
Kitang-kita ng Mister na Ito ang Panloloko ng Kaniyang Misis sa Kaniya; Paano Kaya Ito Pagmumulan ng Patong-Patong na Kalbaryo ng Mister?
Malakas ang nararamdamang hinala ni Benny na may ginagawang kakaiba ang kaniyang misis na si Jen.
Madalas niya kasing napapansing nahihilig na ito sa pagpapaganda, gayong kapag kinakausap at tinatanong naman niya, nagagalit sa kaniya. Kapag kinakalabit niya ito, hindi rin naman siya pinagbibigyan. Kaya sino naman kaya ang pinagpapagandahan nito?
Magkasintahan pa lamang sila ni Jen, marami na siyang naririnig na hindi maganda tungkol dito. Na kesyo makati ito, na kesyo maharot ito at kung sino-sinong lalaki ang kinakasama. Subalit kapag umiibig ka nga, para kang bulag. Hindi niya pinakinggan ang sinasabi ng iba. Pinakasalan pa rin niya si Jen. Nagkaroon sila ng isang supling.
At ngayon, labis-labis ang kaniyang pag-aalala. Matindi ang kaniyang hinalang may ibang kinakalantari ang kaniyang misis. Gagawa siya ng paraan upang mahuli ito.
Isang araw, nagpaalam si Jen na makikipagkita lamang sa isang kaibigang matagal nang hindi nakakausap at nakikita. Pumayag naman si Benny, ngunit buo na sa kaniyang isipan na sundan ang misis sa pupuntahan nito.
Gamit ang kaniyang motorsiklo, sinundan niya ang kotseng kinasasakyan ng kaniyang misis na kinuha nito sa pamamagitan ng isang application. At nagulat siya dahil patungo ito sa bahay ng kaniyang katrabaho na si Isidro!
At kitang-kita nga niya nang bumaba mula sa kotse si Jen at sinalubong ng halik sa mga labi ni Isidro na kaniyang katrabaho.
Iniisip niya ngayon kung paano nakilala ni Jen ang kaniyang katrabahong si Isidro, na kilalang matinik sa mga babae.
Naalala niya na noong nagdiwang siya ng kaarawan, nagsagawa siya ng party sa kanilang bahay. Isa sa mga naimbitahan niya si Isidro, hindi dahil sa kaibigan niya ito, kundi dahil nga bahagi ng pakikisama na imbitahan ang mga katrabaho sa kompanyang pinagtatrabahuhan. Sumama naman ito.
Pilit binalikan ni Benny sa kaniyang isipan ang sapot ng kaniyang alaala. Iniisip niya kung paano nagkaroon ng engkuwentro ang dalawa noon. Naalala nga niya na madalas na magkausap ang misis at si Isidro dahil pareho raw sila ng lalawigang pinagmulan. Hindi naman niya ito binigyan ng malisya. Isa pa, abala siya noon sa pag-estima ng kaniyang mga bisita.
Hindi niya alam ngayon ang gagawin.
Hindi siya nakapag-isip nang maayos.
Pinaharurot niya ang kaniyang motorsiklo. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Magulong-gulo ang kaniyang isipan.
Masyadong mabilis ang kaniyang pagpapatakbo kaya naman naispatan siya ng mga traffic enforcer at tinangka siyang tiketan, subalit dahil nga hindi niya alam ang kaniyang ginagawa at tila ba nablangko na siya, nagulat na lamang siya nang habulin siya ng mga ito.
“Baba! Baba! Siraulo ka ah, pinahirapan mo pa kami! Lagot ka ngayon! Akin na ang lisensya mo!” galit na galit na saad ng traffic enforcer.
Ngunit sa pagsulyap ni Benny sa mukha ng traffic enforcer, mukha ni Isidro ang kaniyang nakita. Nagdilim ang kaniyang paningin. Natagpuan na lamang niya ang sariling nakikipagbuno rito. Inagaw niya ang nakasukbit na baril sa tagiliran nito. Isang putok ang pumailanlang. Pumula ang gabi.
“Bakit mo nagawa ‘yon? Anong pumasok sa kukote mo para gawin mo ang bagay na iyon?” lumuluhang sumbat sa kaniya ni Jen. Nasa presinto siya’t hinihimas ang rehas na bakal ng kaniyang piitan.
“Gusto mo ba talagang malaman kung bakit? Sinundan lang naman kita at nakita ko kayo ni Isidro. Paano mo nagawa sa akin ang bagay na ito, Jen? Tinanggap kita dahil mahal na mahal kita pero hindi ko akalaing magagawa mo akong iputan sa ulo! Kayong dalawa ni Isidro ang kinakailangang nakakulong ngayon dito,” galit na sumbat ni Benny sa misis.
Natigilan si Jen sa pagsisiwalat na ito ni Benny.
“Kitang-kita ko ang lahat. Nagdilim ang paningin ko sa mga nakita ko. Masisisi mo ba ako?”
At hindi na kumibo si Jen. Totoo naman ang mga paratang sa kaniya ng mister.
“M-May pruweba ka? Wala kang pruweba sa mga bintang mo. I-Ikaw… ikaw ang magdurusa sa ginawa mo. Nakap@slang ka ng isang inosenteng tao. M-Mabubulok ka rito,” saad ni Jen.
Bagay na lalong nagpa-alab sa poot na nararamdaman ni Benny.
“Wala kang maikakaso sa amin dahil wala ka namang ebidensya.”
Nang gabing iyon, inisip ni Benny ang kaniyang gagawing pagtakas. Wala na siyang pakialam. Alam niyang sira na ang buhay niya sa kaniyang ginawang pagp@slang sa traffic enforcer. Tiyak na magiging masaya sina Isidro at Jen kapag nabulok siya sa bilangguan.
Walang sasaya. Hindi puwedeng masaya sila.
Tumakas ng bilangguan si Benny. Bukod doon, kinuha rin niya ang baril na pagmamay-ari ng isa sa mga pulis doon. Agad siyang nagtungo sa kanilang bahay upang sana ay magpaalam sa kaniyang anak. Ngunit iba ang nasaksihan niya: magkayakap sina Isidro at Jen sa kama. Gulat na gulat silang dalawa.
Nagdilim ang paningin ni Benny. Naging pula ang kulay ng sinag ng buwan sa pusikit na gabi…
Nasa pangangalaga ng kaniyang mga kaanak ang anak nina Benny at Jen. Si Benny, balik-kulungan, handang-handang pagdusahan ang mga pagkakamaling hindi intensyon at intensyong ginawa. Patong-patong ang kasong kaniyang haharapin; ang huli, ang pagtapos niya kina Isidro at Jen. Walang ni katiting na pagsisisi sa kaniyang puso. Wala.

Pinagbigyan ng Basurerang Lola ang Kaniyang mga Apo na Makakain sa Isang Sikat na Fast Food Chain Subalit Kulang ang Pera Niya; Tutuloy Pa Ba Sila?
