
Iniwan ng Kanilang mga Magulang ang Magkakapatid Kaya Napilitan Silang Suportahan ang Isa’t Isa; Makakayanan Kaya Nila ang mga Pagsubok na Darating?
Bago pa lamang nagbubukang liwayway, ngunit maririnig na ang malalakas na palahaw ng magkakapatid na Jake, Yna, at Dindo. Nasa labas sila ng kanilang bahay at patuloy na tinatawag ang kanilang ina, kahit pa nga kanina pa ito naglaho sa kanilang mga paningin.
“Naku, nakakaawa naman ang magkakapatid na ’yan. Pagkatapos iwan ng tatay nila, aba’y iniwan naman sila ng nanay nila ngayon!”
“Oo nga. Siguro, dapat, ilapit na natin sa barangay ang sitwasyon ng mga ’yan.”
Nang marinig ng labing tatlong taong gulang na panganay na si Dindo ang usapang iyon ng kanilang mga kapitbahay ay agad niyang nilapitan ang mga ito. Alam niya kasi ang kahihinatnan nilang magkakapatid kung itutuloy nila ang kanilang mga plano. Sigurado siyang dadalhin sila ng kanilang barangay sa DSWD, kung saan may posibilidad na magkahiwa-hiwalay silang magkakapatid.
“Huwag po! Huwag n’yo po kaming isumbong sa barangay, pakiusap! Ayaw po naming magkakapatid na magkahiwa-hiwalay! Kaya ko pong buhayin ang mga kapatid ko, basta huwag n’yo lang po kaming isumbong sa barangay!” umiiyak na pakiusap ni Dindo sa dalawang nag-uusap na babae kaya’t nagkatinginan ang mga ito. Sa huli ay sinang-ayunan na lamang nila ang bata, dahil sa labis na awa.
Pinapasok ni Dindo ang dalawang kapatid na sina Yna, labing isang taong gulang at ang bunso nilang si Jake na sampung taong gulang naman.
“Ganito na lang, Dindo, ha? Tutal ay may mga tanim naman kaming gulay, malaya kayong makakakuha r’yan para iyon ang kakainin n’yo kapag wala kayong pagkain, ha?” sabi naman ng kapitbahay nila kaya’t laking tuwa ni Dindo.
Nagsimulang mag-apply si Dindo sa palengke bilang tagatapon ng mga basura. Sa pabarya-baryang kita ay naging masaya naman ang binatilyo dahil maaari na rin naman nila iyong ipambili ng bigas.
Nang makita ang sipag ng kanilang kuya para lang matustusan ang pangangailangan nila ay hindi nagdalawang-isip sina Ysa at Jake na tumulong dito. Nagpasya silang mangalakal upang makadagdag sa kita.
Sa tuwing may matitira sa kanilang mga kinikita sa araw-araw, napagpasyahan ng magkakapatid na ipunin iyon upang makabili sila ng gamit pang-eskuwela. Balak nilang ipagpatuloy ang pag-aaral sa kabila ng kawalan nila ng suporta mula sa mga magulang.
Naging sandigan ng magkakapatid ang isa’t isa anumang unos ang dumating sa kanilang buhay. Nagdaan man ang maraming bagyo na halos sumira sa kanilang tahanan ay nanatili silang sama-sama na talaga namang hinangaan ng mga nakakakilala sa kanila. Dahil doon, madalas din silang makatanggap ng tulong mula sa ibang tao, kaya naman kahit papaano ay kaya nilang tustusan ang lahat ng pangangailangan nilang magkakapatid.
Nang tumuntong si Dindo sa tamang edad ay nagpasya siyang mag-apply ng part-time job bilang isang service crew sa isang kainan. Nang mga panahong iyon ay nakakuha na rin kasi siya ng scholarship upang makatuntong sa kolehiyo kaya hindi na uubra ang barya-baryang kita mula sa pagtatapon ng basura sa palengke at pangangalakal.
Agad na sumunod sa yapak ni Dindo sina Yna at Jake makalipas lamang ang dalawang taon kaya’t pare-pareho silang nag-aaral ngayon sa kolehiyo bilang mga iskolar ng bayan, dahil na rin sa angkin nilang talino, tiyaga at pagpupursige.
Si Dindo, bilang isang engineer, si Yna, bilang isang accountant habang si Jake naman, bilang isang arkitekto.
Matapos sunod-sunod na maka-graduate ay pare-pareho na rin silang nakakuha ng magagandang trabaho. Mabilis silang nakapagpundar ng kani-kanilang mga ari-arian dahil alam ng tatlo kung paano humawak ng pera. Hindi nila kinalimutan ang mga taong tumulong sa kanila noong sila ay nasa baba pa lamang. Ibinalik nila sa mga ito ang utang na loob, habang ang kanila namang bahay na naging saksi sa lahat ng kanilang mga pinagsamahan ay ipinaayos nila at ginawang bahay bakasyunan.
Ngayon ay may kani-kaniya nang pamilya sina Dindo, Yna, at Jake, ngunit sa tuwing mami-miss nila ang isa’t isa ay bumabalik pa rin sila sa dati nilang tahanan upang balikan ang magagandang alaala ng mga pinagdaanan nila noon na ngayon ay ipinapasa naman na nila sa kanilang mga anak. Tunay ngang ang pinakamatibay mong pwedeng maging kasangga sa buhay ay walang iba kundi ang iyong mga kapamilya, at iyon ang pinatunayan ng tatlong magkakapatid.
Hindi na muling nakita ng tatlo ang kanilang ama at ina. Ganoon pa man ay pinatawad na rin nila ang mga ito.