa pagkalugmok. Ito na yata ang kaniyang karma.

50 Milyong Piso ang Hinihinging Ransom ng Dumukot sa Misis ng Mayamang Don; Ibigay Nga Kaya Niya ang Malaking Halagang Ito Upang Mailigtas ang Ginang?
