Inday TrendingInday Trending
Pinagbigyan ng Basurerang Lola ang Kaniyang mga Apo na Makakain sa Isang Sikat na Fast Food Chain Subalit Kulang ang Pera Niya; Tutuloy Pa Ba Sila?

Pinagbigyan ng Basurerang Lola ang Kaniyang mga Apo na Makakain sa Isang Sikat na Fast Food Chain Subalit Kulang ang Pera Niya; Tutuloy Pa Ba Sila?

Matapos makalikom ng sapat na halaga, maitabi ang perang kinakailangan ng kaniyang pamilya, masayang sinabi ni Lola Maritess sa kaniyang maliliit na apong sina Iday at Egong na pakakainin niya sila sa sikat na fast food chain, na matagal nang inihihirit ng dalawang bata.

“Talaga po, lola? May pera na tayo?” may kislap sa mga mata ni Iday.

“Baka wala pa tayong pera lola, puwede naman yung fried chicken na tig-limang piso lang ang ulamin natin eh,” giit naman ni Egong.

“Hindi mga apo. Minsanan lang naman. Pupunta na tayo roon ngayon na,” nakangiting kumpirmasyon ng matanda, na nasa 64 na taong gulang na, halos puti na ang mga buhok at kulubot na ang mga balat. Halos bungal na rin siya.

Tuwang-tuwa ang magkapatid na Iday at Egong. Sa wakas ay makakakain na rin sila ng mapulang pagkain na madalas nilang nakikita kapag napapadaan sila sa tapat ng fast food chain. Takam na takam sila rito. Nabubulol pa sila sa pagbigkas nito: istapegi, ispategi, o ispageti. Ah basta, ang alam nila, masarap iyon!

Pangangalakal ng basura ang ikinabubuhay ni Lola Maritess, kasa-kasama niya ang dalawang maliliit na apong sina Iday at Egong. Pinaalagaan lamang sa kaniya ng anak niyang si Daisy nang magtrabaho ito sa Maynila, subalit makalipas ang tatlong taon ay wala nang paramdam sa kaniya.

Wala ring padalang sustento para sa mga bata. Napilitan si Lola Maritess na kumayod sa abot ng kaniyang makakaya upang hindi magutom ang mga apo.

Lahat kayang tiisin ni Lola Maritess. Hindi baleng mahirapan siya. Hindi baleng manakit ang kaniyang mga tuhod at kasu-kasuan sa kakayuko at kakakalkal ng mga basurang nagkalat sa kalsada, upang kunin ang mga bote, papel, garapa, at iba pang mga bagay na may pakinabang pa’t maaari pang ibenta. Kaya niyang tiisin para sa kaniyang mga pinakamamahal na apo na siyang nagiging tungkod naman niya sa paglalakad.

Minsan, may ilang mabubuting kalooban na nag-aabot sa kanila ng malaking pera. Sa awa siguro. Ayaw niyang isiping limos iyon dahil hindi naman siya namamalimos. Iniisip na lamang niya na ito ay biyaya mula sa langit, kaya malugod niyang tinatanggap. Hindi para sa kaniyang sarili kundi para sa kaniyang mga apo.

At ngayon nga, palagay niya ay sapat na ang perang paunti-unti niyang naipon para iparanas sa mga apo na makakain sa naturang fast food chain. Madalas kasi nilang ihirit iyon.

Ang totoo, hindi niya alam kung paano oorder doon. Nahihiya siya sa kaniyang hitsura. Sunog na sunog sa araw ang kaniyang balat. Kitang-kita na ang mga sulsi ng kaniyang saya. Bungi-bungi ang kaniyang mga ngipin.

Kaya lakas-loob na pumasok ang matanda sa loob ng naturang fast food chain, kasama ang dalawang apo. Namilog ang mga mata nina Iday at Egong.

“Ang lamig-lamig pala rito, lola! Ang bango-bango!” malakas na sabi ni Iday. Inamoy-amoy niya ang aroma sa loob ng fast food chain. Pinagtinginan naman sila ng mga taong kumakain sa loob.

“Huwag kang maingay, Iday, at baka magambala natin ang ibang mga kumakain. Egong, apo, humanap na kayo nang mauupuan. Huwag kayo masyadong malikot at baka makadisgrasya kayo ng ibang kumakain ha,” bilin ni Lola Maritess sa kaniyang mga apo.

Hindi pa man natatapos ang kaniyang mga sasabihin ay nagtatatakbo na ang dalawang bata upang humanap ng kanilang puwesto.

Napatingin naman si Lola Maritess sa counter kung saan nakikita niyang pumipila ang mga bibili. Hindi niya alam ang gagawin.

“Ma’am, oorder po ba sila?” maya-maya ay magalang na tanong ng isang lalaking service crew, nang mapansing tila nalilito ang matanda at hindi alam ang gagawin.

“Naku, eh… bigyan mo nga ako noong dalawang mapulang pagkain na iyon, may inuming kasama. Tatlo. Magkano lahat?” nahihiyang sabi ni Lola Maritess. Spaghetti meal ang tinutukoy niya.

Kinuwenta naman ng lalaking service crew kung magkano lahat.

“Bale, 500 piso po lahat.”

Kulang ang kaniyang pera ng 150 piso kaya sinabi niyang dalawa na lamang.

Gayon na lamang ang kasiyahan ng dalawang bata nang dumating na ang kanilang order. Dalawang spaghetti meal para kina Iday at Egong. Nang susubo na si Egong, napansin niyang nakamata lamang sa kanila ni Iday si Lola Maritess.

“Kayo po, lola, hindi kakain?”

“Sige na mga apo, ayos lamang ako. Masaya na akong makitang kumakain kayo ng paborito ninyo,” nakangiting sabi ni Lola Maritess sa kaniyang mga apo.

Kaya naman nilantakan nina Iday at Egong ang kanilang spaghetti. Sarap na sarap sila. Wala silang pakialam kung kulay pula na ang kanilang mga ngipin at labi. Pinagmamasdan lamang ni Lola Maritess ang magandang pagkain ng kaniyang mga apo. Masaya na siyang makitang masaya sina Iday at Egong.

Maya-maya, lumapit ulit ang lalaking service crew na nag-asiste kay Lola Maritess.

“Ma’am, may nagpapabigay po sa inyo.”

Isang spaghetti meal at bucket ng manok ang dala-dala ng service crew.

“Ay hindi ako umorder niyan, wala akong perang pambayad,” biglaang sabi ni Lola Maritess.

“Naku, binayaran na po nila,” saad ng lalaking service crew sabay turo sa isang ginang na nakaupo sa bandang dulo.

Narinig pala nito ang usapan nila kanina, kaya nang makaorder na ang lola, binulungan ng ginang ang lalaking service crew na dagdagan pa ng isang spaghetti meal, at may karagdagan pang bucket meal ng mga manok.

Labis-labis ang pasasalamat ni Lola Maritess sa naturang ginang. Iniuwi na nila ang iba pang mga manok na hindi nila naubos.

Bundat na bundat ang dalawang bata.

“Ang sarap-sarap talaga ng istapegi! Salamat lola!” pasasalamat ni Iday.

“Oo nga po, lola. Saka ang bait ng ale ‘no? Sana makaulit tayong kumain doon,” saad naman ni Egong.

“Mga apo, kayang-kaya ninyong kumain ng mga iyan basta’t magsisipag kayo. Mag-aaral na kayo sa susunod na pasukan para gumanda ang buhay ninyo sa hinaharap,” tugon naman ni Lola Maritess.

Tuwang-tuwa naman ang dalawang apo. Pagdating sa bahay, muli nilang nilantakan ang take-out na ibinigay rin ng ginang na nagmagandang-loob sa kanila.

Samantala, napatunayan naman ni Lola Maritess na sadyang may mabubuti pa ring mga estranghero na handang tumulong sa kapwa, kahit na walang hinihintay na kapalit.

Advertisement