
50 Milyong Piso ang Hinihinging Ransom ng Dumukot sa Misis ng Mayamang Don; Ibigay Nga Kaya Niya ang Malaking Halagang Ito Upang Mailigtas ang Ginang?
“50 milyong piso kapalit ng buhay ng misis mo…”
Iyan ang mismong mga pahayag mula sa kidn@per na kumuha sa misis ni Don Severo, na si Donya Consuelo.
“W-Wala akong ganyang kalaking halaga. Maawa naman kayo…” pagmamakaawa ni Don Severo sa mga kidn@per.
“Gumawa ka ng paraan. Marami kang ari-arian, ‘di ba? Ibenta mo! Hindi na namin problema ‘yan. Yung ransom na hinihingi namin o ang asawa mo? Tatandaan mo, kapag humingi ka ng tulong sa mga pulis, hindi mo na makakasama nang buhay ang misis mong kay ganda-ganda pa naman. Sige, kausapin mo ang mister mo!” maya-maya ay saad ng kidn@per. Itinapat nito ang cellphone sa bibig ni Donya Consuelo.
“Severo mahal… mahal… alam kong may pera ka naman at madali mo namang mababawi iyan dahil sa mga ari-arian natin, kaya nagmamakaawa ako sa iyo, pumayag ka na sa gusto nila… ayoko pang mawala sa mundong ito mahal, parang awa mo na…” pumapalahaw at takot na takot ang tinig ni Donya Consuelo sa kabilang linya.
“Oh… narinig mo naman ang misis mo, ‘di ba? Nanggaling na mismo sa kaniya, marami kayong mga ari-arian na puwedeng ibenta. Kaya ano pang hinihintay mo? May isang araw ka para mag-isip nang paraan kung paano makapaglalabas ng perang ibabayad sa amin. Kung hindi…”
Maya-maya, nagpaputok ng baril ang kidn@per. Narinig ni Don Severo ang paghiyaw ng takot na takot na si Donya Consuelo.
“S-Sige-sige, ibibigay ko ang gusto ninyo, pero ipangako mo sa akin na hindi mo sasaktan ang asawa ko. Gagawan ko ng paraan,” lumuluhang pakiusap ni Don Severo.
“Mabuti naman. Sige, itetext ko sa iyo ang detalye kung paano tayo magbibigayan. Tandaan, walang pulis. Ikaw at ako lang ang mag-uusap,” maya-maya ay naputol na ang linya.
“Dad, anong gagawin natin? Kaya ba nating maglabas ng ganiyang kalaking pera sa loob lang ng isang araw?” nababahalang tanong ni Cassandra, ang panganay na anak.
“Kung pagsasama-samahin natin ang mga pera natin, baka makalikom tayo ng ganiyang pera. Ganoon na lang ang gawin natin. Mas mabilis pa,” mungkahi naman ni Alejo, ang pangalawa.
“Hindi ba tayo puwedeng humingi ng tulong sa mga pulis?” tanong naman ni Cecilia, ang bunso.
“Huwag. Mahigpit ang bilin ng kidn@per na huwag ipapaalam sa mga pulis. Baka ikapahamak pa iyan ng Mommy ninyo,” sansala naman ni Don Severo. Napaupo na siya sa sofa. Kinuha niya ang baso ng kaniyang whisky. Sumimsim.
“Daddy, hinay-hinay lang sa pag-inom, ang puso ninyo. Teka, pero sa palagay ko kailangan pa rin nating ipabatid sa mga pulis para matulungan nila tayo, Dad. Kailangan natin ng back-up. Paano kung lokohin nila tayo? Hindi natin alam ang takbo ng pag-iisip nila kaya kailangan natin silang paghandaan,” saad ni Cecilia.
“I definitely agree, dad. Tatawag na ba ako sa mga pulis?”
Hindi pa man nakakasagot si Don Severo ay lumapit sa kanila ang kasambahay na si Aling Dorothy. Matagal na itong naninilbihan sa kanila.
“Mawalang-galang na po. May nais po akong sabihin sa inyo.”
“Ano iyon, Manang?” tanong ni Don Severo.
“A-Alam ko po kung sino ang kidn@per. Kilala ko po…” nanginginig na sabi ni Aling Dorothy.
“P-Paanong kilala mo? Bakit at paanong nangyari iyon?” pag-uurirat ni Cassandra.
“Pero bago po iyan, may dapat po muna kayong malaman… gustong-gusto ko na po itong ipagtapat sa inyo ang lahat. Kaya lang, pinipigilan po ako ni Donya Consuelo. Tatanggalin daw po niya ako sa trabaho kapag nagsumbong ako.”
“Ano nga iyon, Manang, sabihin mo na?!” naiiritang sabi ni Alejo. Ayaw pa naman niya nang mga ganoong pambibitin.
At nagkuwento na nga si Aling Dorothy. Hindi makapaniwala ang lahat, lalo na si Don Severo.
“Alejo, tawagan na ninyo ang mga pulis. Makikipagkita tayo ngayon din sa kidn@per,” tiim-bagang na utos ni Don Severo sa anak.
Matapos ilahad sa mga pulis ang kanilang problema, agad na nagtungo sina Don Severo at ang kaniyang mga anak sa hide out na sinabi ng kidn@per na puntahan niya, para sa palitan nila ng pera at ni Donya Consuelo.
Pagdating sa lugar na iyon, kitang-kita nila ang kanilang inang si Donya Consuelo, na nakaupo sa isang upuan, may tali ang mga kamay at may busal ang bibig.
“Hindi ba sabi ko sa iyo ikaw lang ang pupunta rito? Bakit isang barangay yata ang dala-dala mo…”
Nagulat ang kidn@per dahil nagsilabasan na nga ang mga pulis na kasama ng pamilya, at huli na nang makita niyang nadakip na ng mga ito ang mga kasama niya.
“Bistado na kayong dalawa. Mga hayop kayo. Alam na namin ang lahat. Mga manloloko!” galit na sabi ni Don Severo.
Nilapitan ng mga pulis ang kidn@per gayundin si Donya Consuelo. Hindi naman pala totoo ang hawak na baril ng kidn@per. Gulat na gulat si Donya Consuelo. Hindi rin totoo ang pagkakalagay ng gapos sa kaniyang mga kamay; hindi ganoon kahigpit. Binasahan sila ng Miranda Rights at saka dinala sa presinto.
Batay sa pagsasalaysay ni Aling Dorothy, natuklasan niyang may kalaguyo si Donya Consuelo, at ito ay walang iba kundi ang ‘kidn@per’ niya. Isang palabas lamang pala ang lahat. Pinlano nina Donya Consuelo at ng kalaguyo niya ang kunwari ay pangingidnap sa kaniya, upang magkaroon sila ng sapat na pera, at makalayo-layo na.
Hindi makapaniwala ang mga anak nila na magagawa iyon ng kanilang ina, na sa labis na takot ay umamin na sa kasalanang kanilang nagawa. Abot-langit ang paghingi ng tawad ni Donya Consuelo sa kaniyang mga anak, lalo na sa kaniyang mister na si Don Severo, na labis-labis niyang sinaktan at niloko.
Itinuloy ni Don Severo ang paghahain ng kaso sa kaniyang asawa at sa kabit nito, batay na rin sa testimonya ni Aling Dorothy at ilan pang mga ebidensya, hanggang sa makulong ang dalawa.

Pinautang ng Mag-asawa ang Kanilang Kumpareng Hindi Nakakapagbayad ng Dati Pa Nilang Utang; Magsisi Kaya Sila sa Ibinigay na Tiwala?
