
Napakasuwail ng mga Batang Ito sa Kanilang mga Magulang; Sa Pagdating ng Kanilang Lola ay Tila Magkakaroon Sila ng Katapat
“O, mga anak, ito ang Lola Ramona ninyo. Siya muna ang titingin sa inyo habang nagbabakasyon kayo rito sa probinsya, okay? Ang Lola Ramona n’yo ay Aunty ko, dahil kapatid siya ng Lolo Felipe n’yo na siya namang papa ko. Matanda na si Lola Ramona, kaya huwag n’yong pasasakitin ang ulo niya,” bilin ni Glenda sa kaniyang mga anak, habang ipinapakilala sa mga ito ang kaniyang tiyahin, na siya ring nag-aalaga sa kanila noong sila ay bata pa.
“Huwag kayong mag-alala, dahil makakasama n’yo rin naman dito ang mga pinsan n’yong sina Ate Diana at Kuya Miguel, dahil iiwanan din sila dito ng Aunty Gwen n’yo,” dagdag pa ni Glenda, ngunit wala pa rin siyang narinig na sagot mula sa tatlong anak niyang sina Hanna, Paloma, at Cleo.
Nakahalukipkip ang mga ito’t mga nakasimagot. Halatang labag sa kalooban nila ang pagbabakasyon dito sa probinsya, ngunit hindi na pwedeng umatras pa ang magkapatid na Gwen at Glenda.
Suwail kasi ang kani-kaniya nilang mga anak. Pawang mga matitigas ang ulo, pasaway at parang wala nang pinakikinggan ang mga ito dahil hindi nila madalas madisiplina. Magkasosyo rin kasi sa negosyo ang magkapatid kaya pareho silang abala sa trabaho at ganoon din ang kanilang mga asawa. Madalas ay ang mga kasambahay lamang nila ang naiiwan sa mga ito kaya siguro ganoon na lang kasabik sa atensyon ang mga bata.
Nais nina Gwen at Glenda na maintindihan ng mga batang ito kung bakit kailangan nilang magpaka-abala sa trabaho. Nais nilang ipaalam na ginagawa lang naman nila ito para sa kinabukasan din ng kanilang mga anak… at alam nilang ang kanilang Tiya Romana lamang ang solusyon sa problema nilang ito.
Si Tiya Romana ay isang dating guro, na hindi na nagkaroon pa ng asawa simula nang malaman niyang wala siyang kakayahang magkaanak. Istrikta ito, ngunit ito ang dahilan kung bakit lumaking mabubuting tao sina Gwen at Glenda. Ito kasi ang nag-aalaga sa kanila noon sa tuwing may business trip ang kanilang ama’t ina, at talaga namang hinding-hindi nila malilimutan ang mga araw na kasama nila ito.
“Tiya, kayo na po ang bahala sa mga batang ’yan. Kung magkakaroon po ng problema, pakitawagan na lang po ako, ha? Medyo matitigas po kasi ang ulo nila. Kayo na po ang bahalang dumisiplina sa kanila kung kailangan,” baling pa ni Gwen sa kanilang tiyahin na agad namang ikinaarko ng kilay ng anak niyang si Diana.
“Huwag kang mag-alala. Ako ang bahala sa mga batang ’yan. Sisiguraduhin ko sa inyo na uuwi silang matitino pagkatapos ng dalawang buwan,” sagot naman ng kanilang Lola Ramona sa isang malamig at malagong na tinig, kalakip ng isang ngising nakapagpatayo sa kanilang mga balahibo.
Pagkaalis pa lamang ng kanilang mga ina ay agad silang hinarap ni Lola Ramona…
“Ilagay n’yo sa harapan ko ang lahat ng gadgets na mayroon kayo. Maaari n’yo lamang kunin ang mga ’yan pagkatapos n’yong gawin ang lahat ng ipagagawa ko,” ma-awtoridad na utos ni Lola Ramona sa kaniyang mga apo sa pamangkin, ngunit nginiwian lamang siya ng mga ito.
“Paano po kung ayaw naming sumunod?” pilyong tanong pa ng disisais anyos na binatilyo sa matanda.
“Kung gan’on ay mapipilitan akong gawin ito…” sagot naman ni Lola Ramona sabay hila sa patilya ng binatilyo. Agad naman itong napahiyaw sa sakit! Nang subukan niyang alisin ang kamay ng matanda sa kaniyang buhok ay pinitik naman nito nang malakas ang likod ng kaniyang daliri na lalo lamang nakadagdag sa kaniyang iniinda.
“Lola, tama na po! Susunod na po, susunod na!” pakiusap pa ng binatilyo kaya’t agad na ring gumaya ang iba pa.
Sa buong buhay ng mga batang ito ay ngayon lamang nila naranasang inoorasan sila sa bawat gagawin nila. Isang oras para sa paglilinis ng buong bahay, kalahati para punuin ang mga drum ng tubig, isa ulit para sa paghuhugas at pagsasaing, upang pagkatapos ng mga gawaing iyon ay makagagamit na sila ng mga gadgets nila. Turo kasi ng kanilang Lola Ramona, mahalaga ang bawat oras kaya’t dapat itong pahalagahan.
Hindi rin alam ng mga batang ito kung papaano ba nagagawa ni Lola Ramona na pasunurin sila nang gan’on kabilis. Magsalita pa lang kasi ito ay nangangatog na ang kanilang tuhod, dahil ngayon lamang sila nakaranas ng ganoong pagdidisiplina.
Ganoon pa man, sa pananatili nila sa puder ni Lola Ramona ay napakarami nilang natutunan. Marami silang natuklasang bagay na kaya pala nilang gawin kahit wala ang tulong ng kasambahay o kanilang mga ina. Bukod doon ay napamahal din sila kaagad kay Lola Ramona dahil sa sarap nitong magluto at sa epektibong pagpapaliwanag nito sa kanila ng mga bagay-bagay.
Nang matapos ang dalawang buwan, umuwi sila sa kanilang bahay na baon ang mga pangaral ng kanilang Lola Romana at ang disiplina nito ang kanilang naging gabay upang maging mas mabubuting bata. Tagumpay ang pagpasok ni Lola Ramona sa eksena. Sa katunayan ay hindi na sila makapaghintay pa na muling sumapit ang bakasyon at makasama nilang muli ang lola nilang istrikta.

Kakaiba ang Hitsura ng Kanilang Ina Kaya’t Madalas Silang Pagtawanan sa Eskuwela; Mapapahiya ang Lahat sa Pagbabahagi Nila kung Gaano Ito Kadakilang Ina
