
Pinautang ng Mag-asawa ang Kanilang Kumpareng Hindi Nakakapagbayad ng Dati Pa Nilang Utang; Magsisi Kaya Sila sa Ibinigay na Tiwala?
“Sige na pare, babayaran naman kita eh. Huli na ito. Kailangang-kailangan ko lang talaga ng perang iyan para makapagproseso na ako pa-abroad.”
Napapakamot na lamang sa kaniyang ulo si Rodel. Heto na naman ang kaniyang kaibigang si Jestoni. Umuutang na naman. Sa totoo lang, ayaw na niya sanang pautangin ito dahil may mga utang pa ito sa kaniyang hindi pa nababayaran. Ninong ito ng kaniyang anak.
“Alam ko, hindi buo ang puso mong pautangin ako dahil may mga utang pa ako sa iyo na hindi ko pa nababayaran. Pero ito pare, pangako ko sa iyo, kapag umasenso ako sa inaaplayan kong trabaho abroad, talagang babayaran ko ang mga utang ko sa iyo,” pangungumbinsi pa ni Jestoni.
“Sandali lang pare, kailangan ko munang konsultahin si mare mo. Kasi, hindi naman ako ang humahawak ng pera. Nasa kaniya ang ATM at bank passbook ko. Pasensya ka na. Babalitaan kita bukas,” saad naman ni Rodel.
Totoo naman ang mga sinabi ni Rodel. Hindi talaga siya ang humahawak ng kaniyang pera kundi ang kaniyang misis.
“Sige pare, balitaan mo na lang ako ha? Maraming salamat,” nasabi na lamang ni Jestoni.
Agad na idinulog ni Rodel sa kaniyang misis na si Cathy ang pangungutang ni Jestoni.
“Teka muna, marami pa nga siyang utang sa atin, utang na naman? Magbayad muna siya bago makahirit,” reaksyon ni Cathy.
“Magbabayad naman siya mahal, kaya lang syempre, gipit pa yung tao. Malay mo naman kapag umasenso siya sa ibang bansa, magbayad din siya. Pagbigyan na natin. Saka, tatandaan mo mahal, bilog ang mundo. Maaaring nasa ibaba siya ngayon pero puwede rin namang umangat,” paalala ni Rodel.
“Sige na nga… bahala ka na,” tugon naman ni Cathy.
“Ibigay mo na sa akin ito. Ako na’ng bahala kay kumpare.”
Laking-galak ni Jestoni nang i-abot sa kaniya ni Rodel ang halagang inuutang niya.
“Maraming salamat, kumpare. Pakisabi kay kumare, maraming salamat din. Hayaan ninyo, makakabawi rin ako sa inyo,” naiiyak na sabi ni Jestoni.
“Bayaran mo na lang kapag nakaluwag-luwag ka na,” nakangiti namang sabi ni Rodel.
Matapos ang ilang buwang pagproseso ng mga papeles ay nakalipad na nga sa ibang bansa si Jestoni bilang isang OFW. Lumipas ang dalawang taon, at wala na silang nabalitaan hinggil kay Jestoni. Kaya minsan, pinagmumulan ito ng pagtatalo nina Rodel at Cathy.
“Oh nasaan na ang magaling na kumpare mo? Aba, yung 10,000 piso na inutang niya na dalawang taon nang hindi naibabalik, eh puwede nating idagdag na pambayad dito sa bahay na ito, para hindi tayo mapaalis!” naiinis at naiiyak na sumbat ni Cathy sa kaniyang mister na si Rodel.
Nagkaroon sila ng malaking dagok sa bahay na kanilang tinitirhan. Nabili kasi nila ito bilang foreclosed property, at hindi pa pala nakakabayad nang buo ang dating may-ari nito. Nadaya sila. At ngayong sila na ang bagong may-ari, sila ang dapat magpatuloy ng bayad niyon, kung hindi ay kailangan nilang lumisan sa naturang bahay.
500,000 piso ang kailangan nilang bayaran, subalit wala naman silang ganoong kalaking halaga.
“Oh, ngayon, nasaan na ang mga dating kaibigang tinulungan mo? Ngayong ikaw naman ang nangangailangan, wala naman silang maitulong sa iyo. Ano ka ngayon?” patuloy na pambubunganga ni Cathy sa kaniya.
“Puwede ba Cathy, itigil mo na iyang panunumbat mo. Gagawin ko naman ang lahat eh. Hihingi ako ng tulong sa mga kakilala ko, huwag kang mag-alala. May isang buwan pa naman tayo para bunuin ang 500,000 piso na kailangan natin.”
“Sa tingin mo ba, sa loob ng isang buwan ay makakahanap at makakalikom ka ng 500,000 piso? Suntok sa buwan kung mangungutang ka sa bangko. Makabubuting ibenta mo na lamang ang kotse mo, mas mainam pa,” mungkahi naman ni Cathy.
“Walang dapat magbenta, Cathy.”
Sabay na napalingon sa kanilang pintuan ang mag-asawa. Si Jestoni! Ibang-iba na ang postura nito, at napansin nilang magara na rin ang kotse nito na nakaparada sa kanilang harapan. Pinagbuksan ito ng tarangkahan ng kanilang anak at pinapasok sa loob.
“Jestoni, pare? Ikaw na ba iyan? Ibang-iba ka na! Kumusta?” pagbati ni Rodel sa kaniyang kumpare.
“Noong makalawa pa ako dumating. Heto, nakatisod nang suwerte sa ibang bansa, may sarili nang kompanya. Sa pag-uwi ko rito, kayo talaga ang unang naisip ko na puntahan. Kailangan kong magbayad ng utang sa inyo,” sagot ni Jestoni.
Naupo ito sa sofa. May kinuhang kapirasong papel mula sa maliit na bag. Iniabot kay Rodel. Tseke.
“Bayaran ninyo ang bahay na ito, at ang matitira, para sa mga pagkukulang ko sa inaanak ko.”
Nanlaki ang mga mata ni Rodel nang makita ang halagang nakasulat sa tseke na iniabot ni Jestoni.
“P-Pare, 1 milyong piso? Sobra-sobra naman yata ang bayad mo,” hindi makapaniwalang saad ni Rodel.
“Hindi, pare. Naging mabuti kayo sa akin ni Mareng Cathy. Noong mga panahong kailangang-kailangan ko ng tulong, nandiyan kayo para dumamay. Alam ko namang hindi naging madali ang desisyon ninyong pautangin ako ng pera dahil sa reputasyon ko sa inyong hindi nakakabayad, pero nagtiwala pa rin kayo sa akin. Isa kayo sa mga dahilan kung bakit ako nakarating sa ibang bansa, at natamasa ko ang tagumpay na mayroon ako ngayon. Ito naman ang pagkakataon ko para bawian kayo,” naiiyak na pahayag ni Jestoni.
Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa magandang kapalarang dumating sa kanila. Nakabayad sila ng kanilang utang, at hindi na sila napaalis sa kanilang tinutuluyang bahay. Ang natirang pera naman ay inipon nila at ang iba ay pinumuhunan sa negosyo. Si Jestoni naman ay bumalik na sa ibang bansa upang ipagpatuloy ang kaniyang trabaho at negosyo roon.
Napatunayan ni Rodel na totoo ang sinabi niyang ang buhay ng tao ay parang gulong.

Kitang-kita ng Mister na Ito ang Panloloko ng Kaniyang Misis sa Kaniya; Paano Kaya Ito Pagmumulan ng Patong-Patong na Kalbaryo ng Mister?
